INAASAHAN ni Senador Win Gatchalian na makikinabang ang mga power consumer sa desisyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) na bawasan ang taunang kita ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa P36.7 bilyon, na mas mababa sa maximum allowable revenue (MAR) na P43.789 bilyon na nakolekta mula sa mga consumer mula 2016 hanggang 2020.
Ang P7.089 bilyon na pagkakaiba sa pagitan ng P43.789 bilyon na MAR at P36.7 bilyon na dapat na annual revenue requirement (ARR) ng NGCP, na katumbas ng P35 bilyon sa loob ng limang taon mula 2016 hanggang 2020, ay inaasahang maibabalik sa mga consumer. Ito ay makikita sa mas mababang transmission rates na magre-reflect sa buwanang singil sa kuryente ng mga power consumer, ayon kay Gatchalian.
“Malaki ang posibilidad na makita natin ang pagbabawas sa transmission rates simula sa susunod na taon, o sa ikalawang quarter ng 2024. Magandang balita ito para sa ating lahat,” ani Gatchalian.
“Ang inaasahang refund ay sa pamamagitan ng mas mababang rate mula sa kinokolekta ng NGCP sa mga mamimili,” sabi ni Gatchalian. Nilinaw niya na ang pinal na halaga ng reimbursement ng NGCP sa mga power consumer ay ibabawas sa mga kasalukuyang rate na ipinapasa na ng NGCP sa mga consumer.
“Inaasahan natin na mababawasan ang buwanang bayad ng mga consumer sa kuryente sa pamamagitan ng mas mababang transmission charge kapag naipatupad na ito simula sa susunod na taon,” sabi ni Gatchalian.
Ang resulta ng huling pagsusuri ng ERC ay ilalabas sa katapusan ng taon. Kasunod ng ‘disallowance’ ng ERC sa ilang mga gastusin na kasama sa computation ng operating and maintenance expenses (OPEX) ng NGCP, hinimok ni Gatchalian ang ERC na huwag payagang isama ang mga hindi pa natatapos na transmission projects sa computation ng NGCP.
Nauna nang hinimok ni Gatchalian ang ERC na parusahan ang NGCP para sa mga delayed transmission projects na makakaapekto sa suplay ng kuryente sa bansa. Ayon sa senador, nasa 36 transmission projects na ang naantala. Binigyang-diin niya na hindi dapat payagang mangolekta ang NGCP mula sa mga singil sa transmission ng mga mamimili para sa mga proyektong hindi pa natatapos, partikular na ang mga walang tiyak na timetable.