NAGPAHAYAG ng suporta ang Department of Labor and Employment (DoLE) sa layunin ng pamahalaan sa pagtataguyod ng disenteng trabaho at proteksiyon laban sa pang-aabuso, karahasan, at pagsasamantala sa mga caregiver sa pamamagitan ng Caregivers’ Welfare Act.
“Sinasalamin ng batas na ito ang pangako ng pamahalaan na kilalanin at tugunan ang pangangailangan ng mga Filipino caregiver na gumaganap ng mahalagang papel sa pangangalaga at suporta sa mga indibidwal at mga pamilya,” pahayag ng DoLE kasabay ng pagbibigay-halaga sa hangarin ng bansa na isulong ang kapakanan ng mga caregiver sa pamamagitan ng pagsasabatas ng Republic Act No. 11965 o ang Caregivers’ Welfare Act.
Ang batas, na inaasahang pakikinabangan ng lumalaking bilang ng mga Filipino caregiver, ay naaayon sa adhikaiin at estratehiya na nakasaad sa Philippine Development Plan 2023-2028 at Philippine Labor and Employment Plan 2023-2028, partikular ang pagtataguyod at proteksiyon sa mga prinsipyo at karapatan sa paggawa, pagbibigay-diin ng DoLE.
Sa pamamagitan ng Bureau of Local Employment (BLE) at ng Bureau of Working Conditions (BWC), aktibong nakilahok ang DoLE sa mga ginawang konsultasyon at pagbubuo ng Caregivers’ Welfare Act, na nagbahagi ng kanilang mahahalagang kaalaman upang matiyak ang komprehensibo at epektibong pagpapatupad ng batas.
Sakop ng batas ang mga caregiver na nagtatrabaho sa loob ng bansa sa mga pribadong tahanan, nursing o care facilities, at iba pang mga residential setting pati na rin ang mga direktang kinukuha ng employer o naipasok sa trabaho sa pamamagitan ng Public Employment Service Office (PESO) o Private Employment Agency (PEA).
Tinitiyak ng batas na ang mga caregiver ay may karapatan sa patas na suweldo, makatwirang oras ng pagtatrabaho, at isang ligtas at may suportang kapaligiran sa paggawa.
Binibigyang prayoridad ang kalusugan at kaligtasan ng mga caregiver, pagtatakda ng mga patakaran sa mga employer upang matiyak ang isang ligtas na lugar-paggawa, kabilang ang oras ng pahinga, mga gawain at proteksiyon mula sa pang-aabuso.
Nakasaad din sa batas na sakop din ang mga caregivers ng mga benepisyo mula sa Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), at Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG).
Ilalagay din ang database ng mga Filipino caregiver sa PhilJobNet system, ang automated job and applicant matching system ng Kagawaran, na may centralized database na pinangangasiwaan ng BLE.
Bukod dito, inatasan ang Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) na bumuo ng isang pamamaraan para sa patuloy na pagtataas ng mga kasanayan at reskilling upang matiyak na nasusunod ang pamantayan sa serbisyong propesyonal na ibinibigay ng mga Filipino caregiver ay mahusay at globally competitive.
Tiniyak ng DoLE, kasama ang Department of Migrant Workers (DMW) at Tesda, ang pagtutulungan para mapadali ang pagtatatag ng mga patakaran na nagbibigay prayoridad sa proteksyon at kapakanan ng mga Filipino caregiver.
Nilagdaan bilang batas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Caregivers’ Welfare Act noong ika-23 ng Nobyembre. Inatasan ang DOLE, sa pakikipagtulungan sa TESDA at iba pang kinauukulang ahensya, sa pagpapalaganap ng mga implementing rules and regulations (IRR) para sa epektibong pagpapatupad ng batas.