LIMA na ang exit ramps ng North Luzon Expressway (NLEX) sa bahagi ng lungsod ng Meycauayan ngayong bukas na sa trapiko ang F. Raymundo northbound exit ramp.
Kasabay nitong madadaanan ang mas pinalapad na northbound exit ramp sa main Meycauayan Exit.
Ayon kay Toll Regulatory Board Executive Director Alvin Carullo, suportado nila ang anumang uri ng proyekto na magpapabilis ng daloy ng trapiko papasok at palabas ng mga expressways.
Kaya naman inaprubahan ito upang lubos na mapaluwag ang daloy ng trapiko sa Meycauayan kung saan matatagpuan ang malalaking industriya base sa ginawang Traffic Mobility and Decongestion Study ng NLEX Corporation.
Matatagpuan ang bagong F. Raymund Exit sa northbound lane ng NLEX o sa direksiyon patungong Pampanga. Sa nasabing direksiyon, ito ang pangatlong northbound exit ng NLEX papasok sa Meycauayan.
Ang una ay ang Libtong Exit na binuksan noong 2017 at susundan ng main Meycauayan Exit na naitayo kasabay ng mismong NLEX noong 1967 na dating tinatawag na North Diversion Road.
Sa southbound lane ng NLEX o sa direksiyon na patungong Balintawak, unang madadaanan na exit sa Meycauayan ang Pandayan at ang main Meycauayan Exit na pangunahing daan naman patungong Manila North Road o Mac Arthur Highway.
Sinabi ni NLEX Corporation President Luigi Bautista na ang pagbubukas ng F. Raymund ay magpapaluwag at magpapabilis din ng daloy ng trapiko patungo sa Marilao bukod sa katabi nitong lungsod ng Meycauayan.
Nagsisilbing pasukan ang F. Raymundo Exit mula sa NLEX papunta sa katabi nitong East Service Road na bumabaybay mula sa Libtong sa Meycauayan patungo sa Lias bridge sa Marilao.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Meycauayan City Mayor Henry Villarica na resulta ang pagbubukas ng panglima nang exit ng Traffic Management Cooperation Agreement ng Pamahalaang Lungsod ng Meycauayan at ng NLEX Corporation.
Makikinabang aniya nang direkta rito ang mga mamamayan na umuuwi sa mga barangay ng Iba, Camalig, Metrogate, Lias, Lambakin at Pantoc. (CLJD/SFV-PIA 3)