‘TRENDING’ sa social media ang isang resort sa Bohol hindi dahil sa taglay nitong ganda o primera klaseng serbisyo kundi dahil ito ay nasa gitna ng protektado at kauna-unahang Unesco Global Geopark sa Pilipinas — ang Chocolate Hills.
Marami ang bumatikos sa pamunuan ng Captain’s Peak Garden and Resort sa paglalagay nila ng resort na mayroong man-made swimming pool dahil ang mga burol na ito sa Bohol na nasa mahigit-kumulang 1,776 ay itinuturing na isa sa mga natural wonders of the world.
Matapos nga itong mag-’viral,’ kumilos ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ang resort na ito ay ipasara.
Nagbigay na rin ng pahayag ang pamunuan ng resort na nagpahayag ng kalungkutan dahil sa natatanggap na kritisismo at humihingi ng pagkakataon na makipagpulong para magkasundo na masolusyonan ang isyu para sa ikabubuti ng lahat.
“We at Captain’s Peak Garden and Resort Bohol are deeply saddened by the recent backlash and criticism surrounding our construction activities within the vicinity of the Chocolate Hills. We understand and respect the concerns raised by environmental advocates and members of the community regarding the preservation of this natural wonder.
“Furthermore, we are committed to engaging with stakeholders, including local communities and environmental organizations, to address concerns and find mutually beneficial solutions. We are open to constructive dialogue and welcome input from all parties involved,” ayon sa pahayag ng resort.
Ngunit bakit nga ba nakapagtayo ng resort ang may-ari nito?
Una sa lahat, ang kinatatayuan ng naturang resort ay isang pribadong pagmamay-ari. Nabili ni Edgar Buton ang tatlong ektaryang lupa na kinatatayuan ng resort kasama ang tatlong burol na nasa paligid nito taong 2005, ayon sa ulat ng Kapuso Mo Jessica Soho ng GMA News.
Ayon sa panayam kay Julieta Sablas, manager ng resort at kapatid ng may-ari, sinubukan nilang magtanim sa lupa upang ito ay mapakinabangan subalit, aniya, hindi mainam ang lupa dito na pagtaniman.
Taong 2018, aniya, nang maaprubahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Protected Area Management Bureau ang pagpapatayo sa lugar ng commercial area.
Nang sumunod na taon, 2019, nakakuha na sila ng business permit mula sa lokal na pamahalaan.
Pagkalipas pa ng ilang taon, taong 2022, naitayo na ang swimming pool.
Ngayong taon, nito lamang Pebrero 16-18, idinaos sa naturang resort ang Bohol Provincial Meet 2024 swimming competition.
Ngunit nauna rito noong Mayo 2023, idineklara ang mga Chocolate Hills ng Bohol na isang Unesco Global Geopark. Ito ang kauna-unahan at nag-iisa sa bansa, ayon sa listahan na nakapaskil sa website ng Unesco
Ngunit ang pagkilalang ito ng Unesco ay hindi lang ang tanging basehan para ipahinto ang operasyon ng resort.
Bago pa man nabili ni Buton ang lupain na kinatatayuan ng kaniyang resort at ng tatlong burol, may proklamasyon na ang Malakanyang ukol sa mga burol na nasa mga bayan ng Carmen, Batuan, Sagbayan, Bilar, Valencia at Sierra Bullones. Bukod pa rito, naisabatas na Republic Act 7586 noong 1992 kung saan isa ang Chocolate Hills sa National Integrated Protected Areas ng bansa.
Ayon sa Proclamation 1037 na nilagdaan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos noong Hulyo 1, 1997, ang 1776 na chocolate hills ay isang “natural monument” na kinakailangang protektahan at panatilihin ang natural nitong ganda.
“Upon recommendation of the Secretary of the Department of Environment and Natural Resources and pursuant to the powers vested in me by law, I, Fidel V. Ramos, President of the Philippines, do hereby set aside and reserve as Chocolate Hills Natural Monument, the one thousand seven hundred seventy six (1,776) chocolate hills, more or less and the areas within, around, and surrounding them located in the municipalities of Carmen, Batuan and Sagbayan, Bilar, Valencia and Sierra Bullones, Province of Bohol, to protect and maintain its natural beauty and to provide restraining mechanisms for inappropriate exploitation, subject to private rights, if there be any, and to the operation of previous proclamation reserving any portion thereof for specific purposes and for the implementation of tourism-related programs consistent with the objective of the proclamation as may be determined by the Secretary of Environment and Natural Resources…,” ayon sa proklamasyon.
Ngunit bago ang proklamasyong ito, may mga pribadong indibidwal na ang may hawak ng mga titulo sa mga lupang nakakasakop dito, kabilang na ang naunang may-ari ng loteng kinatitirikan ngayon ng Captain’s Peak Resort and Garden.
Magkaganunman, kailangan pa ring hingin ang pagsang-ayon at clearance mula sa DENR.
Ayon sa resort manager, naaprubahan naman ito. Binigyang-diin rin niyang wala silang ginibang burol.
Ngunit ayon sa DENR, kulang ito ng Environmental Compliance Certificate (ECC).
Ayon kay DENR Undersecretary Juan Miguel Cuna, nitong nakaraang Setyembre napag-alaman na wala itong ECC at nag-abiso na ang DENR at ipinatitigil na nito ang operasyon ng resort.
Nag-apply naman ng ECC ang resort kung kaya naman nag-request ang management na alisin na ang order ngunit hindi ito pinagbigyan ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) ng Bohol.
Nagtrending ang sa Captain’s Peak na nasa ibaba lamang ng mga burol pero hindi ang mga naunang naitayo sa mismong mga burol gaya ng Mountain resort sa Sagbayan din at View Deck na nasa bayan ng Carmen.
Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi ni Atty. Juan Miguel Cuna, DENR Undersecretary For Field Operations – Luzon, Visayas, and Environment, gumagawa na ng hakbang ang DENR upang solusyunan ang mga kaparehong sitwasyon kabilang na ang pagsusulong sa Kongreso na isabatas ang enforcement bureau ng kagawaran.
Pormal nang naghain ng resolusyon ang mga myembro ng Mababang Kapulungan kamakailan upang isagawa ang isang congressional inquiry kaugnay ng konstruksyon at operasyon ng Captain’s Peak Garden and Resort.
Binigyang-diin ng House Resolution (HR) 1652 bukod sa Proclamation 1037 na ang Chocolate Hills ay kabilang sa National Integrated Protected Areas System ayon sa Republic Act 7586. Sinasabi dito na bawal na sirain, baguhin, wasakin ang natural na ganda ng mga protected areas, gayundin bawal rin na magtayo ng kahit na anong istraktura, bakod, at pagnenegosyo sa lugar ng walang kaukulang permit.
Sa mga aerial shots na lumabas sa social media at telebisyon, ipinapakita dito na sa paligid ng mga burol ay mayroong swimming pool, slide, cottage at iba pang gusali bukod pa sa marami nang mga bahay na nasa kalapit na lugar.