SINABI ni Senador Win Gatchalian na lubos niyang sinusuportahan ang inihaing resolusyon sa Senado na naglalayong pag-usapan ang mga pagbabago sa saligang batas ngunit nililimitahan lamang ito sa mga probisyong pang-ekonomiya.
“Noon pa man ay suportado ko na ang pagbubukas ng mga talakayan tungkol sa pag-amyenda sa ilang mga probisyon ng Konstitusyon upang ganap na maisakatuparan ang potensyal ng ekonomiya ng bansa,” sabi ni Gatchalian.
Ang pahayag ng senador ay kasunod ng kanyang reaksyon sa resolusyong inihain sa Senado sa pangunguna ni Senate President Juan Miguel Zubiri na nagmumungkahi ng mga pagbabago sa ilang economic provisions ng 1987 Constitution partikular na sa Articles 12, 14, at 16. Ang Resolution of Both Houses No. 6 ay naglalayong i-institutionalize ang mga repormang inilatag sa Public Service Act upang manaig ang liberalisasyon sa mga industriya, isulong ang mahusay na paghahatid ng serbisyo, at isulong ang kompetisyon bilang isang pangmatagalang polisiya.
Nauna nang naghain si Gatchalian ng Resolution of Both Houses No.1, na humihingi ng mga amendment sa economic provision ng Konstitusyon. Nabanggit niya na sa kabila ng paglago ng ekonomiya ng bansa, mayroon pa ring ilang constitutional restrictions tulad ng limitasyon sa mga dayuhan pagdating sa pagmamay-ari at pagpapatakbo ng mga public utilities, educational institutions, mass media, at advertising.
“Sa ilang industriya, may mga paghihigpit pagdating sa pag-aari ng mga dayuhan. Sa kasalukuyan, sa kaso ng operasyon ng public utilities ay hanggang 40% lamang ang dapat na pagmamay-ari ng mga banyaga. Pagdating naman sa educational institutions, ipinagbabawal ang kahit na bahagyang pagmamay-ari ng mga banyaga,” ani Gatchalian.
Binigyang-diin niya na upang mapanatili ang paglago ng ekonomiya, kailangang amyendahan ang naturang mga paghihigpit dahil napipigilan nito ang foreign direct investments (FDIs), lalo na’t ang Pilipinas ay niraranggo bilang pangatlo sa pinakamahigpit sa mga tuntunin ng FDI sa 84 na mga bansang miyembro ng Organisasyon for Economic Cooperation and Development (OECD), batay sa 2020 OECD FDI Restrictive Index.
CAPTION