32.2 C
Manila
Sabado, Oktubre 12, 2024

Implan Danao: tulong ng kapulisan sa pamayanan

- Advertisement -
- Advertisement -

PATULOY na sumusubok ang Police Provincial Office (PPO) ng mga programa at proyekto na naglalayong higit pang mapagtibay ang ugnayan ng kapulisan at komunidad.

Sa mga ulat ng PPO sa Provincial Peace and Order Council (PPOC) ay binigyang-diin nito na mahalaga ang malakas at masiglang ugnayan ng Philippine National Police (PNP) sa mga mamamayan upang mas epektibong mapairal ang kaayusan at katahimikan sa isang lugar.  Malaking tulong din anila ito sa mabilis na pagresolba sa mga krimen, gayundin sa pagtugon sa mga problema kaugnay ng insurhensya.

Ayon kay Gracia Alvarez ng PPO Occidental Mindoro, ang pagpapatibay ng nasabing ugnayan ay isa sa mga dahilan kung bakit nabuo ang Implan Damayan Alay sa Nagkakaisang Adhikain ng Organisasyon (Danao).

Sinabi ni Alvarez na sa pamamagitan ng programa ay inaasahan na mas titibay ang kumpiyansa ng publiko sa kapulisan, matalakay ang mga isyu at problema ng komunidad tungkol sa kaayusan at katahimikan, at mailapit ang iba’t ibang programa sa barangay katuwang ang iba pang mga tanggapan sa PPO. Kabilang dito ang Police Community Affairs Development Unit, Police Operations Management Unit, Police Intelligence Unit at Provincial Investigation Detective and Management Unit.

“Nakakasama din namin sa Implan Danao ang ilang samahan gaya ng Officer’s Ladies Club na pinangungunahan ni Dinah Grace Danao, maybahay ni Provincial Director PCol. June Dexter Danao,” saad ni Alvarez.

Dagdag pa ni Alvarez, nakatutok ngayon ang Implan Danao sa paghahatid ng serbisyo sa mga Indigenous Peoples (IPs).

“Nagdadala kami ng food packs at iba pang puwedeng maibigay sa mga kapatid nating katutubo. May mga pagkakataon na nakakasama natin ang provincial at municipal health office para magsagawa naman ng medical mission,” ani Alvarez.

Prayoridad ng programa na maabot ang mga katutubo dahil tukoy na ng pamahalaan na nangangailangan ang mga ito ng interbensyon na mag-aangat sa kanilang kabuhayan.

Ayon sa Philippine Army ang sobrang kahirapan at ang ilang problema ng mga IPs sa kanilang lupaing ninuno ay ginagamit ng mga communist terrorist groups upang malinlang ang mga katutubo at makuha ang kanilang suporta.

Nagsimula ang Implan Danao noong Setyembre 2023 at nakapagbigay-serbisyo na sa mga komunidad ng mga IPs, kabilang ang Sitio Batoili ng Barangay (Monteclaro, Sitio Banban sa Barangay Nicolas, Magsaysay at Barangay Poypoy sa bayan ng Calintaan).

Patuloy na pinag-aaralan ng PPO kung aling komunidad ang kasunod nilang hahatiran ng tulong at umaasa na madadagdagan pa ang mga organisasyong nakakasama nila sa kanilang community outreach program. (VND/PIA Mimaropa – Occidental Mindoro)

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -