29.9 C
Manila
Huwebes, Oktubre 10, 2024

Di didigma sa Pilipinas ang China?

- Advertisement -
- Advertisement -

TILA isang magandang simoy ng hangin ang pinakahuling balitang natisod natin hinggil sa away Chino-Pilipino sa South China Sea. Sa obserbasyon ng isang mamamahayag, nabawasan na ang bilang ng mga barko at bapor ng milisya ng China Coast Guard (CCG) na nakagawiang harangin ang mga sasakyang pandagat ng Philippine Coast Guard (PCG) na naghahatid ng suplay na pagkain at iba pang gamit pangkabuhayan sa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin Shoal. Pinakamasahol na ang pagbangga ng barko ng CCG sa lantsa ng PCG na lumikha ng pinsala sa sasakyan ng Pilipinas. Umugong ang insidente sa pang-mundong entablado na kinaringgan ng mariing pagkontra ng mga kanluraning poder tulad ng Alemanya, Gran Britanya at Francia. Mangyari pa, nangunguna na sa mga bumatikos sa China ang Estados Unidos. Pahayag ni Presidente Biden, “Ang ating kahandaang ipagtanggol ang Pilipinas ay nasasaplutan ng bakal.”

 

 

Sa mga sumunod na resupply mission ng PCG, isang jet fighter ng US Air Force ang namataang umaali-aligid sa himpapawid, maliwanag na nagmomonitor sa mga kaganapan. Gaya ng nakagawian, sinikap pa rin ng CCG na harangin ang mga bapor ng PCG, na makaraan ang dating pakikipagpatintero sa mga Chino ay matagumpay pa ring nakalusot.

Samantala, udyok ng nangyaring banggaan, tumawag si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng command conference ng security sector upang pag-usapan ang mga hakbang na dapat gawin. Kapag sinabing command conference, asahan mong ganun kaseryoso at kabigat ang adyenda. At totoo nga, pagkaraan ng kumperensya, humarap si Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro sa media upang ipahayag ang pinag-usapan. Kapuna-puna na ang pahayag ng kalihim ay tila balot ng sagad na pag-iingat. Marami sa mga tanong ng media ay hindi nasagot sa dahilan na ayon sa kalihim, ang mga tanong ay nagsasangkot ng mga usaping pang-operasyon na hindi maaaring ibunyag. Sa hidwaan ng China at Pilipinas sa South China Sea, ano ang usaping pang-operasyon na hindi dapat mabunyag? Dudugtungan ko pa ang tanong. Di dapat mabunyag dahil usapin ng estratehiya at taktika? Una pa muna, pag sinabing command conference ng military, hindi ba ang pinag-uusapan ay giyera? Kaya dapat na gawing napakalihim ng mga pinag-usapan dahil kung hindi, mabubunyag sa kalaban ang iyong mga hakbang. Samakatwid, papunta na sa putukan ang agawan ng China at Pilipinas sa teritoryo sa South China Sea?


Iyun ang totoong pinakapinangangambahan ko. Naalaala ko ang minsang winika ni Chinese President Wen Jiabao bilang sagot sa mapang-away na pakikitungo sa China ng noon ay Pangulong Noynoy Aquino: “Hindi kami (China) pala-away na bansa. Subalit hindi kami tatalikod sa labanan kapag isiniksik na sa pader. Matututunan ng Pilipinas ang leksyong ito na may perhuwisyo sa sarili.”

Lumipas ang 24 na taon mula nang iutos ni Presidente Joseph Ejercito Estrada ang pagsadsad ng BRP Sierra sa Ayungin Shoal noong 1999. Ganun na kahaba ang naging pasensya ng China. Kahit kelan ay hindi nito binitiwan ang pag-angkin sa Ayungin Shoal, subalit dahil kaibigan si Erap ng noon ay Presidente Jiang Zemin ng China, hindi naging problema ang pagsadsad ng Sierra Madre sa bahura ng Ayungin. Ang magandang tinginan ng China at Pilipinas ay nagpatuloy hanggang sa humaliling administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Kung gaano kalapit si Gloria sa China ay makikita sa pangyayari na hanggang sa ngayon, si GMA ang Chairman Emeritus ng Association of Philippine-China Understanding (APCU). Magkaganunman, sampal pa rin sa China na maituturing ang pagbalahura ng Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Kitang-kita naman na ang intensyon ni Erap sa kanyang ginawa ay upang panindigan ang pagsakop sa alam naman niyang teritoryong inaangkin ng China. Sa bahagi ng China, mayroon pa siyang mauurungan. Kaya sa loob ng napakahabang mahigit dalawang dekada, pinabayaan niyang pumaroo’t pumarito ang PCG sa Ayungin Shoal upang mag hatid ng pagkain at ibang probisyong pangkabuhayan sa BRP Sierra Madre. O,  di ba iyan ang tinutukoy ni Wen Jiabao na pagsiksik sa pader? Urong lang kete urong hangga’t meron pang mauurungan. Hanggang dumating ang sukdulan. Pagkaupong-pagkaupo sa pwesto, ang dating tila pro-China na kiling ni Bongbong ay hinalinhan bigla ng pro-US pala. At bago pa matapos ang kanyang unang 100 araw sa panguluhan, inaprubahan niya ang apat pang karagdagang kampo militar para sa Amerika sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Bagama’t ang mga kampong ito ay mismong ang mga instalasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP), maituturing na ring pag-aari ang mga ito ng Amerika sapagkat pwedeng pagdeployan ito ng mga tropang Amerikano at mga kagamitang pandigma na di pinakikialaman ni katiting ng mga awtoridad ng Pilipinas, kabilang na ang Presidente. Alam naman natin na mortal na kaaway ng China ang Amerika, pagkatapos bibigyan mo pa ng mga kampo militar na maging ikaw na presidente ay hindi maaaring makialam. Aba, e, nasiksik na nga sa pader ang China. Wala na siyang mauurungan pa. At tulad nga ng banta ni Wen Jiabao, ipinadarama lang ng China sa Pilipinas ang leksyon na may parusa.

Papaano binasa ng China ang pinag-usapan sa Command conference? Nakahanda bang lumaban ang Pilipinas? May pahiwatig ang sagot ni Gibo sa tanong ng media kung sa tingin niya ay gigiyerahin ng China ang Pilipinas. Saad ng kalihim, “Hindi gigyera ang China. Ang ginagawa niya ay pinaghahati-hati lang niya ang mga Pilipino.”

Sabi ni Sun Tzu, “Kung hindi nagpapakita ng pakikipagdigma ang kaaway, sumugod ka.” Subok na mandato iyan para sa mga palaaway. E, hindi nga palaaway ang China. Wala pa akong bansang alam na dinigma ng China na hindi dahil sa sigalot sa hangganan ng tertoryong nasasakupan. Dito maaaring masira si Sun Tzu.

- Advertisement -

Sa sinabing iyun ni Kalihim Teodoro, papaano didigma ang China sa bansang hindi naman naniniwalang didigma sa kanya.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -