27.8 C
Manila
Biyernes, Setyembre 13, 2024

Ang ‘The Severino Reyes Medal Award’: bagong book award sa alaala ni Lola Basyang

- Advertisement -
- Advertisement -

KUNG may isang manunulat ng kuwentong pambata na kilala nating lahat, ito ay si Severino Reyes na gumamit ng sagisag-panulat na ‘Lola Basyang’ sa kanyang mga akda. Tinatayang may 400 kuwentong pambata na naisulat at nailathala ni Reyes sa mga pahina ng Liwayway magasin noong panahong naging patnugot siya nito. Siya ang nasa likod ng seksiyon na ‘Mga Kuwento ni Lola Basyang’ ng Liwayway. Kaya nakatutuwang malaman na may isang national award na ipinangalan sa kanya – ang The Severino Reyes Medal Severino Reyes Medal Parangal sa Pinakamahusay na Aklat Pambata. Ang award na ito ay itinataguyod ng International Board on Books for Young People (IBBY)-Philippines, ang national section ng IBBY, sa pakikipagtulungan ng National Library of the Philippines.

Ang mga ‘apo sa tuhod’ ni Severino Reyes, mas kilala bilang ‘Lola Basyang’: Cecille Medina, Ani Reyes, at Ms Villadelgado

Matagal nang napag-uusapan na sana’y magkaroon ng award patungkol sa aklat pambata’t pangkabataan (children and young adults) na mismong ang mga librarians ang mamimili. Sa Amerika, mula pa noong 1944, ay nandiyan na ang American Library Association (ALA) na nagbibigay ng ALA Notable Book award para sa mga aklat na pambata at young adult. Ito’y itinataguyod ng Association of Library Service to Children (ALSC), isang dibisyon ng ALA. Lahat ng manunulat ng aklat pambata’t pangkabataan ay nangangarap na mapabilang ang kanilang libro sa listahan ng mga pinipili nila taon-taon.  Prestihiyoso ang naturang award.

Kasama ni Dr Luis Gatmaitan sina Dolores Carungui (librarian), Joshene Bersales (editor/author), OMF Lit CEO Ed Trono, at Director Gilbert Adriano ng National Library of the Philippines.

Salamat at naisakatuparan ito sa Pilipinas sa pamamagitan ng IBBY-Philippines. Noong Abril 2, 2024, ginanap ang kauna-unahang The Severino Reyes Medal Severino Reyes Medal’ awards sa National Library of the Philippines bilang tampok na gawain sa pagdiriwang ng International Children’s Book Day na idinaraos sa buong daigdig tuwing ikalawa ng Abril (April 2). Ang award na ito ay ‘parangal para sa mga pinakamahusay na aklat pambata.’ Ayon kay Cesar Gilbert Adriano, Direktor ng National Library of the Philippines, “nakakatuwa na involved ang mga librarians sa pagpili ng mahuhusay na aklat pambatang nalathala. Siyempre, nakasuporta dito ang ating Pambansang Aklatan.”

Ang mga aklat na napili sa kauna-unahang The Severino Reyes Medal

Hindi madali ang pagpili ng librong pararangalan sapagkat napakaraming aklat pambata ang nalathala sa nakaraang sampung taon. Ten years daw kasi ang naging sakop ng mga nalathalang librong pagpipilian. Ang mga librarians ng ating bansa ang naging mga hurado. Kinailangang maki-partner ang IBBY-Philippines sa mga professional library organizations gaya ng Philippine Librarians Association Inc (PLAI), Philippine Association of School Librarians Inc (PASLI), at ang Association of Librarians in the Public Sector (ALPS) para sa award na ito. Alam naman natin na napakahalaga ng ginagampanang papel ng mga librarians sa pagtataguyod ng reading habit ng mga estudyante. Siyempre, nandiyan din ang suporta ng National Book Development Board (NBDB) at ang mga kaanak ni Severino Reyes.

Isa sa mga aklat na napili bilang Honor List sa Best Young Adult Book

Dumalo sa naturang award ang mga ‘apo sa tuhod’ (great grandchildren) ni Severino Reyes. Lahat sila ay may baong masayang kuwento na nagpapasa-pasa na sa ilang henerasyon ng kanilang angkan. ‘Lolo Binoy’ pala kung tawagin nila si Severino Reyes. “Hindi namin inakalang ganoon pala katindi ang iniwang impact ng mga akdang pambata (at mga zarzuela) ng aming Lolo Binoy,” ayon kay Cecille Medina, isa sa mga apo sa tuhod. “Biruin n’yo, naging pelikula pa ito, ipinalabas sa telebisyon at sa entablado.” Nandoon din sa awarding ceremonies ang dalawa pang apo sa tuhod ni Severino Reyes na sina Ani Reyes at Villadelgado.

Kasama ni Dr. Gatmaitan si Augie Rivera, awtor ng Adarna House, na nagwagi ng Best Picture Book para sa kanyang aklat na ‘Kalambing.’

