BUKSAN ang kaisipan at maghanap ng alternatibong paggamot sa cancer.
Ito ang panawagan ni Sen. Robinhood “Robin” Padilla nitong Huwebes, Pebrero 22, 2024 sa mga doktor, alang-alang sa mga cancer patients na mahihirap na hindi makayanan ang gastos sa paggamot.
“Sana po magkaroon tayo ng mga alternative na paggamot sa treatment sa mga cancer patients, pain management, dahil sa ngayon talaga, hirap na hirap po ang ating mga kababayan pagdating sa medical treatment,” ani Padilla sa kanyang talumpati sa Philippine College of Radiology Convention sa Pasay City.
“Kaya po sana makahanap tayo ng paraan para magkaroon naman po ng pag-asa ang kababayan na di kayang bumili. Napakamahal ng gamot para sa cancer… Ang gobyerno, alam po ang datos, alam po kung papaano makakagawa ng paraan para magkaroon ng alternative treatment. Kaya lang po siyempre kailangan natin ng tulong ng mga doktor,” dagdag niya.
Isinusulong ni Padilla ang legalisasyon ng “compassionate use” ng medical cannabis (marijuana), kabilang ang para sa pain management.
Ayon sa mambabatas, panahon na para “buksan ang ating kaisipan, kung ano ang ginagawa ng mga First World countries pagdating sa cancer treatment at pain management at ibang klaseng sakit.”
Iginiit ni Padilla na napakalaking suliranin ang cancer lalo na’t dumadami ang mga cancer patient sa Pilipinas at sa buong mundo.
“Kawawa ang mga mahihirap na kababayan natin na walang kakayahan na magkaroon ng kung anong napapala ng may pera,” aniya.