27.8 C
Manila
Biyernes, Setyembre 13, 2024

Pangandaman sa DoH: Ating solusyunan ang mga hadlang upang mapabilis ang paglabas ng benepisyo at allowances para sa ating mga health workers

- Advertisement -
- Advertisement -

HINIMOK ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Mina Pangandaman, ang Department of Health (DoH) na tugunan ang mga hadlang upang mapabilis ang pagpapalabas ng Public Health Emergency Benefits and Allowances (PHEBA) para sa mga healthcare workers na nagkakahalaga ng kabuuang P91.283 bilyon.

“Ang good news po natin, ang National Government po, sa kabuuan, nakapag-palabas na po ng P91.283 billion po para sa ating mga health emergency allowance, benefits and compensation. Ito po ay nagsimula noong 2021, noong nagkaroon po tayo ng pandemic, tapos last year po, ‘yung budget po natin ngayong 2024, nakapaglaan din po tayo ng P19 billion para dito,” pahayag ni Secretary Pangandaman.

 

Kung matatandaan, kasama sa inilabas na pondo para sa PHEBA ang P73.26 bilyon para sa Health Emergency Allowance (HEA)/One Covid-19 Allowance (OCA), P12.90 bilyon para sa Special Risk Allowance (SRA), P3.65 bilyon para sa Covid-19 Sickness and Death Compensation, at P1.47 bilyon para sa iba’t ibang benepisyo tulad ng meal, accommodation, at transportation allowance.

 

Binigyang-diin din ni Sec. Pangandaman na hindi pinipigilan ng gobyerno ang pagpapalabas ng budget para sa mga benepisyo at allowances ng mga healthcare workers.

 

“Alam n’yo po, lalo na po ngayon sa administrasyon po ng Pangulong Bongbong Marcos, ang utos po sa akin, ilabas ang budget. Wala naman po tayong reason para i-hold ‘yung budget dahil gusto po natin makarating ‘yan nang mas mabilis sa mga kababayan natin. So, day 1 po, day 1 ng taon, ni-release ko na ang pondo sa mga Departments,” ipinunto ni Secretary Pangandaman.

 

Inulit din ng Budget Secretary ang kanyang hiling sa DoH na tapusin na ang HEA mapping nito.

 

“Meron po tayong tinatawag na HEA mapping po sana. Para sana makita po natin ‘yung mga nabigyan at saka ‘di nabigyan, para mas madali po makita doon kung ano po ang magiging balanse natin,” sinabi ni Secretary Pangandaman.

 

Samantala, tiniyak niya na sakaling maging kulang ang budget ng DoH upang masakop ang lahat ng hindi pa nababayarang HEA claims, tutulong ang DBM sa paghahanap ng mga mapagkukunan ng pondo, tulad ng paggamit sa ng unprogrammed appropriations sa ilalim ng 2024 national budget, na ilalabas kapag may karagdagang kita, at ang alokasyon ng kinakailangang pondo para sa parehong layunin sa proposed 2025 national budget.

 

“Pinapangako po namin, dahil utos po ito ng ating Pangulo, na kung sakaling magkulang po, may source po tayo, ‘yung unprogrammed (appropriations). Kung magkulang din po ‘yan, anyway po, we’re doing the 2025 budget preparations now. If we get the exact amount po, hopefully po mailagay po namin lahat sa NEP po—National Expenditure Program—the President’s Budget for 2025,” pagbibigay-diin ni Secretary Pangandaman.

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -