Huli sa apat na bahagi
BILANG pagsusuma, naririto ang mga nailahad na batayan ng isang makatotohanan at siyentipikong pagsusuri sa tunguhin ng pag-unlad ng lipunang Pilipino:
1 – Sa pamantayan ng diyalektong at historikong materyalismo, ang yugto ng panlipunang pag-unlad na nakaumang upang tahakin ng Pilipinas ay ang sosyalismo. Ang kaunlarang tinamo ng China na mahigit 800 milyun ng sambayanan Chino ay naiahon na sa kahirapan ay matibay na patunay ng kawastuan ng pananaw na ito.
2 – Bagama’t ang pag-unlad ng Pilipinas ay nakabatay sa mga panloob niyang katangian, ang pagsulong ng bansa patungong sosyalismo ay hindi na maiiwasang hindi daanin sa pamamagitan ng China, na siyang namumunong tagapasan ng dagitab ng sosyalismo sa sandaigdigan. Batas pa rin ng historikong materyalismo na sa sandaling ang isang sistemang panlipunan ay naging institusyon na sa isang panig ng mundo, ang iba pang lumang sistema sa paikot ng daigdig ay basta na lamang pumapaloob dito. Kaya pansinin kung bakit dalawa-ikatlong bahagi ng mundo ay napaunlad na ng Belt and Road Initiative (BRI) ni Presidente Xi Jinping, ang di-maawat na kilos upang palaganapin sa buong sandaigdigan ang diwa’t praktikalidad ng
“sosyalismo na may mga katangiang Chino”. Hindi maiiwasan na sa malao’t madali ang Pilipinas man ay mahigop na ng sosyalismong ito.
3 – Sa kasalukuyan ay nagsalibayan ang mga isyu na sa unang wari ay walang pakialam sa isa’t isa subalit kung susuriing mabuti ay lilitaw na pinag-uugnay ng iisang tunguhing itinatakda hindi ng ano pa man kundi ng makasaysayang mando na ang Pilipinas ay malagay sa dapat nitong wastong kalagyan.
Kaugnay ng usapin Bilang 1, hindi na pagtatalunan pa na upang umunlad, sosyalismo ang dapat na inaadhika ng Pilipinas. Ang hindi pa rin malinaw ay kung papaano tayo makararating roon.
Sa Russia, naibagsak ang daandaang taong gulang na piyudalistikong Dinastiyang Romanov ng burgis na pag-aalsa ni Kerensky sa loob ng sampung araw lamang (at ang bunga nitong pagkatatag ng sosyalismo ay naganap sa pamamagitan ng simpleng pag-aresto ng mga Bolshevik na pinamumunuan ni Vladimir Lenin sa buong gabinete ng pamahalaang Kerensky, sabay proklama: “Lahat ng kapangyarihan sa mga Sobyet!” At doon nabuhay ang sosyalistang estado sa Russia na tumagal ng 73 taon, sumakop sa mga bansa ng Silangang Europa, Silangang Asya, nakapagimpluwensya sa sosyalistang pagyabong sa Timog Silangang Asya, partikular ang Vietnam, sampu ng North Korea, Cuba at China – ang Union of Soviet Socialist Republic (USSR). Sa mga nabanggit na lugar, ang pinakamahabang transisyon papuntang sosyalismo ay sa China na kinailangan ang 5-taon na digmaang sibil bago naitaboy ng Communist Party of China (CPC) ang Kuomintang sa Formosa (ngayon Taiwan). Maiksi-iksi ang sa Cuba na kinailangan lamang ang halos isang taon upang patalsikin ni Fidel Castro ang diktador na si Fulgencio Batista.
Pero sa Pilipinas, Diyos na mahabagin!
54 anyos na ang pag-aalsang Communist Party of the Philippines/New People’s Army/National Democratic Front (CPP/NPA/NDF), inuban na sila’t lahat kung hindi tigok na, ultimong si Joma ay nilamon na ng lupa, pero eto pa rin ang mga uhugin at bangkarote sa idolihiyang mga tagapagmana ni Jose Maria Sison, humihiyaw, “Isulong ang pangmatagalang digmaang bayan. “
Magulo ang panahon. Ewan kung sapul ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na biglang-bigla ang Pilipinas ay pumatak muli sa kalagayang kinalagyan nito sa panahon ng kanyang ama na kung kaya napilitan itong magdeklara ng martial law.
Ginoong Presidente, sakbibi ako ng inspirasyon nang mabasa ko ang iyong magandang mga kataga sa memorial ng iyong ama noong 1989. Sa iyong kamusmusan, nagawa mong wikain ito: “I am faced with the awesome responsibility of filling in the shoes of my father.”
Tiyak napupuna ninyo na naglitawan na ang sandamakmak na sakit ng bayan. Napakatalamak na ng kalakalan sa iligal na droga na hanggang sa inyong kataastaasan ay umabot na ang bahid.
Alam nyo na kung paano kayo uyamin ni Dating Pangulong Duterte, “Iyan si Bongbong, bangag yan. Ngayon presidente na, bangag pa.”
Samantala, lumalala ang kahirapan ng mga mamamayan. Sa huling bili ko ng bigas, P65 na ang kilo; ang isdang matang baka ay P450 ang kilo.
Mabuti kumikita-kita ako ng konti sa pagsusulat. Papaano yung mga average wage earners? Papaano pa nila kakayanin ang palobo nang palobong presyo ng mga bilihin?
Papunta sa pagbagsak ang kabuhayan ng bansa habang biglang-bigla ay nanganib ang republika sa banta ni Duterte na ihihiwalay niya sa Pilipinas ang Mindanao.
Isang bagay lang ang malinaw sa bantang ito ni Duterte: Pagbabalikwas na katulad ng nangyari noong People Power Revolt ng 1986. Sa katunayan, mismong sa bibig ni Duterte nanggaling ang katatakutan patungkol kay Bongbong: “Lalabas ka ng Malakanyan tulad ng panahon ng iyong ama.”
Sa unahan pa lamang ng seryeng ito, natukoy na ang kawing-kawing ng mga suliraning kumukubabaw sa bansa. At naidiin natin na sunggaban mo ang pangunahing kawing at nasunggaban mo ang buong kadena ng mga suliranin ng bansa. Lutasin mo ang kawing na iyun, lutas mo na ang kabuuang suliranin ng bansa.
Ano ang pangunahing kawing? Ang PIRMA People’s initiative? Ang paghihiwalay ng Mindanao? Ang drug addiction na paratang ni Duterte kay Bongbong? Ang kontra banat ni Bongbong kay Duterte? Mga kaguluhan at panlipunang pagbabalikwas na banta ni Duterte? Papaano ang malaking inihupa ng tensyon sa pagitan ng China at Pilipinas sa South China sa isang banda at ang nagpapatuloy na pagsisikap ng Estados Unidos na pataasin pa rin ang tensyon sa kabilang banda? At natabunan na ba ang usapin tungkol sa karagdagang EDCA sites na kaloob ng Pilipinas sa America? Na normal lamang na ikinagalit ng China dahil ang mga karagdagang base militar ay pawang mga nangakaumang na sa China Mainland o kung hindi, sa mga sulong na base militar ng China sa South China Sea.
Subukan natin ang maaaring maganap na senaryo. Dahil sa kaguluhang likha ni Duterte – tulad ng kaguluhang likha ni Ninoy Aquino noong mga 1970 – nagdeklara ng martial law si Bongbong tulad ng ginawa ni Pangulo Ferdinand E. Marcos Sr. noon upang ikaniya’y: “To reform society and save the republic (Baguhin ang lipunan at iligtas ang republika.”
Ngayon na, Ginoong Pangulo, ang panahon upang punan ninyo ang sapatos ng iyong namayapang ama.
Yaman din lang at nakahiligan na ni Duterte na ihambing kayo sa inyong ama, sabi niya sa lahat ng bagay, pagbigyan. Pabayaan siyang manggulo. Hawak mo ang pulis at army, magdeklara ka ng martial law. At tulad ng ginawa ng iyong ama na ang administration ng martial law ay tumuon sa pagkalas ng Pilipinas sa pundiyo ng Amerika at pakikipagmabutihan sa sosyalistang daigdig, ibalik mo ang Pilipinas sa tapat at taimtim na pakikipagkaibigan na, kasama ka ng iyong ama, ipinundar ninyo sa China noon pang 1975.
Balik sa masasayang araw ng pagtatanim ng binhi ng sosyalismo sa Pilipinas – partikular, ang kuryente’t tubig ay pag-aari ng estado, sagana sa pagkain, maunlad ang infraistruktura’t mga industriya, may panibagong sigla ang mga mamamayan, masaya, may pag-asa sa nagandang buhay.