UNCLE, kumusta biyahe mo sa Singapore?
Naku, Juan, masaya naman. At ang dami kong nakilalang mga OFW dun.
O, talaga, Uncle? Ano naman ang balita tungkol sa kanila?
Yung nga ang gusto kong ikuwento sa yo. Kulang na kulang pa rin ang financial literacy ang ating mga kababayan. Kaya mahirap din talaga ang kalagayan nila.
Ayon sa survey ng Philippine Statistics Authority o PSA, meron tayong mga 1.96 million na OFWs nung 2023, mas mataas ng 7.6 na porsiyento kumpara sa 1.83 million nung 2022.
Kaya naman ang remittances na galing sa mga OFWs ay umabot na sa halagang $37.2 billion nitong 2023 o 3 porsiyentong mas mataas sa $36.1 billion nung 2022.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP, ang OFW remittances ay katumbas ng 8.5 porsiyento ng gross domestic product at 7.7 porsiyento ng gross national income ng ating bansa.
Ang pinakamahalagang dahilan kung bakit ang OFWs ay nagtitiis na lumayo sa kanilang pamilya ay para kumita ng mas malaki, makaipon ng mas mabilis at mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak.
Pero sabi sa huling survey ng OFWs na isinagawa ng PSA, ang bilang ng mga OFWs na nakakaipon mula sa kanilang kinikita ay nababawasan at bumabagsak mula pa noong 2009.
Sa tatlong taon ng Covid-19 pandemic, lumala ang ganitong situwasyon at 34.6 porsiyento na lang ng OFWs ang nakaipon sa pagtatapos ng 2022 mula sa mataas na antas na 53.1 porsiyento nung 2009.
Dahil sa masamang epekto ng pandemic sa pagtatrabo kung saan maraming kompanya ang nagsarado at nawalan ng trabaho ang Ilan, nadamay ang mga OFW na napilitang bumalik sa Pilipinas at nawalan ng income. Siyempre, ang remittances ay dumausdos din.
Sa datos ng BSP, bumaba ang savings at investments ng mga households sa unang taon ng pandemic. Mula sa P1.1 trillion na savings nung 2019, bumaba ito sa P983 billion nung 2020.
Sa 2021 survey ng 8,332 na bumalik na OFWs o returnees na isinagawa ng International Organization for Migration o IOM, malaki ang nawala sa mga OFW. Ayon sa mahigit na kalahating OFWs na sinurvey, labis sa 60 porsiyento ang nawala sa kanilang household income.
Sa mas bagong survey ng IOM nung 2023, napag-alaman nila na sa 1,244 returnees na sinurvey, 27.5 porsiyento ang nagbukas ng negosyo at 30.3 porsiyento ang nakapagtrabahong muli sa ating bayan. At karamihan sa mga nagnegosyo ay ginamit ang kanilang savings bilang kapital. Ang iba naman ay ginamit ang naipon nung nagta-trabaho pa sa pangaraw-araw na gastusin.
Sa aking pakikipagusap dito sa mga OFWs dito sa Singapore, marami pa rin sa kanila ang nahihirapang mag-ipon sa iba’t ibang dahilan.
- Hindi matapos ang utang. Sa dami ng gastos ng pamilyang naiwan, kulang pa rin daw ang kinikita para tustusan ang lahat.
- Maling akala ng pamilya. Marami sa kanila na nag-iisip na umaani ng ginto ang isang OFW at parang walang katapusan ang kinikita nito. Kaya madalas na ang naiwang pamilya ay wagas ang paggastos na parang “mayaman,” salamat na din sa social media kung saan nakikita ang gustong maranasan kahit hindi naman kaya. İsa pa dyan ang pagpapadala ng balikbayan box na ang akala ng marami ay madaling makabuo ng ilalagay sa isang box na hindi gagastos ng malaki para lang mapasaya ang pinapadalhan. Marami sa ating OFWs ang nagpaparamdam ng kanilang pagmamahal sa pamamagitan ng pagpupuno at pagpapadala ng balikbayan box. Ito ay napakalaking sakripisyo ng isang OFW na nauuwi sa pagkaubos ng ipon o di kaya’y nangungutang pa yung iba.
- Happy go lucky ang OFW at napapasama sa maling barkada. Karanıwan na tuwing Linggo, lumalabas ang OFW para mamasyal at makipagkuwenuhan sa kapwa nila. Wala namang maşama rito pero yung ilan ay hindi naiisip ang ginagastos pag lumalabas at ang peligro na puwedeng mawalan ng trabaho pag nagbago ang pinansyal na situwasyon ng amo o ang regulasyon ng bansang pinuntahan.
- Na-scam na rin sa mga naipadalang pera sa pamilya o sa ibang tao. Ito yung mga pangakong napako, katulad ng bahay na sabi’y pinapagawa pero hindi naman pala, ang negosyong sabi’y kikita pero fake pala, o ang inaasahang may naipon para sa pag-uwi pero nawala din.
- Wala silang alam kung paano ba mag-budget, mag-ipon at mag-invest. Ito ang sinasabi natin tungkol sa financial literacy. Maganda naman ang ginagawa ng kampanya ng BSP, ng Department of Migrant Workers, ng OWWA at iba pang mga institusyon para magturo at magdagdag-kaalaman tungkol sa mga bagay na pinansyal sa ating mga OFW. Pero kulang pa rin sa dami ng ating OFWs at kailangang paigtingin at palawakin para mas madami ang maabot.
Malaki ang hamon para sa pagtataguyod ng mga OFW na may matatag at malakas na pinansyal na pundasyon sa kanilang buhay.
Madalas nating sabihin na ang OFW ay mga modern day heroes ng ating bansa. Siguro nga dahil sa natutulong nilang remittances sa Pilipinas. Pero isang bahagi lang yun. Dapat siguro ibahin ang mindset natin tungkol sa OFW.
Puede kayang maging bayani muna sila sa kanilang mga sarili? Puede kayang pagbalik nila sa Pilipinas, ang unang tanong ay kung ano ang ginawa nila sa kanilang kinita na magbibigay ng tinatawag nating financial freedom sa kanila pagdating ng panahon na hindi na sila muling lalayo sa pamilya at sa pagtanda nila’y hindi sila magmumukhang kawawa at hindi sila aasa sa iba para mabuhay ng maayos?
Sa kuwentuhan namin, totoo na marami sa mga returnees din ang bumalik sa kahirapang iniwasan at inaasahang baguhin nung sila’y nangibang bansa. Pero marami din naman ang sadyang namayagpag at naabot ang pinakamimithing pangarap sa buhay.
Ano ba ang ginawa ng mga matatagumpay na OFW natin pagdating sa pinansyal na aspeto? Yan ang talakayin natin, Juan, sa susunod. Magiging proud ka sa kanila.