NAKATANGGAP ang 11 kwalipikadong benepisyaryo sa bayan ng Iguig dito sa lalawigang ito ng tig-dalawang tupa sa ilalim ng Livestock Program ng Department of Agriculture (DA) Field Office No 2.
Naging katuwang ng DA ang lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Municipal Agriculture Office (MAO).
Ang pamamahagi ng tupa ay tulong ng kagawaran sa mga indibidwal na naapektuhan o namatayan ng mga alagang hayop noong nanalasa ang bagyong Paeng sa nasabing bayan noong nakaraang taon.
Ang mga benepisyaryo ay nasuri nang mabuti ng MAO sa pangunguna ni Municipal Agriculturist James Balubal.
Sinisiguro naman ni Balubal na magsasagawa ng monitoring ang kanilang opisina sa mga nakatanggap para matiyak na ang mga tupa ay maparami at naaalagaan ayon sa itinakda ng DA.
Ikinatuwa naman ng alkalde ng naturang bayan na si Mayor Ferdinand B. Trinidad ang patuloy na pagsuporta ng DA lalo na sa mga residente o magsasaka na naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad. (OTB/MDCT/PIA Cagayan)