LIBRENG serbisyong medikal ang hatid ng Filipino American Nurses of Grand Canyon State (FANOGCS) para sa mga residente sa lungsod ng Laoag sa Ilocos Norte ang ginanap noong Oktubre 20 hanggang 22.
Sa tatlong araw na medical mission, nagsagawa ang mga doktor at nurses na miyembro ng FANOGCS ng konsultasyong pang-medikal, pagbunot ng ngipin, pagsusuri ng mata, at nagbigay ng mga libreng salamin.
Ayon kay Melody Eustaquio-Orillo, presidente ng FANOGCS, nasa 3,400 na residente ang kanilang nabigyan ng serbisyo.
Dagdag ni Orillo, napili ng organisasyon ang lungsod ng Laoag dahil sa laki ng populasyon nito kung saan marami silang natulungang mga residente na nangangailangan ng mga medikal na serbisyo.
“According to our contact in Laoag City, there is a need of medical and dental assistance in the community. They mentioned there are approximately 80 barangays in the city that will really benefit in the medical mission. FANOGCS wants to reach out as many vulnerable people in the community,” dagdag niya.
Ayon naman kay Dr. Maria Elena Laurio, miyembro ng FANOGCS, layunin ng medical mission na matulungan ang mga nangangailangang mga residente sa kanilang medikal na pangangailangan.
“We want to help people. Ngayon ang hirap ng buhay kaya pinaka-importante sa amin na makatulong sa mga nangangailangan ng medikal na serbisyo,” aniya.
Nagpasalamat si Michael Marcos Keon, alkalde ng lungsod ng Laoag, sa FANOGCS sa libreng medikal na serbisyo na dala ng organisasyon para sa mga Laoageños.
Samantala, nagpasalamat naman ang mga benepisyaryo ng medical mission sa kanilang natanggap na tulong.
“Kaming mga may maintenance [medicine], malaking tulong para sa amin dahil makakatipid pa kami sa gastusin pambili ng gamot. Napakamahal magpabunot ng ngipin sa pagtanggal ng wisdom tooth halos aabot ng P3,000. Dahil dito, makakatipid na kami para sa pangbili pa ng maintenance,” ani Leomar Lucas na nakatanggap ng libreng dental services.
“Malaking tulong ito dahil mahal na ang pagpakonsulta. Dito meron pa silang ibinibigay na libreng gamot hindi lang ito kundi meron pang medikal, dental at pagsusuri ng mata. Malaking bagay sa amin ito lalo na sa aming nangangailangan,” dagdag pa ni Angelita Abaloyan, isa ring benepisyaryo ng medical mission.
Ang FANOGCS ay isang non-profit professional nursing organization sa Arizona, United States na natatag noong Hunyo sa taong 2020.
Ito ay binubuo ng mga Pilipinong nars na naglalayong isulong ang propesyon ng nursing sa pamamagitan ng edukasyon, leadership development, at medical community service o outreach programs.JCR/AMB/EJFG/BLRB, PIA Ilocos Norte