PARA kay ekonomistang Ronilo Balbieran, ang paghina ng ulan dala ngayon ng El Niño ang pinakamalaking peligro sa bansa ngayong taon. Wika niya sa Mandaue Chamber of Commerce noong Pebrero 16: “Nakahudyat ang lahat ngayon.”
May di-mumunting 56 porsiyentong tsansa magkaroon ng pinakamatinding El Niño sa Pilipinas, ayon sa siyentipikong pagsusuring binanggit ni Propesor Balbieran.
Sa palagay ng mga awtoridad sa kalamidad, 41 lalawigan ang maapektuhan ng El Niño, bawas mula sa 50 unang estima. Ayon sa Presidential Communications Office sa Malakanyang, 17 lalawigan ang bawas sa ulan (dry conditions), 10 ang kapos sa ulan (dry spell), at 14 ang may tagtuyot o drought.
Bago pa man lumubha ang El Niño sa bansa, marapat isaisip na ng bawat Pilipino ang marapat nating gawin bilang sambayanan upang maiwasan ang labis na paghihirap at sakuna dala ng kakulangan o kawalan ng ulan.
Pagsubok sa Bagong Pilipinas
Bagaman di-hamak na mas nakatatakot ang pandemyang coronavirus disease 2019 o Covid-19, ang pambansang pagkilos o mobilisasyong ginawa noon ng administrasyong Duterte masasabing angkop din sa hamon ng El Niño ngayon.
Dapat magmasigasig ang mga ahensiya ng pamahalaan upang isulong ang pambansang pagtitipid ng tubig, pag-ayuda sa mahihirap, lalo na ang mga magsasaka, mga tindahang naglalakbay na mababa ang presyo, at maging ang mga tinaguriang “community pantry” o pag-aalay ng bigas, gulay at iba pang pangangailangan sa kalye.
Gaya noong pandemya, awat din muna ang labis na pamumulitika upang magkapit-bisig ang lahat, maging magkatunggali sa politika, upang maisulong ng buong bayan ang dapat gawin upang mabawasan ang hagupit ng El Niño sa sambayanan, lalo na ang mga komunidad na nahaharap sa pinakamalaking pinsala at pahirap.
Sa katunayan, paglaban sa kalamidad ng tagtuyot ang marapat maging pangunahing layunin sa ngayon ng kilusang Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Mas mahusay at tapat na pamahalaan ang layunin nito, pati ang mas maigting na pagkakaisa ng sambayanan para sa kaunlaran at kapakanan ng bansa.
Alin pa kayang pagkilos ang magpapamalas ng gayong mga hangarin ng Bagong Pilipinas higit sa mobilisasyon ng gobyerno, mga pangunahing sektor at madlang-bayan upang tulungan ang tatamaan ng El Niño at labanan ang mga pahirap na dala nito?
Kaya, mahal na Pangulo, gawin nating unang pagsulong ng Bagong Pilipinas ang pagsasanib at pagtulung-tulong ng lahat sa pangunguna ng mga pinunong bayan upang paghandaan at aksiyunan ang El Niño bago ito umabot sa kasukdulan at magbunsod ng kalamidad, lalo na ang mabagsik na tagtuyot at pagkukulang sa pagkain, lalo na sa 14 na lalawigang pinangangambahang magkaroon ng tagtuyot.
Kapos sa tubig, koryente, pagkain
Sa kabutihang palad, hindi pa kasagsagan ng mainit at tuyong panahon ngayong Pebrero, kaya may bahagyang panahon pa upang magdumali sa paghahanda. Subalit kakagat ang matinding init at tuyo sa Marso, madalas sa Mahal na Araw mula Marso 24 hanggang 30.
Malamang magkaroon ng pagkukulang o paghinto ng tubig sa mga lungsod, gayon din ng koryenteng galing sa mga hydroelectric dam. Humanda rin tayo sa malawakang pagkukulang ng patubig o mismong tagtuyot sa mga sakahan. Sa gayon, bababa ang ani ng palay at gulay na nangangailangan ng malakas na dilig ng tubig. Dahil dito, malamang tumaas na naman ang presyo ng pangunahing bilihin hindi lamang sa bansa, kundi sa pandaigdigang merkadong apektado rin ng El Niño.
Pinakakawawa malamang ang mga munting magsasakang umaasa sa sariling pananim para sa pagkain at hanapbuhay rin. Mas kaunti ang ani nila, samantalang nagmamahal ang maraming bilihin. May mga tulong ang pamahalaang pambansa at lokal o pamayanan, subalit baka hindi ito sumapat sa lahat ng lugar.
Dito mainam ipamalas ang nilalayong pagkakaisa ng Bagong Pilipinas nang walang pagkiling dahil sa politika, pamilya, pamayanan at padulas. Hindi malayong may mga ibig kasangkapanin ang mga programang ayuda sa El Niño upang makalamang sa politika, makalikom ng botante o makakupit ng pera, lalo pa’t may pambansang halalan sa Mayo ng taong susunod.
Marapat kontrahin ito ng mga pinuno ng Bagong Pilipinas, simula kay Pangulong Marcos at Pangalawang Pangulong Sara Duterte. Kung kapwa sila mangunguna sa mga programang tugon sa tagtuyot, gaya ng mga pamalit na pananim para sa magsasakang kapos sa tubig o pamamahagi ng ayuda sa mga kulang ang kita, magandang halimbawa ito sa buong pamunuan, lalo na sa panahong ito ng tumitinding girian sa politika dala ng pagtatalo tungkol sa pag-amyenda ng Saligang Batas.
Tama na muna ang mga tagisan sa politika. Gaya noong nagkaisa ang lahat laban sa Covid, magkapit-bisig tayo ngayon kontra El Niño.
Kung magawa natin ito, hindi lamang natin mababawasan ang pabigat at peligro ng kawalan ng tubig at pagtaas ng bilihin. Harinawa, makita rin ng lahat, lalo na ng mga politiko ang malaking halaga at kabutihan para sa bayan kung, gaya noong pandemya, magkakaisa ang lahat, anuman ang kulay-politika.
At matapos ang El Niño, mas lalakas ang ating bansa para sa iba pang hamon. Ang pinakamalaking peligro, siyang magbubunsod ng tunay na Bagong Pilipinas.