30.1 C
Manila
Lunes, Hulyo 6, 2026

Senado, anong saysay?

- Advertisement -
- Advertisement -

PANAHON nang repasuhin at rebyuhin kung kailangan pa ba ang Senado sa ating pamahalaan. Una, hindi ito totoong kumakatawan sa anumang sektor ng mamamayan sa ating lipunan. Ikalawa, mahirap tanggalin ang isang senador sa kanyang posisyon. Ikatlo, bumabagal ang lehislasyon.

Sa unang dahilan, sino ba ang kinakatawan ng mga senador? Pambansang interes o personal at politikal na interes lamang ba lagi ang nananaig? Karamihan sa mga nakaupo sa upper chamber ng Kongreso ay galing sa mga politikal na dinastiya. Karamihan ay may pribilehiyadong posisyon at exposure sa madla. Binoboto natin sila nang direkta tuwing may pambansang eleksyon kasabay ng pagpili natin ng pangulo at pangalawang pangulo ng bansa. Ngunit kahit sinong kuwalipikado na may karanasan sa lokal na pamamahala, may sapat na edukasyon at talino, may track record bilang lingkod-bayan, at walang bahid ng korapsyon o anumang iregularidad ay hindi mananalong senador kung wala kang pera, kung walang malaking makinarya ng partido, o kung hindi ka sikat na artista.

Ang populistang mekanisasyon ng eleksyon ay nagaganap sa eleksyon. Basta sikat ka o kaalyado ng popular na pangulo at ng malakas na partido, mataas ang probabilidad na manalo ka. Hindi nakabatay sa demokratikong representasyon at sa katarungang panlipunan ang istruktura ng paghalal sa kanila. Huwag nating sabihing nakabatay ang Senado natin sa US Senate. Oo, sa pangalan, pero sa proseso ng paghalal ay iba. Nanggagaling sa 50 estado ng US ang tig-2 senador na uupo sa US Senate. Kinakatawan nila ang bawat federal state. Sa atin, saan sila galing? Ano ang awtentikong representasyon na pinanggagalingan nila? Kung nirerebyu ng mga mambabatas ang party-list system, bakit hindi nila rebyuhin ang buong Kongreso, lalo na kung kailangan pa ng Senado?

Kahit alam nating nasangkot sa maraming anomalya ang isang senador, mahirap siyang tanggalin sa puwesto. Tandaan natin na ilan sa mga senador at kongresista ang nasangkot sa PDAF scandal at sa kasalukuyang flood control corruption scandal at may ilan na nasasangkot sa mga karumal-dumal na krimen. Pero nandiyan pa rin sila. Tumatanggap ng suweldo na galing sa buwis ng mamamayan. Hindi katulad ng mga nasa LGU, ahensiya ng pamahalaan, at mga pribadong kompanya, lalapatan ka kaagad ng preventive suspension o kaya’y awtomatikong tanggal ka sa trabaho.

Sa Senado, kailangang isampa ang reklamo sa Ethics Committee nila at two-thirds ng kabuuang bilang ng mga senador ang kailangan para masuspinde o mapatalsik sa puwesto. Walang mabuting pamamahala at pananagutan sa bansa ang ganitong proseso dahil ang proseso ay politikal, bilangan ng kaalyado.


Balikan natin kung paano sila nagpapalit ng pangulo ng Senado. Politikal na interes ang nananaig at hindi ang pambansang kapakanan. Wala pa akong naririnig o nababasang natanggal na senador dahil inaksyunan ito ng Ethics Committee nila. Kakatwa na ginagamit ang salitang Ethics, subalit hindi naman ito napapangatawanan. Kung mas mataas ang posisyon, kailangang mas matindi rin dapat ang pananagutan o accountability na hihingin sa bawat taong nakaupo sa puwesto. Sa realidad, hindi ito nangyayari.

Dahil dalawa ang kapulungan ng Kongreso, bumabagal ang lehislasyon. Sa pagpasa ng budget, may sariling budget hearing ang Kamara at ang Senado. Mayroon pang bicameral conference committee ang dalawa para rebyuhin ang budget. Sa buong prosesong iyan, na tila kulang-kulang sa isang taon nilang gagawin, diyan sila halos napapako. Diyan din pumapasok ang mga “insertion” sa budget. Sa pagpasa naman ng mga batas, dadaan uli sa dalawang kapulungan ang panukalang batas. Kapag nanggaling ang panukala sa Kamara, na mayroong first, second at third reading, maaaring aksyunan ito ng kabila—aprubahan ang eksaktong panukala, maghain ng sariling bersyon o kaya’y tutulan ito. Ang huli’y nangyayari kapag inuupuan lamang at nakahimpil o pending sa Senado. Kung dalawang beses inuulit ang proseso, lohikal na bumabagal ang proseso ng pagpapatibay ng batas.

Sa kabuuan, mababago lamang ang istruktura ng Kongreso kung aamendahan ang Saligang Batas. Sa ating sistema ng pamahalaan, napakahirap gawin ito. Maraming beses na tinangkang gawin ito. Laging nababahiran ng pagdududa. Kapag ang panukala’y galing sa pangulo ng bansa, baka raw no-el (no election) at nais lamang palawigin ang termino ng mga nakaluklok sa puwesto. Kapag ang mga panukala’y sasaling sa interes ng mga nakaupo sa Kongreso o kaya’y interes ng mga negosyo o pribadong tao na nagpopondo sa eleksyon nila, asahan nating uupuan lamang ito hanggang tuluyan nang mamatay ang anumang panukala.

Halimbawa, ang anti-political dynasty bill? Maipapatupad ba talaga ito? Kung istrikto nating ipapataw na walang politikal na dinastiya sa anumang posisyon—halal o hinirang—baka wala nang matira sa kanila. Sasaling ito sa ambisyon at interes nila. Samakatuwid, hindi nila ito gugustuhin. Kung kaya, kailangang bantayan ito ng taumbayan.

- Advertisement -

Alalahanin natin na ang soberanya ng Estado ay nanggagaling sa mamamayan. Tayo ang puno’t dulo ng kapangyarihan ng mga nakaluklok sa puwesto. Tayo rin ang dapat sisihin sa pamahalaang laging pumapalpak. Tuwing eleksyon, kailangang gampanan natin ang ating tungkulin na pumili ng matino at mabuting tao sa puwesto. Kailangan natin ng isang pinuno ng bansa na mayroong moral at political leadership na baguhin ang Saligang Batas na hindi siya makikinabang at ipag-uutos niyang iyon din ang susundin ng mga nakaupo sa puwesto. Kailangan nating suportahan ang mga taong iyon na inuuna ang kapakanan ng bansa. Kung mayroon mang institusyon ng pamahalaan na kailangang buwagin o repasuhin, kailangang seryosong pag-isipan, pag-usapan at harapin natin ang pagbabago sa ating Saligang Batas. 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -