HARI ng kalsada!
Ito ang bansag sa mga pampasaherong jeep na bumabagtas sa mga lansangan sa buong Pilipinas lalo na sa Kalakhang Maynila. Karaniwang napapalamutian ng iba’t ibang makukulay na disensyo na maaaring mga larawan ng anuman mula sa mga relihiyosong imahen, mga karakter sa telebisyon at pelikula, mga koponan at manlalaro ng NBA, magagandang tanawin, mabulaklak na salita o mga miyembro ng pamilya, ang jeep ang pinakamabilis at pinakamalawak na paraan ng pagbibiyahe at itinuturing na gulugod ng pampublikong transportasyon. Sikat ito sa mga mananakay dahil sa kaginhawahan at mas mababang pamasahe.
Itinuturing bilang isang simbulo ng kulturang Pilipino, nagsimula ang paggawa ng mga Pinoy jeepney noong 1945, katatapos lamang ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dahil sa pangmalawakang problema noon sa transportasyon, binago ng mga Pilipino ang istilo ng mga dyip na dinala ng mga Amerikanong sundalo. Nilagyan ng mga bukas na bintana, permanenteng metal na bubong bilang proteksyon sa mainit na araw, at ang mga sasakyan ay pinalamutian ng makukulay na chrome-plated na burloloy sa mga gilid at hood. Ang likod na bahagi ay binago rin at nilagyan ng dalawang mahabang parallel na bangko na magkaharap at makapagsasakay ng mas maraming pasahero.
Ang mga orihinal na jeepney ay inayos na mga military Jeep ng kompanyang Willys at Ford. Ang mga makabagong jeepney ay ginagawa na ngayon gamit ang mga makina at iba pang bahagi mula sa Japan o South Korea. Sa nagdaang mga taon, nakilala ang Sarao Motors, na itinayo ni Leonardo Sarao noong 1950s, sa paggawa ng magaganda ng jeep na bumibiyahe sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Dahil sa natamong katanyagan ng kompanya sa paggawa ng jeep, isinulong ng pamahalaan ang jeep bilang simbolo ng Pilipinas. Kung ang New York ay may dilaw na taxi at ang London ay may pulang double-decker bus, ang Pilipinas ay may makukulay na jeep.
Bukod sa Sarao Motors, ang ilan pang kompanya ng gumawa ng kanilang bersiyon ng jeep ay ang Francisco Motors, Malagueña Motors, Alchris, Morales, Hataw Motors, Lippad, A. Borja at iba pa.
Subalit ang makukulay na jeep na ito ay nanganganib na mawala sa mga lansangan dahil sa ipatutupad na modernisasyon ng nasabing sasakyan sa susunod na taon.
Modernisasyon ng mga pampublikong sasakyan
Taon-taon ay nadadagdagan ang bilang ng mga sasakyan na bumibiyahe sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Nangangahulugan ito ng dagdag din sa ibinubugang usok na nagdudulot ng polusyon sa hangin. Bukod pa ito sa kabi-kabilang trapik na pangkaraniwan nang tanawin sa mga lansangan.
Dahil dito, hinikayat ng ilang urban planner na dapat nang tutukan ng gobyerno ang modernisasyon sa sistema ng transportasyon partikular sa Metro Manila at malaking bahagi nito ay sangkot ang mga pampasaherong jeep.
At noong 2017, ipinakilala ng Department of Transportation (DoTr) ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) sa ilalim ng Department Order (D.O.) No. 2017-011 o ang Omnibus Guidelines on the Planning and Identification of Public Road Transportation Services and Franchise Issuance o ang Omnibus Franchising Guidelines (OFG).
Nakikita ng DoTr sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang programa bilang isang kick-start sa pagkakaroon ng bansa ng isang public transport na naayon sa pandaigdigang pamantayan sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga Pilipino ng transport system na ligtas, maaasahan, maginhawa, at environmentally sustainable.
Ang PUVMP ay isang programa na kinabibilangan ng ilang yugto: mula sa pag-phase out ng mga lumang sasakyan na hindi na road worthy at emissions compliant; sa pagsisiyasat at muling pagsasaayos ng mga ruta, prangkisa, at tungkulin ng mga sasakyang kasangkot; sa pagpapakilala ng mga bagong sistema at pamantayan para sa mga sasakyan na magsisilbi sa publiko. Inasahan itong maipatupad sa buong bansa noong 2020.
Sa PUVMP, magkakaroon ng limitasyon sa taas, lapad at haba ng sasakyan, wheelbase at maging ang overhang sa harap at likuran, cabin, layout ng upuan at upuan, step board, service door at emergency exit. Mayroon ding limitasyon sa edad na nagsasaad na walang bahagi ng sasakyan ang maaaring mas matanda sa 15 taon. Ang mga ito ay nabuo upang ang mga PUV ay magkaroon ng pare-parehong sukat, maiwasan ang labis na pasahero, pati na rin ang pagkakaroon ng safety features na inaasahan sa isang pampublikong sasakyan.
Pinagsasama-samang mga prangkisa
Ipatutupad ng pamahalaan ang “one route, one franchise policy” para mas makontrol ang bilang ng mga sasakyang bumibiyahe sa isang partikular na ruta. Dahil dito, kailangang bumuo ng mga kooperatiba o korporasyon ang mga driver at operator at magparehistro sa LTFRB para mabigyan ng prangkisa. Ang bawat kooperatiba ay dapat magkaroon ng hindi bababa sa 15 mga yunit ng PUV. At ang anumang sasakyang hindi bahagi ng coop na dumadaan sa ruta ay madaling matukoy at mahuli.
Ang consolidation ay magbibigay rin ng karagdagang trabaho. Hindi lamang mga driver ang kakailanganin ng mga kooperatiba bilang staff, kundi pati na rin ang isang fleet manager, mga opisyal ng aalalay sa pasahero, isang HR officer, mga service technician at isang dispatcher. Ang mga driver ay susuwelduhan at hindi sa paraang boundary system. Hindi rin pinapayagan ang driver na magmaneho ng higit sa 12 oras upang mabawasan ang mga aksidente na bunga ng pagkapagod ng driver.
Ang kooperatiba ay maaari ding magsaayos ng mga stop and go schedule, na titiyak na may darating na PUV para sa mga pasahero sa isang partikular na hintuan sa isang partikular na oras.
‘Euro 4 compliant’
Sa ilalim ng programa, ang mga PUV, kabilang ang mga tradisyunal na jeepney na may edad 15 taong gulang o mas matanda, ay aalisin at papalitan ng electric-powered o Euro 4 compliant vehicles.
Ang Euro 4 ay isang globally accepted European emission standard para sa mga sasakyan na nangangailangan ng paggamit ng gasolina na may mababang sulfur (0.005 percent, o 50 ppm) at benzene (maximum na 1 percent by volume) na nilalaman. Ang mga gasolina ng Euro 4 ay 10 beses na mas malinis kaysa sa Euro 2, na may mas mababang antas ng sulfur at benzene. Ang mas malinis na gasolina ay nangangahulugan ng mas malinis na mga emisyon at mas kaunting polusyon sa kapaligiran.
Matatandaang iginiit ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapatupad ng Euro 4 emission standards simula pa noong Hunyo 2016. Ang Euro 4 na diesel at petrolyo ay orihinal na nakatakdang ipatupad noong 2010. Sinabi ng DENR na nahuhuli na ang bansa sa pagpapatupad ng Euro 4 standards, dahil ang North America at Europe ay may na-upgrade na Euro 3 standards noong 2005.
Hanggang Disyembre 31
Iba’t ibang reaksyon ang natanggap ng nasabing inisyatiba tungo sa modernisasyon at tinawag itong anti-poor at lumalabag sa karapatan ng mga manggagawa ng maliliit na jeepney driver at operator.
Noong Marso, nagsagawa ng tigil-pasada ang transport group na Manibela bilang protesta laban sa hakbang ng gobyerno na palitan ang mga lumang PUV, kabilang ang mga diesel-powered jeepney na sinasabing hindi ligtas at nakapipinsala sa kapaligiran, ng mas mahal na modernong mini-van na pinapagana ng mga makina na tumatakbo sa malinis na gasolina.
Ayon sa mga nagpo-protestang driver at pinuno ng unyon, ang modernisasyon ay masyadong mahal para sa mga driver na halos sapat lang sa pang-araw-araw na gastusin ang kinikita. Sa ilalim ng planong modernisasyon, sasagutin ng mga jeepney driver ang halaga ng mga bagong sasakyan na bawat isa ay maaaring umabot sa ₱2.8 milyon, na anila’y masyadong mahal kahit na may ipinangakong subsidy na ₱160,000.
Ang nasabing welga ay nagresulta sa diyalogo sa pagitan ng mga tsuper at operator at ng pamahalaan kaya’t pinalawig ang deadline sa pagko-consolidate para makasunod sa hinihingi ng jeepney modernization.
“Sa tingin ko ang problemang binanggit nila ay baka hindi sila makapag-loan para makabili ng mga bagong sasakyan. So, ‘yun ang pinag-aaralan natin para masigurong walang mawawalan ng trabaho dahil lang hindi nila kayang bumili ng electric vehicle pagdating ng panahon, pero wala pa tayo,” ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr, sa ginawang diyalogo sa mga nagwe-welga.
“Nagpapasalamat ako sa kanila dahil sa palagay ko ay napakalinaw nila sa kanilang punto na kailangan nating maingat na tingnan at pag-aralan ang programang ito,” sabi pa ng Pangulo.
Batay sa orihinal na plano ng modernisasyon ng jeepney, ang mga tsuper ay may hanggang Hunyo 30 para bumiyahe sa kanilang mga ruta gamit ang mga lumang sasakyan. Gayunpaman, ang patuloy na mga protesta ay nag-udyok sa gobyerno na ilipat ang deadline sa Disyembre 31, 2023.
Nitong Nobyembre, isa pang tigil-pasada ang ikinasa ang grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) at kalaunan ay sinamahan ng grupong Manibela para hingin ang pagpapa para iprotesta ang PUV modernization program at ang consolidation requirement ng programa gayundin ang iba pang iminungkahing amendment kamakailan sa Omnibus Guidelines sa Franchising.
Matatandaang sa pahayag na pinalabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong Nobyembre 15, pinaalalahanan ng ahensya ang mga operator ng mga PUV na mag-consolidate dahil ito ay magiging requirement para sa pagpaparehistro ng sasakyan sa susunod na taon.
Ayon kay LTFRB spokesperson Celine Pialago, ang pagiging miyembro ng isang nabuo nang transport cooperative o pag-aaplay para sa consolidation ay kakailanganin sa pagpaparehistro sa Land Transportation Office (LTO).
“Ang confirmation po kasi ay manggagaling po sa LTFRB, yang confirmation na yan will be the basis ng registration sa LTO. Technically speaking po kapag hindi ka narehistro, hindi ka makakabyahe,” aniya.
Ayon kay Pialago, nasa 129,568 public utility jeeps (PUJ), UV Express, mini-buses, at public utility buses (PUB) ang na-consolidated na habang nasa 120,023 PUVs pa ang dapat isailalim sa modernisasyon.
Determinado rin umano ang DoTr sa deadline na Disyembre 31 sa PUV modernization program.
Puede pa rin
Sa isang pulong-balitaan noon ding nakaraang buwan, tiniyak ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz 3rd na walang magiging phaseout sa mga tradisyunal na jeepney sa bansa matapos ang deadline ng public utility jeepney (PUJ) franchise consolidation.
Gayunman, iginiit ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III na ang konsolidasyon ay kailangang maisakatuparan sa Disyembre 31 ngayong taon. Ngunit hindi ito nangangahulugan na ang mga tradisyunal na jeepney ay hindi na papayagang dumaan sa mga kalsada sa pagtatapos ng taon.
“Kailangan pong tapusin ang consolidation sa December 31. Ang hinihingi lang po namin sa kanila ay yung tinatawag na substantial compliance. Ibig sabihin, ‘pag kayo po ay nag-file at compliant na po kayo kahit hindi pa po tapos ay considered na po kayong consolidated, kaya po pwede po kayong tumakbo ng inyong ruta,” paliwanag ni Guadiz.
Sa paliwanag ng LTFRB chief, inihalimbawa niya na kung ang isang ruta na may 50 yunit ng jeep na lumalayag, 40 na ang nag-consolidate kaya’t may 10 na hindi nag-consolidate. Dahil 50 yunit ang kailangan, pahihintulutan pang bumiyahe ng pansamantala ang natitirang sampu para maiwasan ang pagkakaroon ng kakulangan sa masasakyan. Subalit sa sandalling matapos na ang proseso ng consolidation ng 40 at mapunuan ang kakulangan, kailangan nang huminto sa pagbiyahe ang 10.
Pinabulaanan din ng LTFRB chairperson ang pahayag na kailangang palitan ng mga driver ang kanilang mga unit kapag nakasunod na sila sa consolidation.
“Hindi po totoo na within 3, 6, or 9 months ay kailangan ka na pong magbago ng unit, wala pong katotohanan ‘yon, pawang kasinungalingan po ‘yon,” saad pa ni Guadiz.
Batay sa tala ng LTFRB, halos 60 porsyento na ng mg PUJ sa buong Pilipinas ang consolidated na. “At ito po ay datos pa noong October pa, so I’m sure dumarami nang dumarami pa po ‘to. So yung degree of acceptance po ay malaki na. So confident kami na maitatawid po natin itong modernization.”
Panibagong hamon
Ang bawat usapin palaging may kalamangan at kahinaan. At ang modernisasyon ng jeepney ay isang kumplikadong isyu na nagsasangkot ng pagbabalanse sa mga pangangailangan ng industriya ng transportasyon, kapaligiran, at lipunan. Bagama’t ang modernization program ay magbibigay ng pagkakataon para sa isang mas mahusay na sistema ng transportasyon, nagdudulot din ito ng mga hamon para sa mga operator at tsuper ng jeep.
Isa na rito ay kung matutustusan ng kanilang kikitain ang pang-araw-araw na gastusin bukod pa sa ginastos para magkaroon ng modernized jeep. Hamon naman sa programa ay ang kakulangan ng imprastraktura upang suportahan ang mga bagong sasakyan. Maraming mga ruta ng jeepney ang walang itinalagang loading at unloading bays, na nagpapahirap sa mga bagong sasakyan na gumana nang mahusay. Bukod dito, ang mga bagong sasakyan ay mas malalapad at mas mahaba kaysa sa mga tradisyunal na jeepney, at ang ilang mga kalsada ay maaaring hindi ma-accommodate ang mga ito.
Anuman ang mangyari pagkatapos ng December 31, 2023 deadline, marami pa ring hamon at tanong ang uusbong. Mababawasan ba ang carbon emission kapag modernized jeep na ang tumatakbo sa mga lansangan lalo na’t sa datos mula sa Department of Energy at LTFRB, mahigit 250,000 lamang ang mga jeep na karamihan ay bumibiyahe sa Metro Manila sa may siyam na milyong nakarehistrong sasakyan sa buong Pilipinas. Maaaring sabihin na walang kuwentang kaisipan pero maisasakay ba ng mga aircon modernized jeep ang mga pasaherong galing palengke na may bitbit na isda at tuyo?
Mababawasan din ba ng modernisasyon ang oras ng biyahe ng mga pasahero?
Tataas o bababa ba ang pamasahe?
At ang modernized jeep, hari pa rin ba ng kalsada?