30.4 C
Manila
Sabado, Oktubre 5, 2024

Pinigil ng Diyos ang malaking digma — sa ngayon

ANG LIWANAG

- Advertisement -
- Advertisement -

Anong uring hari si Hesukristo, Ikalawang Persona ng Makapangyarihang Diyos?

Sa mga pagbasang Misa ng Nobyembre 26, ang Dakilang Kapistahan ni Kristo, Hari ng Sanlibutan, klarong-klaro kung paano siya naghahari: bilang pastol na nangangalaga at nagtatanggol sa ating mga tupa niya.

Kung mahigpit at malupit ang mga emperador at diktador, maamo at mapagkalinga si Kristong Hari, ayon sa wika mismo ng Diyos sa unang pagbasa mula kay Propeta Ezekiel (34:11-12, 15-16): “Ako mismo ang magpapastol sa kanila … Hahanapin ko ang nawawala, ibabalik ang nalalayo, hihilutin ang napilay, palalakasin ang mahihina, at babantayan ko ang malulusog at malalakas.”

Gayon din, sa Salmong Tugunan (Salmo 22:1-3, 5-6) tungkol sa Mabuting Pastol, wika ng makata: “Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang. Pinahihimlay ako sa mainam na pastulan.”

At sa pagbasang Ebanghelyo mula kay San Mateo (Mateo 25:31-46), tinukoy ni Hesus ang pagbabalik niya upang hatulan ang daigdig: “Sa panahong iyon, matitipon sa harapan niya ang lahat ng tao. Sila’y pagbubukud-bukurin niya, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing.”


Sa ikalawang pagbasa naman mula sa Unang Sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto (1 Corinto 15:20-26, 28), sabi ng Apostol: “Mga kapatid, si Kristo’y muling binuhay bilang katibayan na muling bubuhayin ang mga patay. … Sa gayon, lubusang maghahari ang Diyos sa kalahat-lahatan.”

Gandang pakinggan, pero mangyayari ba ito?

Siya ring tanong ng daan-daang milyong katao sa libu-libong taon. Kung nagkakalinga ang Makapangyarihang Diyos, isip nila, bakit may digmaan at kalupitan, kalamidad, sakit at kahirapan? Baka walang kapangyarihan ang Diyos o walang kalinga.

Gayon nga ba? Tingnan natin, sa tulong ng kaunting kasaysayan at balitaan sa mundo.

- Advertisement -

Konsagrasyon kontra giyera

Sa Ika-20 Siglo hanggang ngayon, alam ba ninyo na ilang ulit pinigil ng Panginoon ang pandaigdigang digmaan sa paraang iniatas Niya sa Simbahang Katoliko noong magpakita ang Birheng Maria sa kabukiran ng Fatima, Portugal buwan-buwan mula Mayo hanggang Oktubre 1917?

Sa aparisyon noong Hulyo 13, sabi ni Maria sa tatlong batang pastol, ang magkapatid na Jacintha at Francisco at ang pinsan nilang Lucia dos Santos, na magwawakas ang Unang Digmaang Pandaigdig na nagtatagisan noon.

Upang umiral ang kapayapaan sa mundo, dagdag ng Mahal na Birhen, dapat gawin ng Santo Papa at iatas sa iba pang obispong isagawa ang konsagrasyon ng Rusya sa Kalinis-linisang Puso ni Maria.

Dapat ding palaganapin ang panata o debosyon ng Unang Limang Sabado: ang pangungumpisal, pangungumunyon, pagrorosaryo at pagmumuni sa mga Misteryo ng Rosaryo nang 15 minuto sa unang Sabado ng limang buwang sunud-sunod, bilang pagtitika sa paglapastangan sa Ina ng Diyos.

Kung hindi ito gagawin, babala ni Maria, magkakaroon ng mas malagim na giyera kaysa sa Unang Digmaang Pandaigdig. Iyon nga ang nangyari nang hindi sinunod ni Papa Pio Ika-11 ang atas mula Fatima: nagsimula ang Pangalawang Digmaang Pandaigdig noong panunungkulan niya.

- Advertisement -

Awa ng Diyos, ginawa ng ilan sa mga sumunod na Papa ang konsagrasyon, bagaman may pagkukulang, at lumaganap ng panata ng Limang Unang Sabado. Dahil dito, nahinto o naiwasan ang ilang digmaang pandaigdig.

Sa Oktubre 30, 1942, isinabanal ni Pio Ika-12 ang daigdig sa Puso ni Maria nang mag-isa. Pagkatatlong araw, natamo ng mga Alyadong bansa ang una nilang matimbang na panalo laban sa pagsasanib na Alemanya, Italya at Hapon, laban sa pinakabatikang heneral ng Alemanya, matapos ang tatlong taong pagkatalo.

Pagkaisang-dekada, sa Hulyo 1952, ginawa naman ni Pio Ika-12 muli ang konsagrasyon ng Rusya sa Liham Apostoliko. Naghahanda noon ang Rusong diktador, si Josef Stalin, sakupin ang Europa habang lumalaban ang Amerika sa Korea. Ngunit sa Marso 1953, namatay siya sa pagdurugo ng utak.

Sunod si Papa San Juan Pablo Ikalawa. Matapos barilin siya sa Mayo 13, 1981, ang mismong kapistahan ng Fatima, isinabanal niya ang Simbahan at ang daigdig sa Kalinis-linisang Puso ni Maria noong Disyembre 8, 1981, Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi kay Maria; sa Mayo 13, 1982, Ika-65 anibersaryo ng Fatima; at sa Marso 25, 1984, Dakilang Kapistahan ng Pag-Anunsiyo ng Encarnasyon ni Hesus.

Resulta: nagkaroon ng dambuhalang pagsabog sa punong daungan ng Hukbong Dagat ng Rusya sa Mayo 13 — mismong Pista ng Fatima — at nawasak ang mga sandatang ng puwersang pandagat. Nahinto tuloy ang balak noon ng Rusya atakihin ang mga sandatang atomika ng Amerika sa Europa, sa pangambang puwedeng atakihin ang Rusya nang walang ganti.

Ngayon, hihinto rin ba ang giyera matapos ang konsagrasyon ng Rusya at Ukraine na ginawa ni Papa Francisco at libu-libong obispo sa buong mundo noong Marso 25, 2022? May digmaan ngayon sa Ukraine at Israel, at nagkakagirian ang Amerika at China sa Asya, kasama tayo.

Kamangha-manghang talaga ang Diyos: dala mismo ng digmaan sa Ukraine at Israel, isinusulong ngayon ng Estados Unidos ang kapayapaan. At sa pagpupulong nila ng China sa San Francisco noong Nob. 22, sinisikap ngayong iwasan ang giyera.

Sa mismong pagtindi ng tagisan, naudyukan ang mga dambuhalang puwersa magpigil sa digma. Patuloy nawa silang magpapigil sa Panginoon. Amen!

 

 

 

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -