HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang mga local government units (LGUs) sa bansa na tumulong sa pagpapababa ng halaga ng transportasyon at logistics na nakakaapekto sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa gitna ng tumataas na demand ng pagkain.
Binigyang-diin ni Gatchalian na dapat tiyakin ng mga LGU ang mahigpit na pagsunod sa Executive Order 41, na nilagdaan ng Pangulo noong Setyembre 2023, na nagbabawal sa pangongolekta ng pass-through fees mula sa mga sasakyang de-motor na nagdadala ng mga kalakal o paninda na dumadaan sa national roads at iba pang mga kalsadang hindi ipinatayo at pinondohan ng mga LGU. Gayunpaman, hinihimok lamang ang mga LGU na magsuspindi ng kanilang koleksyon kapag nagdadala ng mga kalakal o paninda sa mga lokal na pampublikong kalsada. Layon ng EO na tiyakin ang mahusay na paggalaw ng mga kalakal sa mga rehiyon at ang muling pagpapasigla ng mga lokal na industriya.
“Dumaan man sa nasyonal o lokal na pampublikong kalsada, dapat suspindihin ng mga LGU ang pagkolekta ng mga fee dahil makakadagdag ito sa transportation at logistics cost na kadalasan ding nadadagdag sa presyo ng mga bilihin,” sabi ni Gatchalian.
Binigyang-diin niya na ang transportasyon ng lahat ng mga produktong pang-agrikultura mula sa mga LGU ay dapat saklaw ng EO upang matiyak na abot-kaya ang naturang mga bilihin na nangangailangan ng mahigpit na pagsubaybay ng mismong mga LGU.
Ayon kay Gatchalian, dapat ding tiyakin ng mga provincial LGUs ang pagkakaroon ng post-harvest facilities. Ito, aniya, ay hindi lamang para maiwasan ang pagkasira ng mga agricultural products. Mahahanapan pa ang mga ibinebentang produktong ito ng sapat na merkado. Binalikan ni Gatchalian ang kamakailang insidente kung saan ang mga magsasaka sa Ifugao, Benguet, at Nueva Vizcaya ay napilitang magtapon ng mga kamatis dahil sa dami ng suplay at kakulangan ng mga mamimili.
“Kailangang tanggapin ng mga LGU ang responsibilidad sa pagpapatupad ng mga inisyatibo ng supply chain na magtitiyak sa pagkakaroon ng abot-kayang mga bilihin ng pagkain,” sabi ni Gatchalian.
Sa kabila ng mas mababang inflation rate na 4.9 porsiyento noong Nobyembre, ang presyo ng ilang mga pagkain ay patuloy na tumaas. Halimbawa, ang bigas, na pangunahing pagkain ng mga Pilipino, ay nakapagtala ng 15.8 porsiyento inflation rate noong Nobyembre, mas mataas kaysa sa 13.2 porsiyentoi na rate noong Oktubre at 3.1 porsiyento noong Nobyembre 2022.
“Malaking bagay ang magagawa ng mga LGU para tugunan ang mataas na presyo ng ilang pangunahing bilihin. Hindi dapat nasasayang ang mga produkto ng ating mga magsasaka,” sabi ni Gatchalian. Nauna na siyang naghain ng panukalang batas na naglalayong magtatag ng isang agriculture information system (AIS) upang makatulong na matiyak ang sapat na suplay ng mga produktong pang agrikultura, mapalakas ang output ng agrikultura, at mabawasan ang kahirapan.
Ang panukalang batas ay nagbibigay daan para sa paglikha ng AIS, na pamamahalaan ng Kagawaran ng Agrikultura (DA), na magsisilbing isang online computer database kung saan pagsasama-samahin lahat ng impormasyon na may kaugnayan sa kalakal sa agrikultura at ia-upload nang sabay-sabay sa production data ng mga magsasaka sa bawat barangay.
CAPTION
Pinakiusapan Senador Win Gatchalian ang mga LGU sa bansa na tumulong sa pagpapababa ng halaga ng transportasyon at logistics na nakakaapekto sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa gitna ng tumataas na demand ng pagkain. Kuha ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN