BUKAS ng madaling araw (Disyembre 16, 2023), simula na ng taunang Simbang Gabi bagama’t may mga isinasagawa nang anticipated mass para sa mga hindi kayang gumising ng maaga at dumalo ng misa sa madaling araw.
Isa lamang ang Simbang Gabi sa mga nakaugaliang gawin ng mga Pilipino kaugnay sa pagdiriwang ng kapanganakan ng Panginoong Hesukristo. Ang paglalagay ng belen o sabsaban ay isa rin sa napakaraming paraan ng paggunita sa Araw ng Pasko. Gayundin, ang paglalagay ng mga Christmas tree na napapalamutian ng iba’t ibang simbolo ng Pasko gaya ng parol, jingle bells, candy cane, Christmas balls at ang nagbibigay ng ibayong ningning sa Christmas tree, ang Christmas lights.
Ang mga tahanan, iba’t ibang tanggapan at maging ang malalaking malls at pasyalan ay naglalagay rin ng kani-kanilang sariling bersyon ng Christmas tree. Iba’t ibang kulay, iba’t ibang tema.
Tulad ng Tree of Hope ng Pico Sands Hotel sa Pico de Loro Beach and Country Club kung saan ang 30-talampakang Christmas tree na nakatayo sa Pico Beach ay sinindihan ang makukulay na ilaw noong Nobyembre 25, 2023.
Ang seremonya ay pinangunahan nina Pico de Loro Beach and Country Club Chairwoman. Elizabeth T. Sy, Pico de Loro Beach and Country Club President Rita Dy, at SM Hotels and Conventions Corporation Senior Vice President for Operations Walid Wafik at pinasaya ng magandang tinig ng grupong Qu4tro na nagparinig ng mga kinagigiliwang awiting pamasko.
Ngayong taon, ang mga dekorasyon sa pagdiriwang ng Pasko sa nasabing beach club ay may temang Joys of the Sea na nagtatampok sa iba’t ibang sea creatures para isulong ang pangangalaga sa karagatan na ginawa gamit ang mga upcylced materials. Ang grupo na pinamumunuan ni Florencio Garcia, Housekeeping supervisor at nagsilbing chief designer, ay gumamit ng mga lumang lambat, mga plastik na bote, at recycled na karton, sa paglikha ng makukulay na papier-mâché, kung saan ang bawat isa ay nagpapakita ng iba’t ibang uri ng kagalakan, mula sa ang saya ng paglangoy sa karagatan hanggang sa kasabikan sa paghahanap ng bagong kayamanan.
Ang makukulay na palamuti o Craftmas with Love na nilikha ay inilagay sa mga Christmas tree na tinawag na Tree of Hope at matatagpuan sa iba’t ibang lugar tulad ng lobby ng Pico Sands Hotel, Lagoa sa Country Club at sa lobby ng Beach Club.
Ang Craftmas with Love ay upcycled na palamuti ng Pasko at mga bagong produkto na gawa ng Housekeeping Team. Ang mga kikitain mula sa pagbebenta ay mapupunta sa pagpopondo ng mga computer para sa Bulihan Elementary School. Kabilang sa mga produktong mabebenta ay ang limitadong edisyon ng table centerpiece, wooden reindeers, native coinbank, table lamp, wreath, pen holder, table centerpiece, Christmas tree trinkets sa natural at makulay na kulay, condiments bottle, native bag (bayong), clay planters, kokedama, at mga kailangan sa hardin (bunot ng niyog, coconut chips, wood chips, at coconut fiber mulch).
Ginamit ng Housekeeping Team ang mga lokal na pinagkukunan at ni-recycle na mga raw materials tulad ng mga itinapon na linen, upcycled na bote ng alak, tuyong dahon ng niyog, balat ng niyog, pinatuyong buto, driftwood, at kawayan.
At ang mga hakbangin na ito ng Pico de Loro Cove ay masayang paalala ng mahikang dala ng kapaskuhan at ang kahalagahan ng pagprotekta sa planeta. Ang kanilang pangako sa kalikasan ay nagbibigay-inspirasyon, at ipinapakita nito na posible na ipagdiwang ang mga pista opisyal sa paraang parehong maligaya at maka-kalikasan.
Saan nagsimula ang Christmas tree?
Ayon sa https://www.history.com, ang Germany ang sinasabing nagsimula ng tradisyon ng Christmas tree. Noong ika-16 na siglo, ang mga Kristiyano ay nag-uuwi ng puno na pinalamutian sa kani-kanilang mga tahanan. Ang ilan ay nagtayo pa ng mga Christmas pyramids gamit ang mga kahoy at pinalamutian ang mga ito ng mga mabeberde at kandila kung kakaunti ang kahoy.
Pinaniniwalaan din na si Marthin Luther, ang 16th-century Protestant reformer, ang unang naglagay ng sinindihang kandila sa isang puno. Ayon sa kuwento, habang naglalakad pauwi ng bahay isang malamig na gabi, nabighani si Luther sa nakitang mga bituin sa gitna ng mabeberdeng halaman. At para mailarawan sa kanyang pamilya ang nasaksihan, naglagay ng isang puno sa main at saka nilagyan ng mga nakasinding kandila.
Sa kasalukuyang panahon, iba-iba ang kulay, iba-iba ang laki at iba-iba ang dekorasyon ng Christmas tree. Anupaman ang laki, kulay at palamuti, ang mahalaga ay ang ligaya at kasiyahang dala ng Christmas tree sa mga nakakakita nito.