Ipagpaumanhin ang pagbubuhat ng bangko. Nagagalak kasi ako sapagkat mapalad na nakasama sa Honor List ng ‘The Severino Reyes Medal’ ang aking young adult book na pinamagatang ‘Maselan ang tanong ng batang si Usman (The Tricky Question of Young Usman).’ Ang librong ito ay tumalakay sa naganap na Marawi Siege kung saan libo-libong tao, kasama na ang mga bata’t kabataan, ang nagbakwit tungo sa ligtas na lugar sa lungsod ng Iligan at Cagayan De Oro. Ang kuwento ay inilahad sa pananaw nina Noraida at Usman na kabilang sa mga batang Meranaw na nagbakwit noong giyera. Inilathala ito ng OMF Literature-Hiyas. Ang kuwentong ito ay dati ng nanalo ng Unang Gantimpala sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature sa kategoriyang kuwentong pambata. Ayon sa Publications Director ng OMF na si Joanna Nicolas-Na, ‘even as we celebrate the award the book received, we remember in prayer our fellow Filipinos in Marawi who are bravely rebuilding their lives.’

Naging reunion ng mga children’s book creators ang naturang awarding: Al Estrella, Eugene Evasco, Segundo Matias Jr., Xandra Padilla Ramos, Luis Gatmaitan, Augie Rivera, Danielle Florendo, at Jomike Tejido

May tig-lilimang aklat (o top 5 books) na pinili sa tatlong kategorya ng The Severino Reyes Medal: Picture Book category, Storybook category, at Young Adult category. Mula sa tig-lilimang aklat, may itinampok na winner. Ang natitirang apat ay awtomatikong kabilang sa Honor List ng naturang award. Ang Honor List ay maihahalintulad sa ‘runner-up’ ng bawat kategorya.

Heto ang listahan ng mga nagwaging aklat sa kauna-unahang The Severino Reyes Medal. Binigyan ng pagkilala ang tagapaglathala (publisher), ang awtor, at ang ilustrador ng isang partikular na aklat.

Kasama nina Gatmaitan at Rivera sina Rio Brigino-Lim at Maria Kristine Mandigma ng IBBY-Philippines na nagtaguyod sa The Severino Reyes Medal

Para sa Story Book  Category, ang nagwagi ay ang aklat na I like Wearing Rainbows na inilathala ng Center for Art, New Ventures, and Sustainable Development (o Canvas), kuwento ni Agay Llanera at guhit ni Lui Manaig. Kabilang sa Honor List  ang mga sumusunod: Bago na ang Dating Ako (The New Me), inilathala ng Johnny and Hansel Publications, sinulat ni Patrick Opena, guhit ni Hareol Noval Tero; Ang Bahay na Maraming Klasrum (The House with Many Classrooms), inilathala ng Johnny and Hansel Publications, kuwento ni Eugene Evasco, guhit ni Danielle Florendo; Moon Rising, inilathala ng CANVAS, kuwento ni Phoebe Ysabel De Leon, guhit ni Iggy Rodriguez; at Isla Esperanza, inilathala ng Chikiting Books ng Vibal Group, kuwento ni Eugene Evasco, guhit ni John Ronnel Popa.

Para sa Picture Book Category, ang nagwagi ay ang librong Kalambing na inilathala ng Adarna House, kuwento ni Augie Rivera, clay art ni Al Estrella. Kabilang sa Honor List ang mga sumusunod: Mamemi Mumu, inilathala ng Ilaw ng Tahanan Publishing, kuwento’t guhit ni Jomike Tejido; The Perfect Tree, inilathala at sinulat ni Gloria Concepcion Moralidad, guhit ni Danielle Florendo; Tides of the Sea, inilathala at sinulat ni Alanna Michelle Escudero, guhit ni Hazel Rosie Bayaras; at ang Si Tonyo at ang Sipit sa Kaniyang Sapatos, inilathala ng Johnny and Hansel Publications, kuwento ni Mary Grace Constantino Suplico, guhit ni Alexandro Maghari.

Ang mga apo ni Lola Basyang. Kasama ng tatlong ‘apo sa tuhod’ ni Severino Reyes ang mga children’s books and illustrators na sina Gatmaitan, Florendo, Matias, at Evasco

Para sa Young Adult Book Category, ang nagwagi ay ang nobelang Momoy Lulumboy: Ang Batang Aswang, inilathala ng Lampara Publishing House Inc, isinulat ni Segundo Matias Jr, guhit ni Jomike Tejido. Kabilang sa Honor List ang mga sumusunod na young adult books: Ang Larong Nagwakas sa Atin, inilathala ng Anvil Publishing, isinulat ni Fe Esperanza Trampe; At Home with Crazy, inilathala ng Milflores Publishing Inc, isinulat ni Katrina Martin, guhit ni Angela Taguiang; Maselan ang Tanong ng Batang si Usman (The Tricky Question of Young Usman), inilathala ng OMF Literature-Hiyas, isinulat ni Dr. Luis P. Gatmaitan, guhit ni Danielle Florendo; at ang Supremo, inilathala ng Adarna House, isinulat ni Xi Zuq, guhit ni Al Estrella.

Mainit na pagbati sa lahat ng nagwagi. Ikinagagalak kayong maging ‘apo’ ni Lola Basyang.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -