29 C
Manila
Martes, Enero 21, 2025

Ang giyera ng China na di kayang mapanalunan ng Amerika

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

INILALATAG natin ang Pilipinas bilang teranya ng labanan. Ang mga puwersang nagdidigma: Amerika at China. Sa aspetong militar, masasabing nakaaangat ang Amerika. Tatlong tratadong militar ang bumibigkis sa Estados Unidos at Pilipinas. Una, ang Mutual Defense Treaty (MDT) ng 1951, na nagtatakda na ang anumang pag-atake sa Pasipiko sa alinman sa Amerika o Pilipinas ay ituturing na pag-atake rin sa isa pa na kung kaya kailangang gumanting salakay din. Pangalawa, ang Visiting Forces Agreement (VFA) ng 1998, na nagtatakda ng mga alituntunin  kaugnay ng deployment ng kani-kaniyang mga puwersang militar sa kani-kaniyang larangan at gayundin ng mga pana-panahong magkasanib ng ehersisyong militar. At pangatlo, ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng 2014 na nagpapahintulot sa Amerika  na magdeploy ng mga sundalo’t mga kagamitang pandigma nang libre sa mga kampong militar ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, na sa ganung pagdeploy ay wala ni anumang pakialam ang mga awtoridad ng Pilipinas. Nitong nakaraang taon naging napakamaalingasngas ng pag-apruba ni Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa apat pang karagdagang baseng EDCA na pinakatutultulan ng China, dahil ang tatlo sa apat (2 sa Cagayan at 1 sa Isabela) ay lantaran nang nakaumang sa Mainland China, at ang isa sa Palawan ay puntirya ang mga abanteng base militar ng China sa South China Sea.

Ayon sa Chinese Foreign Ministry, panghahamon ng digmaan ang ginawa ni Bongbong at nakapagpapataas ng tensyon sa South China Sea.

Hindi ibig sabihin, takot ang China sa digmaan. Sa mga pag-aaral ng mga eksperto, ang Dong Feng 21 ng China ay kayang dumating sa Amerika sa loob lamang ng 25 minutos; taglay na ng China ang hypersonic missile na sa pag-amin sa isang pagdinig sa Senado ng Estados Unidos ng mga opisyales pandigma ng Amerika ay wala pa silang panangga.

Huwag tayong magkakamali, hindi takot ang China sa giyera. Subalit dahil nga alam ng China na napakamapamuksa ng mga abanteng sandatang nukleyar na hawak na nito, umiiwas itong mapilitang gamitin ang nasabing mga sandata.

Mulat na mulat ang China na sa digmaang nukleyar, walang wagi, lahat gapi.

Una pa muna, layunin ng Belt and Road Initiative (BRI) ni Presidente Xi Jinping na pagiging totoo ang pangarap ng pang-mundong komunidad na may pinagsasamahang kinabukasan para sa sangkatauhan. Taliwas sa pangarap na ito ang digmaan. Kaya sa hidwaan ng Pilipinas at China sa South China Sea, ang direksyon na tinatahak ng China ay ang tuloy-tuloy na dayalogo. Tanging sa ganitong paraan maaaring maiwasan ang pagsambulat ng tensyon upang sumiklab ang digmaan.

Mapupuri ang pagpipigil na ipinamalas ni Pangulo Marcos sa harap ng lumilitaw na mga panggigipit ng China Coast Guard (CCG) sa mga resupply mission ng Philippine Coast Guard sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal at sa mga mangingisdang Pilipino sa Scarborough Shoal.

Sa katunayan, ang mga gawing iyun ng CCG ay normal na pagpapatupad lamang ng mga batas pangkaragatan ng China, tulad din ng ginagawang pagpapatupad naman ng PCG ng mga batas pangkaragatan naman ng Pilipinas. Subalit sa maya’t-mayang pakikialam ng Estados Unidos ang mga dapat ay ligal lamang na pagpapatupad ng batas ay napasabog sa media na mga pananalakay na ng China, at partikular sa reaksyon ni US State Secretary Antony Blinken sa pasinag ng laser ng CCG sa PCG na tinawag niyang “act of war,” nanawagan siya na gamitin na ang MDT. Ibig sabihin, puwede nang digmain ng Estados Unidos ang China.

Dito pa lang, naisisiwalat na digmaan ang paraan ng laban na gustong-gustong tahakin ng Amerika upang isubo ang Pilipinas kontra China. Maging sa pangmundong saklaw ng hidwaang US-China, walang iba kundi giyera rin ang mapagpipilian ng US. Gupo na ang Amerika sa kabuhayan. Mismong sa China, baon na sa trilyo-trilyong dolyar na utang ang Amerikano. At ang dolyar ay itinakwil na ng BRICS bilang salapi sa pangmundong kalakalan kapalit ng yuan ng China.

Digmaan na lang talaga ang pag-asa ng US upang makaahon sa kanyang pagpupugak-pugak na makahinga pa sa panahong ito ngayon.

 

Sa pakikipag-agawan ng China sa US para sa simpatiya ng Pilipinas, malaking kamalian na tapatan niya ang Amerika ng giyera por giyera. Batayang prinsipyo sa Art of War ni Sun Tzu, upakan mo ang kaaway kung saan siya mahina. Oo nga, marahil taglay nga ng China ang superyoridad maging sa sandatang nukleyar, subalit hindi tayo 100 porsiyento tiyak sa bagay na ito. Napatunayan na ang katusuhan ng Amerika sa usaping ito. Walang kaalam-alam ang mundo na habang kandagulo ang mga Allies at Axis sa pagpatayan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sa Jornada del Muerto, isang ilang na disyerto sa New Mexico, isinasagawa ang Trinity Test, isang lihim na pagsubok para sa kauna-unahang bomba Atomika sa kasaysayan. Ito ang kinahinantungan ng Project Manhattan na pinamunuan ni Kenneth Bainbridge at kumain sa panahon mula Mayo-Hunyo, 1945. At noon ngang 5:30 ng madaling araw ng Hulyo 16, 1945, tagumpay ang pagpapasabog sa kauna-unahang bomba Atomika sa kasaysayan. Wika ni Bainbridge, “Naleche na tayong lahat.”

Sabi ko, iyon ang pagsilang ng edad na nukleyar. Ang Hapon na ayaw pa ring sumuko sa kabila ng utos ng Potsdam Declaration ng 1945, oras na sinabugan ng bomba Atomika magkasunod sa Hiroshima (Agosto 6, 1945) at Nagasaki (Agosto 9, 1945), nagtaas na ng bandilang puti. Nakapanindig balahibo ang mga kataga ng pagsuko na ipinahayag ni Emperor Hirohito sa radyo noong Agosto 15,1945: “…ang kaaway (Amerika) ay nagsimulang gumamit ng bago at napakalupit na bomba, na ang kapangyarihang makapangwasak ay, totoo nga, di masukat, umutas sa maraming inosenteng buhay. Kung patuloy tayong lalaban, hindi lamang ito magdudulot ng ultimong pagguho at pagpalis ng bansang Hapones, kundi tutungo rin ito sa ganap na paglaho ng sibilisasyon ng sangkatauhan.”

Sa anumang yugto sa kasaysayan ng mga giyerang pangmundo, walang nakaalam sa mga ultimong kilos ng Amerika. At wala pang digmaan ang nakatuntong sa mga dalampasigan ng kontinenteng Amerikano. Batayang mandamus ito ng Monroe Doctrine: hindi dapat makarating ang digmaan sa Amerika. Kaya bagama’t ang Estados Unidos ang may pinakamalaking bilang ng mga kampo militar sa daigdig at pinakamalalaki at pinakamaraming mga kagamitang pandigma, wala ni kapiranggot na giyera ang naranasan sa Amerika.

Hindi kaabahan para sa China na tanggapin ang katotohanang ito. Sa usapin ng tunggaliang militar, lamang sa kanya ang Amerika. Partikular sa utak ng mga Pilipino, nagawa na ng Amerika ang talunin ang China na wala ni isang putok.

Hindi ba natin napupuna ang mga maniobra ng Amerika? Samantalang si Presidente Bongbong Marcos ay pilit na nagpapakahinahon sa harap ng lumalalang tensyon sa South China Sea, ang mga alipures tulad ng mga Gibo Teodoro riyan at Jay Tarriela na mga vocadura  ng Amerika ay patuloy sa pagganyak sa mga PCG na huwag tigilan ang pakikipagbanggaan sa CCG – sa ngalan, Bigwas mangyari pa, ng pagtatanggol sa soberineya ng bansang Pilipino.

Giyera militar ang mabisang digmaan na kayang ipagwagi ng Amerika kaya naroroon lagi ang laro niya. Samakatwid, hindi dapat sa giyera militar ang laro ng China kung, sabi nga, ibig niyang manalo nang wala kahit isang putok. Ang dapat na laro niya ay sa larangan ng ekonomiya, kabuhayan ng masang Pilipino. Puwedeng tapatan sa kabuhayang usapin ang ginawa na ng Amerika sa usaping militar. Halimbawa, sa halip na Mutual Defense Treaty (MDT), Mutual Benefits Treaty (MBT); ang Visiting Forces Agreement (VFA) ay epektibong masasapawan ng Visiting Resources Agreement (VRA); at ang Enhanced Defense Cooperation Agreement ay tiyak na talbog sa Enhanced Lending Coverage Agreement (ELSA). Lahat ng inisyatibang ito na  gagawin ng China para sa kagalingang pangkabuhayan ng kalakhan ng kasalukuyang 110 milyon na Pilipino ay magagawang manyutralisa at kalaunan ay mahalinhan ang mga tratado militar na ipinantali ng Amerika sa Pilipinas sa kanyang pundiyo.

Sabi nga sa English, “easier said than done.” Mas madaling sabihin kaysa gawin.

Kaya sa susunod na kolum, tatalakayin natin ang kuskos balungos ng mga nasaad na inisyatiba.

 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -