INILABAS ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang Labor Advisory No. 28, Series of 2023, na nagsasaad ng wastong pagbabayad ng sahod para sa special (non-working) day sa Disyembre 26.
Nilagdaan ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma noong Disyembre 14, ang advisory ay alinsunod sa Proclamation No. 425, na nagdedeklara sa Disyembre 26 bilang isang espesyal (non-working) na araw sa buong bansa.
Ayon sa Labor Advisory 28, ang “no work, no pay” principle ay susundin, maliban kung may umiiral na polisiya ang kompanya o collective bargaining agreement (CBA) na nagpapahintulot ng bayad sa espesyal na araw.
Ang mga empleyadong nagtatrabaho sa special non-working day ay may karapatan sa karagdagang 30 porsiyento ng kanilang pangunahing sahod sa unang walong oras. Ang mga nagtatrabaho ng overtime sa nasabing araw ay dapat makatanggap ng dagdag na 30 porsiyento ng kanilang hourly rate.
Kung ang special non-working day ay kasabay ng araw ng pahinga ng isang empleyado, kinakailangan ang karagdagang kabayaran. Sa ganitong mga kaso, ang mga empleyado ay dapat bayaran ng dagdag na 50 porsyento ng kanilang pangunahing sahod sa unang walong oras.
Ang mga manggagawang nag-overtime sa kanilang araw ng pahinga ay dapat makatanggap ng karagdagang 30 porsiyento ng kanilang oras-oras na rate kada araw.