26.4 C
Manila
Huwebes, Disyembre 5, 2024

Paano magsimula ng zero-waste lifestyle?

- Advertisement -
- Advertisement -

SA mundo na kung saan karamihan ng tao ay gumagamit ng single-use items, plastic packaging at containers, patuloy na nadaragdagan ang mga basura sa landfills na nakakasama sa kalikasan. Ngunit ang problemang ito ay maaaring masolusyunan sa pamamagitan ng sama-samang pagbabago at pag-aangkop tungo sa zero-waste lifestyle.

Ang zero-waste lifestyle ay isang paraan ng pamumuhay kung saan sinisikap ng isang tao na bawasan ang nagagawa o nakukuha niyang basura kada araw. Ang pangunahing layunin ng lifestyle na ito ay bawasan ang napupuntang mga basura sa landfills hangga’t maaari. Pagbawas ng mga hindi kailangan, muling paggamit ng mga bagay na maaari pang gamitin, at pag-recycle ng mga bagay na hindi na.

Ito ang responsable paggawa at pagkonsumo ng mga bagay kasama na ang packaging nito at iba pang materyales na ginamit sa paggawa nito na hindi nakasasama sa kalikasan.

Bakit nga ba kailangan magbawas ng basura o waste? 

Sa taong 2021, nakapagtala ang Metro Manila ng higit kumulang 11,000 toneladang basura na nakokolekta kada araw, at 6,000 toneladang lamang rito ang hindi napunta sa landfill o napakinabangan sa ibang bagay.

Ang landfills ay patuloy na lumalago kasabay ng pagdami ng basura, lalo na sa mga urban na lugar katulad ng Metro Manila.

Bagaman kasama sa cycle ang recycle, hindi ito ang mainam na solusyon sa kinakaharap na problema ng kapaligiran. Ayon sa mga eksperto, ang plastic ay nilikha para sa isahang paggamit. Siyam na porsiyento lamang nito ang maaaring i-recycle. Dagdag pa rito, ang plastic ay maaaring mabuhay ng hanggang 500 taon.

Bilang hindi recycling ang madalas na solusyon, importanteng isaalang-alang ang paraan na kaya natin kontrolin, ang pagbabawas ng basura o waste na ginagamit natin sa pang araw-araw.

Ang pagsisimula ng naturang pamumuhay na ito ay mistulang imposible sa gitna ng komunidad na nasanay sa plastic packaging, plastic na lalagyanan tulad ng supot, at ang laganap na pag-usbong ng mga kagamitan na maaari lamang gamitin ng isahang beses.

Bukod sa mga sariling pagsisikap, makakagawa lamang tayo ng makabuluhang pagbabago sa pamamagitan ng sama-samang pagtutulungan tungo sa ligtas na at malinis na kapaligiran.

Kuha mula sa EMB-NCR

Ano ang mga ambag ng ating gobyerno?

  1. Mga seminar at webinar tungkol sa tamang pangangasiwa ng basura

Ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pangunguna ng Environmental Management Bureau-National Capital Region ay patuloy na nagsasagawa ng seminars at webinars sa mga komunidad upang ipalaganap ang tamang pagtapon at pagbawas ng basura.

Kuha mula sa EMB-NCR

  1. Paglikha sa mga Regional Ecology Center

Para sa mas epektibo at maayos na implementasyon ng Republic Act No. 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000, lumikha rin ang nasabing ahensya ng Regional Ecology Centers (REC) na binubuo ng mga eksperto, kabataan, kababaihan at mga pambansang ahensya kagaya ng Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Health (DoH), at Philippine Information Agency (PIA).

(Kuha mula sa EMB-NCR)

  1. Pagsasagawa ng mga Clean-up Drive

Patuloy pa rin ang clean-up drives ng iba’t ibang ahensya ng bansa sa mga komunidad, lalo na sa mga lugar na malapit sa estero o anumang anyo ng tubig.

Ilang tips kung paano simulan ang zero-waste lifestyle

Narito ang ilang tips mula sa EMB-NCR kung paano sisimulan ang zero-waste lifestyle:

  • Magdala ng sariling supot o eco bag

Tuwing namimili sa mga malls o palengke, ugaliing magdala ng sariling supot o eco bag upang maiwasan ang paggamit ng plastic na supot.

  • Iwasang gumamit ng single-use items

Plastic straws, baso, plato at mga utensils na gawa sa styrofoam ang ilan sa mga halimbawa ng single-use items.

  • Bumili ng maramihan

Ang pagbili ng mga gamit ng maramihan ay hindi lang makakatipid sa iyong bulsa, kung hindi ito rin ay makakabawas sa mga maliliit na plastic packaging na nauuwi sa landfills.

  • Muling gamitin ang mayroon ka 

Iwasan ang pagbili ng mga bagong bagay kung mayroon ka naman nito. Maging malikhain at alamin kung paano pa magagamit ang mga bagay na hindi mo na kailangan.

  • Magdala ng sariling utensils at containers 

Magdala ng sariling lalagyanan at utensils kung kakain sa labas upang maiwasan ang paggamit ng single-use plastics kagaya ng baso, plato, kutsara at tinidor.

  • Magtipid ng tubig at kuryente

Mahalaga na ugaliing magtipid ng kuryente at tubig sa ating mga bahay, trabaho at eskwelahan upang hindi magsayang ng resources.

  • Iwasan magkaroon ng leftovers

Kapag kakain sa labas iwasan mag-order ng sobrang pagkain. Huwag hayaang magsayang ng pagkain.

  • Isulat at pag-aralan ang klase ng mga basura sa iyong bahay 

Suriin ang iyong mga basura upang malaman kung saan madalas nanggagaling ang mga ito. Ang pag-unawa ng iyong karaniwang basura ay makakatulong sa pagtuklas ng mga bagay na maaari o kailangan mo pang ayusing tungo sa zero-waste lifestyle.

Kuha mula sa EMB-NCR

Paano at saan maaaring magtapon ng e-waste? 

Ang e-waste ay mga lumang electrical appliances na naglalaman ng nakapipinsalang kemikal tulad ng lead at mercury. Ang tamang pagtapon nito ay hindi sa karaniwang basurahan. Ito ay itinatapon sa e-waste facilities.

Ang Metro Manila ay maroong dalawang e-waste facility na matatagpuan sa Barangay Dampalit, Malabon City at Bagong Silang, Caloocan City. Sila ay tumatanggap ng luma or sirang electrical appliances katulad ng cellphone, television, computer monitor, printer, scanner, mouse, keyboard, cables, orasan at iba pa. (JVD/PIA-NCR)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -