30.2 C
Manila
Martes, Nobyembre 5, 2024

Pag-amyenda sa Konstitusyon, napapanahon na ba?

- Advertisement -
- Advertisement -

BUHAY na buhay na naman ang usapin tungkol sa charter change, ang pag-amyenda sa Konstitusyon, sa panahon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at gaya ng mga naunang pagtatangka, ay nakatanggap din ng suporta gayundin ng pagkontra mula sa iba’t ibang grupo.

Ito ay matapos ihayag ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na kikilos ang Mababang Kapulungan upang amyendahan ang mga probisyong pang-ekonomiya ng Konstitusyon upang padagsain ang mga dayuhang mamumuhunan sa bansa.

Albay Representative Edcel Lagman FILE PHOTO

Bagama’t tiwala si Rep. Romualdez sa kanyang pahayag, hindi sya suportado ng lahat sa Mababang Kapulungan. Nagpahayag ng oposisyon sa pag-amyenda sa Saligang Batas si Albay Representative Edcel Lagman at ang Makabayan bloc.

Kamakailan ay isiniwalat ni Lagman na may nagaganap na bayaran upang makakuha ng suporta ang balakin na maamyendahan ang Konstitusyon.

Ito ngayon ang pinapaimbestigahan ni Senador Maria Josefa Imelda “Imee” Marcos sa ilalim ng Resolusyon 902 kaugnay ng napaulat na umano’y pag-aalok ng P20 milyon sa bawat isang congressional district na makakapagbigay ng kinakailangang lagda para suportahan ang people’s initiative na maamyendahan ang batas.


“These reported pay-offs in the signature campaign for a people’s initiative to amend the Constitution are unconscionable acts of corruption which are inimical to the very concept of democracy,” ayon sa senadora, kapatid ni Pangulong Marcos.

Ayon kay Senadora Marcos, may ilang mambabatas na nagsasabing ang coordinators ng isang party-list group ay nabayaran upang tiyakin na makakalap ito ng tatlong porsyento ng kabuuang botante sa bawat munisipalidad para maging matagumpay ang people’s initiative na amyendahan ang Saligang Batas.

Sa ilalim ng 1987 Constitution, ang pag-amyenda sa batas ay maaaring direktang ipanukala sa pamamagitan ng people’s initiative kung saan 12 porsiyento ng lahat ng botante ay susuporta sa petisyong ito kung saan ang bawat isang distrito ay may tatlong porsiyento sa kabuuang ito.

Ang 12 porsiyento ay katumbas ng walong milyong botante ng Pilipinas.

- Advertisement -

Ayon kay Lagman balak ng mga nangangalap ng pirma na ang mga botante ay papipirmahin sa petisyon kapalit ng P100.

Iniulat ng The Manila Times na pinabulaanan ni Alfredo Garbin Jr., dating Ako-Bicol partylist representative sa 18th Congress na naglabas sila ng pondo para isulong ang people’s initiative.

Sa isang panayam sa telebisyon sinabi ni Garbin, dating chairman ng Constitutional Amendments Committee ng Mababang Kapulungan na ang may ideya ng people’s initiative na ito ay ang League of Municipalities of the Philippines (LMP) mayors sa pangunguna ng pangulo nito na si Polangui Mayor Adrian Salceda.

Dagdag pa niya, may kampanya ring isinasagawa ang League of Cities of the Philippines sa pangunguna ni Bacolod Mayor Alfredo Abelardo Benitez at ilang non-government organizations para suportahan ang people’s initiative.

Hindi rin aniya ito impluwensya ni Congressman Romualdez sa kabila ng kaniyang deklarasyon na dapat pagtuunan ng mababang kapulungan ang pag-amyenda sa mga economic provisions ng Konstitusyon ngayong taon.

Itinanggi rin ni Garbin na mayroong pondo para sa umano’y P100 ibabayad kapalit ng bawat pirma.

- Advertisement -

Hinamon naman nina Ako Bicol Partylist Representative Elizaldy Co at Raul Angelo “Jil” Bongalon si Lagman na maglabas ng ebidensya upang patunayan ang kaniyang alegasyon.

Ayon naman kay Commission on Elections Atty. George Erwin Garcia sa isang panayam sa telebisyon, hindi masasabing ito ay pagbili sa boto dahil ang lagda ay hindi boto subalit aniya, kung mapapatunayan na ang ginamit sa kampanyang ito ay pondo ng gobyerno, maituturing itong paglabag sa anti-graft o malversation of public funds at kung mapapatunayan ito, ang bawat lagda ay puwedeng masabing invalid.

Nauna rito, nitong nakaraang Enero 4, naglabas ng pahayag ang Foundation for Economic Freedom (FEF) na sinasabi ang kanilang pagsuporta sa pag-amyenda sa probisyong pang ekonomiya ng Konstitusyon.

“We, the Foundation for Economic Freedom, have always been at the forefront in calling for changes to the 1987 Constitution to remove the restrictive economic provisions that have, for decades, served as binding constraints to economic growth and development. We believe that the removal of restrictive economic provisions sends a clear and compelling message to foreign investors, signaling a warm welcome to investment and business operations in the Philippines. While commendable liberalization laws have been enacted in the previous administration, such as the Amendments to the Public Service Act, the Foreign Investment Act, and the Retail Trade Liberalization Act, the Philippines still lags behind its Asean neighbors in foreign direct investment inflows,” ayon sa FEF.

Matapos unang ipatupad sa panahon ni dating Pangulong Corazon Aquino ang 1987 Constitution, bawat administrasyon na sumunod ay naisipan o nagpanukala na amyendahan ang Konstitusyon subalit pawang hindi naisakatuparan ang mga ito.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -