26.4 C
Manila
Huwebes, Disyembre 5, 2024

Gatchalian: Pagtugon sa gutom at malnutrisyon bahagi ng pag-angat ng estado ng edukasyon

- Advertisement -
- Advertisement -

MAHALAGANG tutukan ang mga isyu ng gutom at malnutrisyon kasabay ng pag-angat sa kalidad ng edukasyon sa bansa, ayon kay Senador Win Gatchalian.

 

Kung nais ng Pilipinas na makita ang mga pagpapabuti sa pagganap ng mga mag-aaral, iginiit ni Senator Win Gatchalian ang pangangailangang tugunan ang paglaganap ng kagutuman at malnutrisyon sa mga bata. Kuha ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN 

Ayon kasi sa naging resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), 12 porsiyento ng mga mag-aaral na 15 taong gulang sa Pilipinas ang iniulat na pumapasok sa paaralan nang hindi kumakain araw-araw o tuwing makalawa. Lumabas din sa naturang pag-aaral na may negative correlation (-0.61) sa pagitan ng gutom at performance sa mathematics. Ibig sabihin, hindi maayos ang performance ng mga batang gutom.

 

Nang tanungin ang mga mag-aaral kung gaano sila kadalas na hindi kumakain dahil sa kakulangan ng perang pambili ng pagkain, 3 porsiyento ang nagsabing apat o limang beses sa isang linggo, 9 porsiyento ang nagsabing dalawa o tatlong beses sa isang linggo, at 15 porsiyento naman ang nagsabing isang beses sa isang linggo.

 

Batay sa datos ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute’s (DoST-FNRI) sa taong 2021, 20 porsiyento ng mga batang lima hanggang 10 taong gulang o katumbas ng 2.7 milyon ang “stunted” o mababa para sa kanilang edad. Iniulat din ng ahensya na 2.8 milyon o 21 porsiyento ang underweight, samantalang 1 milyon o 7 porsiyento naman ang “wasted.”

 

“Kasabay ng pag-angat natin sa kalidad ng edukasyon ng mga kabataan ang pagtugon sa kanilang mga pangangailangan sa kalusugan at nutrisyon. Alam nating mahirap matuto ang batang gutom, kaya patuloy nating dapat hanapan ng iba’t ibang paraan kung paano pangalagaan ang kalusugan ng ating mga mag-aaral,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education.

 

Ibinahagi din ng ulat ng PISA ang ilang halimbawa kung paano makatutulong ang mga sistema ng edukasyon upang tugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral pagdating sa nutrisyon. Sa Finland, halimbawa, tinitiyak ang mga libreng pagkain mula pre-primary hanggang upper secondary education. Sa ilalim naman ng School Meals Program ng Ireland, may nakalaang pondo para sa mga kinakailangang pagkain para sa mga mag-aaral at mga bata sa mga paaralan at mga organisasyon.

 

Ayon kay Gatchalian, pangarap niya ang pagkakaroon ng universal school meal program upang tugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral pagdating sa nutrisyon. Bagama’t aminado ang mambabatas na kakailanganin ng programang ito ang malaking pondo, magpapatuloy daw siya sa paghahanap ng pondo at iba pang mga paraan para matugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral sa nutrisyon.

 

Upang matugunan ang stunting na nakakaapekto sa performance ng mga mag-aaral, iminungkahi ng isang 2023 discussion paper mula sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na tiyaking tuloy-tuloy ang mga programa para sa nutrisyon ng mga nanay, prenatal at postnatal care, nutrisyon ng mga batang 6-23 buwang gulang, at pagpapakain sa mga bata at sanggol. 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -