NAIS ni Senador Win Gatchalian na isulong ang kultura ng pagbabasa sa pamamagitan ng digitalization.
“Kailangang harapin natin ang realidad na malawakan na ang paggamit natin ng digital technology. Kung gusto natin ng agarang impormasyon sa panahon ngayon, madali lang nating nakukuha ito sa pamamagitan ng cellphone. Kaya, paano natin ngayon pagsasama-samahin ang digitalization, paggamit ng teknolohiya, at access sa mga aklatan o library?” tanong ni Gatchalian sa mga stakeholder sa isinagawang pagdinig hinggil sa National Reading Month Act (Senate Bill No. 475).

Ayon kay Dr. Dolores Carungui, chief librarian ng Reference Division ng National Library of the Philippines (NLP), maaari nang ma-access ang online public access catalog sa website ng NLP at sa iba pang mga school at public libraries. Ang online public access na ito ay maaari ring magamit para humanap ng mga digital copies ng iba’t ibang mga resources, kabilang ang mga electronic resources para sa mga bata. Ayon pa sa opisyal ng NLP, may humigit-kumulang isang milyong pahina ang dumaan na sa digitization. Balak namang gawin ni Gatchalian na bahagi ng kanyang panukala ang pagtiyak ng access sa catalog na ito.
Ngayong Nobyembre 2023, may 1,660 na pampublikong mga aklatan ang naiuugnay sa NLP. Meron ding 56 na mga provincial library, tatlong congressional library, tatlong locally-funded projects, isang regional library na matatagpuan sa Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM), 116 na aklatan sa mga siyudad, 611 sa mga munisipalidad, at 870 na mga barangay reading center.
“Titiyakin natin ang access sa mga aklatang ito upang isulong ang kultura ng pagbabasa, gawing komprehensibo ang pagsulong natin nito, at tiyaking magagamit ng mas marami ang parehong pisikal at digital na kopya ng mga materyal,” dagdag na pahayag ni Gatchalian.
Sa ilalim ng panukalang National Reading Month Act, isasagawa sa buwan ng Nobyembre ang mga pambansang programang may kinalaman sa pagbabasa. Sa panukala, binibigyan ng mandato ang Department of Education (DepEd) na siyang magiging pangunahing ahensya sa pagbuo ng mga polisiya at estratehiya na magsusulong ng pagbabasa. Maihahanda din nito ang mga kabataan sa panghinaharap pagdating sa pagbuo ng polisiya at iba pang paraan upang makatulong sa kaunlaran ng ekonomiya, lipunan, at kultura.
Upang palawakin ang access sa mga libro at iba pang mga learning materials, iminungkahi ni Gatchalian na tiyakin ng mga Public Telecommunications Entities (PTEs) ang libreng access sa mga learning management systems applications ng DepEd. Kabilang dito ang mga web-based applications, online educational platforms, digital libraries, at iba pang mga online knowledge hubs ng DepEd. Sa ilalim ng panukala ni Gatchalian, hindi papatawan ng data charges ang pag-download at pag-upload sa mga application na ito.