SINABI ni Senador Win Gatchalian na ang pagsasabatas ng isang panukalang nagtatakda para sa automatic classification ng mga local government units (LGU) ay magpapaunlad sa kanayunan at magtutulak ng paglago ng ekonomiya ng mga lokal na pamahalaan. Si Gatchalian ang isa sa mga may-akda ng Republic Act No. 11964 o Automatic Income Classification of Local Government Units Act na kakaapruba lang kamakailan ni Pangulong Marcos.
“Ipinakita sa atin ng pandemya ang mahalagang papel ng mga LGU sa pagsasakatuparan ng mga yaman at pagbibigay ng mga kritikal at agarang serbisyo hanggang sa pinakapangkaraniwang mamamayan. Ang mga LGU ang pangunahing katuwang ng national government sa pagpapabuti ng produktibidad, kaunlaran, at kasaganaan sa iba’t ibang bahagi ng bansa,” sabi ni Gatchalian,
“Sa kabila ng kanilang mahalagang papel, may mga LGU sa buong bansa na nahihirapan sa pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo sa kanilang mga nasasakupan dahil kulang ang mga pondo at kagamitan. Mabigat ang dami ng kanilang mga tungkulin dahil kulang din sila ng tauhan, kaya mahalaga ang klasipikasyon ng kita ng mga LGU na ito,” dagdag niya.
“Bilang dating alkalde ng Valenzuela, alam ko mula sa aking sariling karanasan ang mga paghihirap na kinakaharap ng mga LGU sa pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo sa mga mamamayan. Ang mga limitasyong dulot ng hindi maayos na klasipikasyon ng kita ay nakakaapekto sa mga programa at tulong para sa mga komunidad,” sambit ng mambabatas.
Ipinaliwanag ng senador na ang bagong LGU income classification system ay magsisilbing batayan para sa pagkalkula ng gobyerno kung magkano ang administrative at statutory aid, financial grants, at iba pang uri ng tulong o ayuda na ibibigay sa isang LGU.
Ayon pa sa kanya, mabisang matutukoy ng bagong batas ang financial capability ng mga LGU na sumasalamin sa ekonomiya at estado ng kanilang pag-unlad. “Ito ay magiging susi upang makapagbigay ng dekalidad na serbisyo ang mga LGU sa kanilang mga nasasakupan,” diin ni Gatchalian.
Ang klasipikasyon ng kita ng isang LGU ay ginagamit upang matukoy ang kakayahan nitong pampinansyal na magpatupad ng mga programa at proyekto, gayundin kung paano nito ipapatupad ang mga batas pagdating sa sahod at mga utos ng administrasyon hinggil sa mga allowance.