NANAWAGAN si Senador Win Gatchalian sa gobyerno na paigtingin ang mga hakbang upang makaiwas sa sunog sa gitna ng nararanasang El Niño sa bansa habang namimigay ng tulong sa mga nasunugan sa Puerto Princesa City. Ginugunita ng bansa tuwing Marso ang Fire Prevention Month.
“Dahil nagbibigay ang El Nino weather phenomenon ng karagdagang panganib na magkaroon ng mga insidente ng sunog, kailangan nating tulungan ang ating mga kababayan na magkaroon ng ibayong kaalaman sa paghahanda para mapigilan ang mga insidente ng sunog sa bansa,” ani Gatchalian.
Namahagi ang senador ng kabuuang 341 sako ng bigas, na nagkakahalaga ng P426,250, sa 682 pamilya na nasunugan sa Barangay Bagong Silangan at Barangay Pagkakaisa sa Puerto Princesa City. Ayon sa mga balita, pinalala ang sunog ng malakas na hangin lalo na’t magkakadikit ang mga bahay na yari sa light materials sa naturang mga barangay.
Personal na binisita rin ng senador ng evacuation center para makita niya ang kalagayan ng mga apektadong pamilya at masuri ang kabuuang sitwasyon.
“Hindi lamang ito simpleng tulong, ito’y isang pangakong kasama natin sa pag-ahon mula sa pagsubok. Naniniwala ako na ang bawat pamilyang tinutulungan natin ay magtatagumpay sa pagbangon, at sa kanilang tagumpay, lalong lalakas ang pundasyon ng ating mga komunidad,” ani Gatchalian.
Ayon sa mambabatas, ang anumang pinaigting na kampanya kontra sunog lalo na sa mga mahihirap na komunidad ay magbibigay-daan sa publiko para epektibong matugunan at maiwasan ang mga panganib gawa ng sunog.
Sinabi ni Gatchalian na kasama sa mga hakbang upang makaiwas sa sunog ay ang tamang paggamit ng LPG. Mahigit 50 porsiyento ng mga sambahayan ang umaasa sa LPG para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan sa pagluluto. Bilang punong may-akda ng LPG Industry Regulation Act, idiniin ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagtuturo sa mga mamimili tungkol sa wastong paghawak ng liquefied petroleum gas (LPG), na maaaring magdulot ng sunog kung hindi mapapangasiwaan nang tama.
Layon ng RA 11592 na punan ang mga regulatory gaps sa industriya, kabilang ang pagtiyak sa pag-alis ng mga hindi ligtas na tangke mula sa sirkulasyon upang maiwasan ang mga insidente ng sunog. Ginawang institusyonal din ng batas ang cylinder exchange at swapping program upang payagan ang mga mamimili na bumili sa anumang retail outlet ng LPG cylinder at i-swap ito sa kahit na anong brand ng tangke na nais na bilhin ng mamimili.