PINARANGALAN ang dalawang pamilya sa rehiyon ng Mimaropa bilang mga 2023 Model OFW Family of the Year Awardee (MOFYA). Isinagawa sa Lungsod ng Puerto Princesa ang MOFYA Awarding Ceremonies sa pangunguna ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Mimaropa Regional Welfare Officer In-Charge Daisy Puraque sa Sunlight Hotel noong Disyembre 16, 2023.
Ang pamilya nina Captain Carlos Arrieta at Corazon Tarcena ang hinirang na 2023 MOFYA para sa rehiyon, kung saan sila ay kakatawan para sa national level ng MOFYA.
Si Tarcena na mula sa Occidental Mindoro ang nahirang na 2023 MOFYA winner para sa Land-based Category samantalang si Capt. Arrieta mula sa Lungsod ng Puerto Princesa ang nahirang na 2023 MOFYA winner para sa Sea-based Category.
Ang MOFYA ay taunang isinasagawa ng OWWA upang parangalan at kilalanin ang mga natatanging pamilya ng mga migranteng manggagawang Pilipino na nagpakita ng huwarang halimbawa ng pagkakaisa ng pamilya, pangangasiwa sa pananalapi, pakikilahok sa komunidad, at pagnenegosyo.
“Deserved na deserved po ng mga OFWs at pamilya nila na parangalan, because it’s really not easy to leave behind your loved ones, your family to work abroad, sea-based man yan o land-based, mahirap po yan. Marami pong mga kwentong wagi ang mga OFWs na kailangang bigyan ng parangal,” ang mesahe ni OWWA RWO-Mimaropa OIC Purague.
Ayon pa kay OIC Purague, simula nang mailunsad ang MOFYA noong 2006 ay apat na pamilya na sa Mimaropa ang nagwagi sa national level. Ito ay ang pamilyang De Jesus mula sa Romblon, pamilyang Villamor ng Oriental Mindoro, pamilyang Dela Cruz at pamilyang Cadavero ng Puerto Princesa. (OCJ/PIA Mimaropa – Palawan)