31.2 C
Manila
Huwebes, Nobyembre 14, 2024

Ang nangyayari sa mundo sa pananaw ng Diyos

- Advertisement -
- Advertisement -

HINDI natin siyempre malalaman nang ganap ang pananaw ng Diyos sa mundo. Pero susubukin nating usisain sa abot ng ating hamak na pagsisiyasat at pagsusuri sa bagong pitak o “column” na ito, pinamagatang “Langit at Lupa.” Babatikusin natin ang mga balita at usapin sa bayan at daigdig nang may liwanag ng Maykapal sa langit, hindi lamang pag-analisa ng mga pantas sa lupa.

Ginagawa na natin ito sa mga artikulo ng “Talaga” tuwing Lunes at “Ang Liwanag” sa Biyernes. Pagsasamahin sila rito sa bagong pitak mula ngayon: mga usaping bayan at mundo at mga paksang relihiyoso kapwa tutukuyin sa bawat pitak ng “Langit at Lupa.”

Bihirang-bihira ito sa pamamahayag o journalism. Karaniwang pinaghihiwalay ng mga reporter at kolumnista ang pag-uulat at pagbatikos sa daigdig at ang pangaral at dunong ng Diyos.

Mangyari, sa pananaw ng modernong mundo, hindi dapat ipasok ang langit sa mga usaping lupa dahil labas ang Maykapal sa mga pangyayaring nakikita, naririnig, nahahawakan o napatitibayan ng siyensiya.

Subalit ito ba ang pananaw ng higit na nakararaming Pilipino, kabilang kayong mga mambabasa ng Pinoy Peryodiko? Malamang hindi.


Sa katunayan, ayon sa mga pandaigdigang pagtatanong-publiko o survey, naniniwala sa Diyos ang mahigit 80 porsiyento ng Pilipino. Kabilang sa milyun-milyong nananalig ang mga debotong nag-uumapaw sa Traslacion ng Poong Nazareno sa Maynila at Sinulog ng Santo Niño sa Cebu.

Huwag etsapuwera ang Diyos

Para sa mga kababayan nating iyon at marahil pati sa atin, may halaga at saysay ipasok ang Panginoon sa pagkomentaryo sa sambayanan at sandaigdigan. Kung hindi man lang Siya isasaisip, maihahalintulad tayo sa batang Samuel sa unang pagbasang Misa ng Enero 14, ang Ikalawang Linggo ng Karaniwang Panahon.

Sa Unang Aklat ni Propeta Samuel (1 Samuel 3:3b-10, 19), tatlong ulit tinawag ng Diyos ang batang natutulog sa templo, at tuwing pagtawag, lumapit si Samuel sa paring Eli sa akalang tinawag siya ng matanda.

- Advertisement -

Sa unang dalawang paglapit ni Samuel, pinatulog siyang muli ni Eli. Pero sa pangatlo, “Naisip ni Eli na ang Panginoon ang tumatawag kay Samuel, kaya sinabi niya, “Sige, mahiga kang muli. Kapag narinig mo pang tinawag ka, ganito ang sabihin mo: ‘Magsalita po kayo, Panginoon. Nakikinig po ang inyong lingkod.’”

Bago maisip ni Eli na Diyos ang tumatawag kay Samuel, hindi nila makita ang tinig at kilos ng Panginoon. Gayon din, kung wala sa isip natin ang langit, hindi natin makikita ang galaw nito sa lupa.

Subalit nang kilalanin ni Samuel ang Maykapal sa pang-apat na tawag sa templo, nagkausap na sila at naipagkaloob ng DIyos sa propeta ang liwanag ng langit: “Habang lumalaki si Samuel, patuloy siyang pinapatnubayan ng Panginoon, at nagkakatotoo ang lahat ng sinasabi niya.”

Sabi nga ni Arsobispo John Charles Brown, ang embahador ni Papa Francisco sa Pilipinas, minsang mag-Misa siya sa simbahan naming Santuario de San Jose: “Upang makita ang pagkilos ng Diyos, dapat munang maniwala sa Kanya.”

Ang niloloob ng Poon

Masisino nga ba natin ang galaw at kalooban ng Diyos sa ating mundo? At paano ito gagawin?

- Advertisement -

Halimbawa, ano ang tingin ng Maykapal sa pagpasok ng mga puwersang Amerikano sa Pilipinas, ang paksa ng “Talaga” noong Enero 12?

Pihadong mas mamarapatin ng Diyos magkasundo ang China at Estados Unidos sa halip ng palakihan at pabagsikan ng hukbo at sandata, kasama ang paggamit ng US sa mga paliparan at daungan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa giyerang maaaring sumiklab sa Taiwan.

Base naman sa mga pangyayari sa kasaysayan, para bang pinigil ng langit ang patuloy na paggamit sa Pilipinas bilang platapormang pandigma ng Amerika.

Dahil sa pagbagsak ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong 1986, sa pag-aalsang sinusugan ng nasirang Arsobispo ng Maynila Jaime Kardinal Sin, nagawa ng mga mambabatas kontrahin ang bagong kasunduan para ipagpatuloy ang mga baseng US sa Clark at Subik. Nawasak din ang Clark dahil sa pagsabog ng Bulkang Pinatubo.

Sa 2014, nang pumayag ang pangulo noon, si Benigno Aquino 3rd, humihina na ang suporta sa pamahalaan niya dahil sa mga pangyayari noong 2013 matapos ang pagsasabanal o konsagrasyon ng Pilipinas sa Mga Puso nina Hesus at Maria.

Nabalita ang katiwaliang “pork barrel” sa Hulyo at ang salang gastos o “malversation” ng Disbursement Acceleration Program noong Agosto. Sumunod ang tatlong kalamidad: paglusob ng Moro National Liberation Front sa Zambonga noong Septiyembre, lindol sa Bohol noong Oktubre, at humagupit ang bagyong “Yolanda” o “Haiyan” sa Kabisayaan noong Nobyembre. At binuwag ng Korte Suprema ang pork barrel noong Disyembre 2013.

Tuloy, humina ng suporta ng tao kay Aquino, at pagsapit ng halalan noong 2016, natalo ang kandidato niya laban kay Rodrigo Duterte.  At anin na taong nahinto ang pagpasok ng Amerikano sa mga baseng AFP.

Subalit ngayon, sa tulak ng US, binuksan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang siyam na baseng AFP sa Amerika.

Hahayaan na ba ng Diyos gawing sandata ng Amerika laban sa China ang tanging bansang Kristiyano sa Asya?

Iadya ng langit!

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -