30.2 C
Manila
Linggo, Setyembre 15, 2024

Cold storage facilities, makatutulong para mapatatag ang presyo ng agri products sa Occidental Mindoro

- Advertisement -
- Advertisement -

SAN JOSE, Occidental Mindoro — Malaki  ang maitutulong ng mga cold storage unit upang pigilan ang sobrang pagtaas at pagbaba ng presyo ng mga produktong agrikultura sa lalawigan at sa buong bansa, ayon mismo kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sa kanyang pagbisita sa bayan ng San Jose nitong Martes, Abril 23, pinangunahan ni PBBM ang town hall meeting na dinaluhan ng mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan. Ipinaliwanag dito na sa pamamagitan ng mga storage facilities ay mapipigilan ang pagkalugi ng mga magsasaka dulot ng pagbagsak ng presyo kapag sobra ang ani. Upang maiwasan aniya ang ganitong senaryo, ilalagak muna ang mga inani sa cold storage, aantaying maging normal ang supply ng produkto, at saka dahan-dahang ilabas sa merkado.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na sa kasalukuyan ay ginagawa ang dalawang cold storage facilities sa bayan ng San Jose at Magsaysay. Kaya umanong ilagak sa bawat isang pasilidad ang 1,400 tonelada ng sibuyas na isa sa mga pangunahing produkto ng lalawigan. “Sa 2025, magdadagdag pa tayo ng limang cold storage facilities,” saad pa ng Kalihim.

Masaya namang ibinahagi ni PBBM ang plano ng administrasyon na bumili ng mga solar-powered cold storage facilities. Ayon sa Pangulo, higit na kailangan ng probinsya ang ganitong pasilidad dahil na rin sa kasalukuyang problema ng lalawigan sa kuryente, partikular ang mataas na singil nito. “Sa pamamagitan ng tanggapan ng Pangulo, target ng DA na bumili ng 600 solar-powered cold storage na ipagkakaloob ang pangangalaga sa mga kooperatiba,” ayon naman kay Sec. Laurel.

Sinabi din ni Pangulong Marcos na ang nararanasang pagbagsak ng presyo sa sibuyas at palay ay hindi lamang problema sa Occidental Mindoro. Maging sa ibang lalawigan, aniya, nabubulok ang mga inaning gulay dahil sa over-production at malulutas ang ganitong problema sa pamamagitan ng cold storage facilities.

Samantala, ibinahagi rin ni Sec. Laurel na plano ng pamahalaan na magtayo ng malaking Kadiwa Center sa Metro Manila na maaaring gawing bagsakan ng mga produkto ng mga magsasaka mula sa lalawigan at hindi na dadaan sa mga traders. Aniya, ang gagastusin na lang ng mga magsasaka ay ang pagluluwas ng kanilang ani na isa-subsidize naman ng gobyerno upang mas malaki ang maging kita ng mga ito. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)

Larawan mula sa Presidential Communications Office

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -