27.8 C
Manila
Biyernes, Setyembre 13, 2024

Huwag kaligtaan ng China: Hati ang Pilipinas

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

Katapusan ng dalawang bahagi

UULITIN natin. Hati ang lipunang Pilipino sa dalawang magkatunggaling uri: ang 1 porsiyento na naghaharing uri at ang 99 porsiyento na pinaghaharian, ang uring gumagawa. Walang nagbibigkis sa dalawa sa usapin ng kabansaan. Ang nasyonalidad ay totoo lamang sa mundo ng kung tawagin sa English ay superstructure. Ibig sabihin, istruktura labas sa tunay na daigdig na nagkakatotoo lamang sa isip.

Mismong ang salitang “Filipino” bilang turing sa mga mamamayan ng Pilipinas ay malaking pagkakamali kung pagbabatayan ang tunay na pinagmulan. Ang tawag na “Filipino” ay para sa mga purong Kastila na ipinanganak sa Pilipinas; sa mga katutubo, ang tawag ay “Indios”. Para kina Dr. Jose Rizal at mga kauring may kaya sa buhay at may pinag-aralan, ang turing ay “Los Indios Bravos.”

Ang 1 porsiyento na naghaharing uri at 99 porsiyento  na uring pinaghaharian ay binibigkis lamang ng kanilang ugnayan sa produksyon. Ang 1 porsiyento ang nagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon at dahil dito, may-ari din ng mga bunga ng produksyon, ang mga kalakal na ipinagbibili sa palengke. Ang 99  porsiyento ay nagkakasya na lamang sa maliit na pasweldo para sa kanyang paggawa – kasya lamang upang siya ay mabuhay at patuloy na magtrabaho araw-araw.

Bilang kapwa bahagi ng estado ng Pilipinas ang 1  porsiyento at 99 porsiyento, malaking paglilinaw ang kailangan. Ang estado ay tumutukoy sa lupain ng isang lipunan at sa sistema ng pulitikal na pamamahala rito. Sa usapin ng lupain, walang pagmamay-ari ang 99 porsiyento. Ganun din walang bahagi ang 99  porsiyento sa pulitikal na pamamahala ng lipunan. Sa kabuuan, ang estado sa Pilipinas ay tanging pagmamay-ari ng 1 porsiyento.


Dito ngayon nalalagay ang lumalalang away ng China at Pilipinas sa kanilang pag-aagawan ng teritoryo sa South China Sea. Sa pinakahuling insidente, halos nagkalasug-lasog na ang barkong de-kahoy ng Pilipinas bunga ng panganganyon ng tubig ng China Coast Guard (CCG). Nagkandasugat pa ang mga tripulante nito.

Sinisi ng China sa nangyari ang Pilipinas na aniya ay sumuway sa kanyang batas na kailangan ang pahintulot ng China sa paglakbay sa karagatan.

Nagbabala ang Tagapagsalita ng Ministriyong Panlabas ng China na humanda ang Pilipinas sa anumang masamang ibubunga ng patuloy nitong pagsuway sa mga pagbabawal ng China.

Maliwanag giyera na ang tinutumbok ng mga kataga ng Tagapagsalita. At ang patama ay sa kabuuan ng sambayanang Pilipino.

- Advertisement -

Subalit sino ba ang sumuway sa batas ng China, di ba ang Philippine Coast Guard (PCG)? At ano ang PCG kundi bahagi ng estado na tanging ang 1 porsiyento ng lipunang Pilipino ang nagmamay-ari. Bakit mo gigiyerahin ang 99  porsiyento ng sambayanang Pilipino bilang parusa sa kasalanan ng 1 porsiyento?

Sa bahagi naman ng 1 porsiyento, hinding-hindi sila sasang-ayon sa China, gaya ng ipinahayag na ng numero uno sa kanila na si Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.: “Sabi nila, kanila iyun. E, atin naman talaga iyun.” At lagi na, ang tindig dito ng pangulo ay ito, “I won’t give a square inch of Philippine territory to any foreign power “ Paulit-ulit ding ipinahayag ang mga kataga nina Kalihim Gilbert “Gibo” Teodoro ng Tanggulang Pambansa at Tagapagsalita Jay Tariella ng Philippine Coast Guard.

Kapuna-puna na iisa ang pinatutungkulan ng babala ng China hinggil sa malamang na pagsabog ng digmaang Chino-Pilipino: Pilipinas. Lumilitaw na wala ni katiting na pagsasa-alang-alang sa tunay na kalagayan na di tulad ng China na pinaghaharian na ng diktadura ng proletaryado,  ang Pilipinas ay kinukubabaw pa rin ng burgesya.

At itong napakakatiting lang na 1 porsiyento ng lipunang Pilipino – nangunguna na rito si Bongbong – ang, sa pang-uudyok ng Amerika, siyang tanging nag-iingay ng pakikipagdigma sa China.

Taka naman tayo na ang proletaryadong estadong Chino ay tahasang tutunggali sa ganung ingay. Ibig bang sabihin, handang pagdusahin ng China ang 99 porsiyentong lipunang Pilipino – ang proletaryadong Pilipino.

Sa diwa ng proleyaryadong internasyonalismo na dapat na pangunahing gabay ng China, ang proletaryadong Chino ay dapat na wala nang ipinagkaiba sa proletarydong Pilipino – kapatid sa lahat ng kataas-taasang pagturing.

- Advertisement -

Ganun pala, bakit mo didigmain ang sarili mong kapatid!

Ang marapat pa nga sa halip ay ibuhos mo na ang lahat na nasa iyong kapangyarihan na ibigay upang sa wakas ay makamit na ng proletaryadong Pilipino ang daan taon nang pangarap na paglaya.

Sa totoo lang, iyan ay hindi tulong na hinihingi sa China. Bilang namumunong nagbabandila ng sosyalismo sa daigdig, tungkulin ng China na palayain ang proletaryadong Pilipino.

Pero hindi,  at sa halip ay babantaan pa ng digmaan na suma tutal ay parusa sa kasalanan ng kaaway na burgesya.

O wasto ang pagtingin ng isang masugid na propagandista ng China: ang mga nagaganap sa South China Sea ay pawang bahagi ng psywar ng magkabilang panig?

Oo  nga naman. Sa pamantayan ni Sun Tzu, ang mga nagaganap ay taliwas sa mga batas ng giyera, halimbawa ang di pagbulgar ng mga plano.  Sa nangyayari ngayon, lantaran na ng kartada. Pakitang gilas ang Pilipinas sa pagpayag sa mga ehersisyong pandigma ng Amerika at mga alyadong Asyano at Europeo sa loob ng kanyang exclusive economic zone. Kontra pakitang gilas din ang China sa pagdeploy ng kanyang mga navy ship sa di-kalayuan ng pinagsasagawaan ng mga ehersisyong pandigma ng America’t mga kaalyado. Mga lantad na gawain na sa Art of War ni Sun Tzu ay di papasa.

Sabi ni Sun Tzu, “Hayaan mong ang iyong mga plano ay maging kasing dilim ng gabi. At sa sandaling kumilos ka, bumigwas na parang kulog.”

Sa pamantayang ito ni Sun Tzu, ang agarang giyerang  ipinahihiwatig ng lumalalang tensyon sa South China Sea ay hindi siyang mangyayari. Maaasahan lamang na ang dalawa ay magtataguan ng kanya-kanyang estratehiya’t taktika.

At sa bagay na ito maaaring masilip ang  malaking kalamangan ng China.

Maging sa kaso ng Taiwan o Pilipinas, ang paglahok ng Amerika sa giyera ay nakasalig sa pag-atake ng China. Kung hindi aatake ang China, walang giyera na mapapakialaman ang Amerika.

Subalit malungkot sabihin na ang usapin ay hindi kaso ng simpleng lohika. Ito ay kaso ng di-nagbabagong kasaysayan ng Estados Unidos sa paglikha ng mga false flag o mga gawa-gawang pag-atake na ibibintang sa kaaway na ibig digmain.

Hindi tayo magsasawang ulit-ulitin ang kasaysayang ito ng Estados Unidos: ang pagpapasabog sa sariling barkong USS Maine na nagpaalab sa damdamin ng mga Amerikano na siya na ring humingi ng digmaan kontra Espanya noong 1898; ang sinungaling na Gulf of Tonkin Incident noong 1964, pagpasabog diumano ng mga Vietcong sa mga barko ng Amerika na naging mabisang sangkalan upang ang Amerika ay makialam sa Vietnam War; ang 9/11 New York Twin Tower Crash na kumitil sa buhay ng mahigit 3000 mamamayan, na siyang kinalaunan ay ginawang katwiran ni George Bush upang digmain ang Iraq noong 2003; etc., etc., etc.

Diyos na mahabagin, anong false flag ang maaring likhain ng Amerika sa Pilipinas upang ibintang na gawa ng China at sa gayon ay magsilbing katwiran sa pakikialam ng Estados Unidos?

Kapuri-puri ang maliwanag na pagpipigil ng China na palalain ang tensyon sa South China Sea. Balintuna, ang lantaran nang pang-uudyok ng Amerika sa China na gumamit na ng militar na dahas.

Ayon sa plano, nagawa ng Amerika ang ibig sa mga giyera sa Ukraine at Palestine. Kasabay ng plano sa mga giyerang ito ay ang giyera sa South China Sea.

Taga sa panahon na unahan na ng China ang Amerika upang pigilan ito sa paglikha ng panibagong false flag na magpapasiklab ng digmaan sa South China Sea. Ang tagumpay ng China sa hamon na ito ang tiyak na daan tungo sa mapayapa, matiwasay at masaganang mundo sa habang panahon.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -