NAGHAIN si Senador Win Gatchalian ng resolusyon na naglalayong imbestigahan ang pagkawala ng kuryente sa Western Visayas na tumagal sa loob ng ilang araw sa pagsisimula ng taon.
Inihain ng senador ang Senate Resolution 891, at sumama sa panawagan ng iba pang mga senador para imbestigahan ang malawakang power outage sa lugar.
Nais ni Gatchalian na suriin ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) at iba pang kaugnay na batas, kabilang ang prangkisa ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), upang maiwasan ang mga blackout at matiyak ang maaasahan at tuluy-tuloy na suplay ng kuryente sa buong bansa.
Sinabi ni Gatchalian na dapat i-assess ng Senado kung kailangang tanggalin ang systems operation function ng NGCP at ibigay ito sa ibang entity. Ayon sa kanya, kapag tinanggal na ang systems operation function sa NGCP, matututukan na nito ang transmission.
“Ang NGCP ang nag-iisang grid para sa transmission ng kuryente sa buong bansa, at anumang pagkabigo sa pagpapatakbo nito ay may malawak na epekto sa ekonomiya, kaligtasan ng publiko, at pambansang seguridad,” sabi niya.
Dahil sa matagal na pagkawala ng kuryente sa Panay, napilitan ang pagsuspinde ng klase sa 733 pampublikong paaralan at mga kolehiyo sa loob ng dalawang araw. Dagdag pa rito, sinabi ni Iloilo City Mayor Jerry Trenas na ang epekto ng malawakang brownout sa lungsod ay maaaring nagdulot ng pagkawala ng hanggang P1.5 bilyon sa loob lamang ng tatlong araw.
Ayon kay Gatchalian, sinabi na ng Department of Energy (DoE) na pwede sanang naiwasan ang island-wide blackout dahil may dalawang oras na window kung saan maaaring aktibong tumawag ang NGCP sa distribution utilities sa Panay upang sabihing bawasan ang kanilang load para maiwasan ang pagbagsak ng kuryente.
Iminungkahi din ng DoE na dapat suriin sa congressional inquiry ang pangangailangang bigyan ang Energy Regulatory Commission (ERC) ng awtoridad na magpataw ng P2 milyong administratibong multa sa transmission concessionaire kada araw ng paglabag sa mga panuntunan sa regulasyon o 1 porsiyento ng halaga ng mga proyektong naaantala batay sa halaga ng proyektong inaprubahan ng ERC at ang pangangailangang repasuhin ang espesyal na pribilehiyo sa buwis ng NGCP na magbayad lamang ng 3 porsiyento na buwis sa prangkisa bilang kapalit ng iba pang pambansa at lokal na buwis.