26.1 C
Manila
Biyernes, Enero 17, 2025

DoLE, CHR lumagda ng kasunduan para protektahan karapatan ng mga manggagawa

- Advertisement -
- Advertisement -

UPANG higit na isulong at protektahan ang mga karapatang-pantao ng mga manggagawa, ang Department of Labor and Employment (DoLE) at ang Commission on Human Rights (CHR) ay bumuo ng samahan para sa mas mabilis na pagsasagawa ng imbestigasyon sa mga paglabag sa kalayaan ng mga manggagawa na bumuo at sumali sa organisasyon.

Sa ilalim ng Memorandum of Agreement (MoA), inaatasan ang DoLE at CHR na magtulungan sa mga isinangguning kaso, imbestigasyon, monitoring, witness protection at psychosocial support, edukasyon sa paggawa at pagtataguyod ng karapatang-pantao; at pagbuo ng mga polisiya.

Nilagdaan nina DoLE Secretary Bienvenido Laguesma at CHR Chairman Richard Palpal-Latoc ang MoA sa CHR Central Office sa Diliman, Quezon City noong ika-20 ng Oktubre.

Sinabi ni Kalihim Laguesma na mahalaga ang pakikipagtulungan ng DoLE-CHR sa pagtugon sa mga usapin sa paggawa na inihain sa pagbisita ng International Labor Organization (ILO) High-Level Tripartite Mission (HLTM) noong Enero 2023.

“Binibigyang-diin ng kasunduang ito ang pangangailangan para sa ating patuloy na pakikipagtulungan, na tinitiyak na ang mga prinsipyo sa paggawa at karapatang pantao ay patuloy na itinataguyod sa bawat inisyatibo at patakarang ating ipinatutupad. Kailangan natin ang suporta ng mga grupo ng manggagawa at ng sektor ng employer gayundin ng ILO para ang ating iisang layunin na tiyakin na ang mga Convention, lalo na ang Convention 87 at 98, ay iginagalang,” pahayag ng kalihim.


Kasunod ng paglagda sa MoA, isang mekanismo ng case referral ang agad na ipatutupad, kung saan ang DoLE-Bureau of Labor Relations (BLR) at CHR Protection Cluster bilang mga responsableng ahensya para sa mga liham  at mga referral.

Maaaring abisuhan ng CHR ang DoLE kapag nakatanggap sila ng mga ulat o reklamo sa mga sinasabing paglabag sa mga karapatan sa paggawa.  Maaaring  beripikahin  ng DoLE ang mga ulat o reklamo para sa pagbuo ng kaso at pangangalap ng ebidensya.

Dapat ding agad magtatag ang DoLE at CHR ng magkasanib na mekanismo sa  pagmo-monitor upang matiyak ang regular na pagbabahagi ng impormasyon at pagsubaybay sa mga kaso ng karapatang pantao.  Dapat buuin ang monitoring mechanism ng Kalihim ng DoLE, o ang kanyang itinalagang Undersecretary; at CHR Chairman, o ang Direktor ng Protection Cluster, bilang kahalili.

Agad ding magpupulong ang technical working group upang suriin ng CHR at DoLE ang kasalukuyang programang pang-edukasyon sa karapatang pantao  at ang mga konsepto at prinsipyo sa paggawa at pag-aralan ng iba pang pamamaraan o gawain para sa pagsusulong nito.

- Advertisement -

Upang higit pang isulong ang edukasyon sa paggawa at karapatang-pantao, ang DoLE at CHR ay magsasagawa ng learning session at magkatuwang na bubuo ng modyul sa paggawa at karapatang pantao na isasama sa kani-kanilang programang pang-edukasyon.

Magkasama din silang bubuo ng information, education at communication (IEC) materials sa mga karapatan sa paggawa at karapatang pantao para sa pangkalahatang sirkulasyon at sa Learning Management System ng parehong ahensiya.

Sa mga tuntunin sa pagbubuo ng polisiya, sinusuportahan ng MoA ang pakikibahagi ng mga manggagawa at mga grupo ng manggagawa o mga unyon ng manggagawa sa pagbuo ng mga desisyon at ang kanilang karapatan sa impormasyon.

Maaari ding magpatawag ang CHR ng pagpupulong sa pagitan o sa mga nauugnay na stakeholder, ibig sabihin, mga manggagawa, grupo ng manggagawa o unyon ng manggagawa, employer, at DoLE, kapag hiniling ng alinmang partido, na ilabas ang mga isyu na pumapalibot sa mga karapatan ng mga manggagawa at magbigay ng plataporma para sa talakayan upang malutas at matugunan ang mga alalahaning ito.

Upang matiyak na maipapatupad ng maayos ang MoA, pagtitibayin ng DoLE at CHR ang monitoring at feedback mechanism upang regular na masuri ang antas ng pagpapatupad ng mga alituntunin, patakaran, at programa; sukatin ang pag-unlad; at tukuyin ang mga isyu at hamon sa pagpapatupad nito.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -