KAILANGANG linawin na ito. Hindi maaaring bumitaw ang China sa usapin ng kaunlaran ng Pilipinas nang hindi siya nagtatalusira sa atas ng kasaysayan. Sa pag-aaral natin sa diyalektiko at historikong materyalismo noon pang First Quarter Storm ay natutunan na natin na bagama’t ang pangunahing dahilan ng pag-unlad ng mga bagay ay ang mga panloob na katangian nito, kailangan pa rin ang mga panlabas na pwersang pansulong ng panloob na pag-unlad. Madalas tukuyin halimbawa ang itlog. Kaya ito nagiging sisiw dahil may panloob na katangian ito upang mapisa at maging manok na siya niyang pinanggalingan. Subalit kagaya ng alam nating lahat, ang itlog ay kailangan pa ring limliman ng inahen upang mapisa at maging sisiw. Sa kaso ng maramihang pagpisa ng mga itlog, isinasagawa ito ng init na likha ng elektrisidad.
Bukod sa panloob na katangian ng itlog na maging sisiw, kailangan ang panlabas na init upang ang itlog ay mapisa at maging sisiw. Kung wala ang ganitong proseso, mabubugok lang ang itlog.
Ang inahen ng bansang Pilipinas (wala pa man ng ganitong pangalan) ay nakapangitlog na ng mga estadong alipin na sa pagsimula ng kolonisasyong Kastila noong 1571 ay nakilala sa kalakhan ng kapuluan bilang mga barangay. Sa panahon ng kongkistador na si Miguel Lopez de Legaspi pinangalanan ang kapuluan bilang Las Islas Pilipinas (parangal sa hari noon ng Espanya na si Felipe II), at ang sumunod na mahigit 300 taon na kolonyang paghahari ng Espanya ay nagsilbing paglilimlim upang sa pagputak ng pag-aalsang industriyal sa Europa at sa ibinunga nitong pananagumpay ng mga burgis (bourgeois) sa Rebolusyong Pranses noong 1848, ang Pilipinas mahigop na muli sa bagong pandaigdigang sistema ng kabuhayan — ang kapitalismo. Ang mga encomienda ay ginawa ng mga prayle na mga asyenda na pagtatamnan ng hilaw na sangkap na pambusog sa mga kapitalistikong industriya ng Europa, halimbawa abaka, niyog, tubo at tabako. Hanggang sa paghalili naman ng mga Amerikano sa pangongolonya sa Pilipinas, ang bansa ay hindi umusad sa pagiging makabagong industriyal na lipunan kundi bilang turnilyo lamang sa pandaigdigang kapitalismo.
At sa kalagyang ito na ang konsentrasyon ng 99 porsiyento ng yaman ng lipunang Pilipino ay nasa kamay ng 1 p[prsiyento na bumubuo sa mga oligarko at kanilang mga kalahi, ang mga napisang itlog ng lipunang Pilipino ay hindi magiging mga matatapang na tandang at malulusog at mapangitlog na mga inahen kundi mananatiling mga sisiw lamang sa habang panahon.
Kahit anong pagsisikap ang gawin ng alinmang pamahalaan sa Pilipinas upang paunlarin ang bansa ay mananatiling bigo hangga’t ang kapangyarihang pangkabuhayan (economic power) ay nakaipon sa kamay ng kokonti. Sabi nga sa Marxismo, “Economic power begets political power, political power serves economic power (Ang kapangyarihan sa kabuhayan ay nagbubunga ng kapangyarihang pulitikal, ang kapangyarihang pulitikal ay nagsisilbi sa kapangyarihan sa kabuhayan).”
Oras na nahawakan na ang yaman ng lipunan, makokontrol na ang pamahalaan na walang gagawin kundi paunlarin na lamang nang todo-todo pa ang yaman ng mga oligarko.
Masdan na lamang si Ramon Ang. Oras na nasa kanya na ang San Miguel Corporation, madali nang nakipagkutsabahan sa mga kalahing oligarko upang ipatupad sa gobyerno ang privatization ng mga public utilities tulad ng kuryente, tubig at obras publicas. Bukod sa kontrol sa dalawang pangunahing expressway, magtatayo pa ng bagong airport sa Bulacan at magpapalaki pa sa NAIA. Ganun din ang mga biyayang tinatamasa sa gobyerno ng iba mga oligarko tulad ng mga Ayala, Pangilinan, Tan, atbp. Sinu-sino ba ang higit pang pinayaman ng desisyon ni namayapang presidente Fidel V. Ramos na ipagbili ang mga base militar ng Pilipinas tulad ng Bonifacio Golf Course, Clark Airbase,atbp.
“Political power serves economic power ‘’
Sobrang yaman na, mas pinayayaman pa.
Ang totoong resulta niyan ay sobrang hirap pa ng sambayanan. Sa huling bili ko ng bigas, P65 ang kilo. Ang kilo ng matang baka, dapat na isdang pangmahirap, ay P340; muntik na akong maistroke. Naisip ko tuloy, may kinaalaman kaya ito sa pagkakahirang kay Francisco Tiu Laurel Jr. bilang Agriculture secretary? Si Laurel kung turingan sa English ay fishing magnate, malaking mangingisda, at tuwing tutukuyin ang kanyang credential sa puwesto, walang ibang nababanggit kundi ang P30 milyon na kontrbusyon niya sa campaign fund ni Bongbong.
“Economic power begets political power, political power serves economic power.”
Dito dapat malagay ang panuntunan ng pagtulong at pakikipagkaibigan ng China sa Pilipinas. Walang iisang Pilipinas. Dapat itong kinikilala ng China. Ang Pilipinas ay binubuo ng magkakatunggaling uri. Sa kalagayan na hindi pa lutas ang tunggalian, imposibleng makipagkaibigan sa kapwa. Sa Pilipinas, kung sinsero, dakila at noble ang layunin mo sa sambayanan, kailangan yakapin mo ang kanilang mga paghihirap at mga adhikain. Hindi maaaring hindi mo tanggapin na ang kanilang paghihirap ay dulot ng mga oligarko na ang pagsasamantala sa sambayanan ay nakapangyayari sa pamamagitan ng umiiral na gobyerno. Ang pakikipagkaibigan sa gobyernong ito ay tiyak na pagkonsinti sa pagsasamantala ng mga oligarko sa sambayanang Pilipino. Kaya bang sikmurain ito ng China? Totoo, ang di-pakikialam sa mga panloob na gawain ng ibang bansa ay ideyal na kalakarang internasyunal, subalit ito ay nasasagkaan pa rin ng pag-iral ng isang makatarungang lipunan. Sa mga kalagayan na wala ang nasabing katarungan, tungkulin ng makatarungang bansa na tulungan ang aping sambayanan na wakasan ang kawalang hustisyang dulot ng mapang-api’t mapagsamantalang uri.
Bukod pa sa usaping ito ang mando ng kasaysayan na hindi maiiwasang dapat na binabalikat ng China. Bilang namumunong bansa na pumapasan sa bigat ng pangmundong paglalatag ng sosyalismo, tungkulin ng China na higupin sa paglahok sa kanyang kaunlaran ang mga bansang hikahos. Ayon sa mga pinakahuling mga datos, nasa dalawa-katlong bahagi na ng mundo ang inabot ng Belt and Road Initiative (BRI) ni Presidente Xi Jinping, ang pangunahing tagasulong ng pagtatatag ng (“world community of shared future for mankind”) pangmundong komunidad na may pinaghahatiang kinabukasan para sa sangkatauhan.
Malaking palaisipan para sa kolum na ito kung bakit kung ang mga biyaya ng “sosyalismo na may mga katangiang Chino” ay napakinabangan na sa Europa, Africa, Gitnang Silangan at Silangang Asya, bakit maging sa mga bansang Asean na dikit na sa China, bukod tanging ang Pilipinas ang di pa inaabot ng “community of shared future for mankind”?
Dahil ba sa litaw na litaw na kiling sa Amerika ng pamahalaang Bongbong Marcos Jr.? Naririyan nga ang problema ng relasyon ng Chino-Pilipino. Ang Pilipinas ay hindi lang pamahalaan. Mas importante, ang Pilipinas ay sambayanan. Dito masusukat ang katalinuhan ng China. Ayon sa huling mga balita, nahaharap sa nalalapit na economic sanction ang sambayanang Pilipino dulot ng tumataas na tensyon sa South China Sea. Sino ba ang gumawa ng tensyon, di ba ang gobyerno, partikular si Bongbong? Sa sanction na gagawin ng China sa Pilipinas, sino ang magpapasan ng hirap, sambayanan.
Bakit mo parurusahan ang sambayanang Pilipino sa kasalanan ng yudeputang pamahalaan