29.3 C
Manila
Biyernes, Disyembre 13, 2024

Tumbukin ang tunay na isyu ng kaunlarang Pinoy

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

E, ANO kung nanggahasa si Pastor Apollo Quiboloy? Talamak ang malalaswang gawi maging ng matataas na lider ng mga simbahan, mapa-Kristiano Katoliko, mapa-Iglesia ni Kulafu, Iglesia Kung Anu-Ano. Ipinakikita lamang ng kasong ito ng lider ng Kingdom of Jesus Christ na ang makamundong kati ng katawan ay kakamutin at kakamutin, maghalo na ang balat sa tinalupan. Sabi nga sa kanta, sapagkat tayo ay tao lamang.

Kung magkataon na sa pagkamot ay magkaroon ng paglabag sa batas, e, di, idulog sa wastong proseso, kasuhan sa korte.

Kung bakit itong si Senador Risa Hontiveros ay nakakati-katihan na daanin pa sa pagdinig sa senado ang pangyayari na para bang sa libog ng isang ministro ng relihiyon ay namemerhuwisyong mawasak ang kaligtasan ng bansa.

Maihahalintulad ko ang pangyayaring ito sa malalang eczema ko noon sa paa na lubos kong pinagkakaabalahang gamutin.

“Huwag mong intindihin yan,” wika ng doktor ko. “Hindi ka papatayin niyan. Ang papatay sayo ay ang sakit mo sa puso.”


Pumukos ang doktor sa pag-intindi sa puso ko na pagkaraan ng maiksing panahon ay ganap namang nalunasan.

38 ako noon. Baligtad na niyan ang edad ko ngayon, 83. Bagaman sa kalakhan ay nagamot na rin ang aking foot asthma, manakanaka pa rin itong lumilitaw.

Leksyong moral: sa kawing-kawing ng mga karamdaman ng katawan, sunggaban ang pangunahing kawing at magagamot ang lahat ng karamdaman.

Anu-ano ang bumubuo sa kawing-kawing ng mga karamdaman ng lipunang Pilipino?

- Advertisement -

Ilan sa mga umugong sa media nitong kagyat na nakaraan ay ang pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pa na humantong sa pagkatanggal bilang kongresista sa pangunahing suspect na si Congressman Arnie Teves; ang Percy Lapid murder na ibinintang sa dating Bucor Chief Gen. Quitaleg Bantag, na ngayon ay nagtatago: ang pagkahuli ng high-grade marijuana sa kamay ni Juanito Jose Remulla 3rd, anak ni DoJ Secretary Crispin Remulla at ang pagpapakawalang-sala sa kanya ng korte; ang mga pagsisiwalat na user ng pulvoron si Bongbong; ang maalingasngas na signature campaign para sa cha-cha na ibinintang ni Senador Imee Marcos sa pinsan na si Speaker Martin Romualdez.

Maraming iba pang kabulastugan ang inatupag ng media na para bang ang paglutas sa mga kontrobersyang ito ay hahantong sa asenso’t kapanatagan ng bayan.

Mangyari pa,  malaking diin din ang ibinigay ng media sa paglago ng tensyon sa South China Sea, ngunit sa paraan na nababaluktot ang mga pangyayari. Halimbawa ang mga insidente ng laser beaming at water cannoning ng China Coast Guard (CCG) sa Pilippine Coast Guard (PCG) ay isinalarawan sa media bilang mga pandigmang pananalakay ng China sa Pilipinas gayong ang totoo, ang mga iyun ay simpleng pagpapatupad ng mga batas pandagat ng China. Salamat sa Asian Century Philippines Strategic Studies Institute Inc. (ADPSSII), isang think tank na pinamumunuan ng bantog na journalist na si Herman Tiu Laurel, nabulgar na ang mga napaulat na mga pananalakay ng China ay gawa-gawang istorya lamang ng isang dating opisyal ng US Airforce na nagngangalang Raymond Powell. Kumuha ng mga larawang satelite ng mga barko ng CCG at PCG, at sa tweet sa Twitter ay pinagmukha itong mga nagmuntik-muntikanan nang nagbabanggaan. Ito namang mga tagangawngaw ng Kano sa mainstream media ay pinik-ap ang tweet at iniulat na para bang totoong pangyayari.

Ganyan totoong lumala ang tensyon sa South China Sea. Ayon ito sa plano ng Project Myuoshu ni Powell na pasabugin sa pamamagitan ng propaganda ang digmaang Chino-Pilipino bilang pagsulong sa mga estratehikong layunin ng US sa rehiyon. At ano pa ba ang layuning ito  kundi ang mapanatili ang kanyang hegemoniya na naagnas na sa Gitnang Silangan, gumuguho pa rin sa Silangang Europa gaya ng ipinakikita ng di maawat na pananalakay ng Russia sa Ukraine, at sa palala pa nang palalang giyera ng Hamas at Israel na higit pang nagpatibay sa pagkakaisa ng mundo ng Arabo kontra Israel – samakatwid kontra Amerika.

Masdan ang pagbuhos ng mga bansa na sumasapi sa BRICS, ang dating samahan lamang ng Brasil, Russia, India, China, at Saudi Arabia. Sa pagsiklab ng digmaang Israel-Palestine at luminaw na ang tindig ng BRICS ay sa Palestine, humugos ang mga bansang ibig nang pumailalim sa samahan. Benepisyo sa langis ang isa sa mga pangunahing hinahabol ng mga bansa sa BRICS, na ngayon ay kumalas na sa dolyar bilang salapi ng kalakalan; kapalit ng dolyar ay ang Yuan ng China. Ang restriksyon sa komersyo na pinaiiral ngayon ng Yemen sa Red Sea ay bunga pa rin ng kontra-US/Israel na tindig ng Yemen pabor sa Palestine.

Naririyan ang maraming alalahaning kinakaharap ngayon ng Pilipinas sa paghahanap nito ng tamang daan sa minimithing kaunlaran. Hamon sa lahat na naghahangad na matagpuan ang wastong landas — mga  lider ng pamahalaan,sektor ng mga intelektwal, kabilang na ang mga responsableng miyembro ng mundo ng pamamahayag sapagkat sila ang mga daluyan ng impormasyon patungo sa masa ng sambayanan — na  sinupin ang mga pagsusuri sa nagsalibayang mga alalahanin sa itaas upang masino ang pangunahing kawing at samakatuwid masapol ang panghahawakan sa wastong prosesong hinihingi upang tuluyan nang tahakin ang minimithing kaunlaran ng bansang Pilipinas.

- Advertisement -

(May karugtong)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -