29.6 C
Manila
Huwebes, Nobyembre 14, 2024

Tiyakin wastong pagbabayad ng sahod sa mga holiday ng Disyembre – DoLE 

- Advertisement -
- Advertisement -

PINAALALAHANAN ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang mga employer sa pribadong sektor na sundin ang wastong pagbabayad ng sahod para sa mga idineklarang regular holiday at special (non-working) day sa Disyembre.

Inilabas ni DoLE Secretary Bienvenido Laguesma ang Labor Advisory No. 26, Series of 2023, na nagtatakda ng tamang pagkuwenta ng sahod ng mga manggagawa para sa regular holiday sa Disyembre 25 at 30, at ang special (non-working) day sa Disyembre 31.

Alinsunod ang Labor Advisory sa Proclamation No. 90, kung saan idineklara ang mga regular holiday at special (non-working) day para sa 2023.

Nakasaad sa advisory na ang mga empleyadong magtatrabaho sa regular holiday sa Disyembre 25 (Araw ng Pasko) at Disyembre 30 (Araw ni Rizal) ay babayaran ng 200 porsiyento ng kanyang sahod para sa unang walong oras.

Kung ang empleyado ay hindi pumasok sa trabaho, babayaran sila ng 100 porsiyento ng kanilang arawang sahod, ngunit kinakailangan na sila ay nagtrabaho o naka-leave of absence na may bayad sa araw bago ang regular holiday.

Kung ang araw na sinusundan ng regular holiday ay araw na walang pasok sa establisimyento o nakatakdang araw ng pahinga ng empleyado, nararapat silang bayaran ng holiday pay kung sila ay nagtrabaho o naka leave of absence sa araw na sinusundan ng araw na walang pasok o araw ng pahinga.

Samantala, ang empleyado na magtatrabaho ng higit sa walong oras (overtime) ay babayaran ng karagdang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita sa nasabing araw. Ang pagkukuwenta ay: orasang kita ng arawang sahod x 200% x 130% x bilang ng oras na trinabaho.

Bukod dito, ang mga empleyadong magtatrabaho sa nasabing regular holiday na araw din ng kanilang pahinga ay babayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng arawang sahod na 200 porsiyento; habang ang mga nagtrabaho ng higit sa walong oras (overtime) ay babayaran ng karagdagang 30 porsyento ng orasang kita sa nasabing araw.

Nakasaad din sa labor advisory na para sa special (non-working) day sa Disyembre 31, ipatutupad ang “no work, no pay” maliban na lamang kung ang kompanya ay mayroong polisiya o collective bargaining agreement (CBA) na nagbibigay ng sahod para sa nasabing araw.

Samantala, ang empleyado na magtatrabaho sa special (non-working) day ay babayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang arawang sahod sa unang walong oras ng kanyang trabaho, habang ang empleyado na nag-overtime ay makakatanggap ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita sa nasabing araw.

Dagdag dito, ang empleyado na nagtrabaho sa special (non-working) day at ito rin ay araw ng kanyang pahinga ay dapat bayaran ng karagdagang 50 porsiyento ng kanyang arawang sahod sa unang walong oras; habang ang nag-overtime ay babayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita para sa nasabing araw.

Para sa karagdagang katanungan sa wastong pagbabayad ng sahod, pinapayuhan ang publiko na tumawag anumang oras o araw sa DOLE Hotline 1349. Maaari din silang tumawag o mag-text sa 0931-066-2573, mula Lunes hanggang Biyernes, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Maaari ding magpadala ng mga katanungan sa pamamagitan ng electronic mail sa [email protected] o sa pamamagitan ng direktang mensahe sa Facebook Page ng DOLE.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -