DUPAX DEL NORTE, Nueva Vizcaya — Dumalo si Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte sa Lechon Festival ng Dupax del Norte nitong Abril 23, isa sa mga patok na bahagi ng Ika-293rd Founding Anniversary celebration ng bayan.
Ikinagalak ito ng buong bayan ng Dupax del Norte sa pamumuno ni Mayor Timothy Cayton at Vice Mayor Victorino Prado, mga SB members at Vice Governor Eufemia Dacayo dahil si VP Duterte pa lamang ang bumisita sa bayan bilang pangalawang pangulo ng bansa.
Ang Lechon Festival ay sinalihan ng 15 barangay ng bayan, mga civil society organizations at mga national government at LGU agencies ng bayan kung saan 87 na lechong baboy ang pinagtulungang lutuin ng mga sumaling mamamayan.
Pinangunahan ni VP Duterte ang pagbibigay ng premyo sa mga nanalong tatlong pinakamasarap na lechon mula sa Rural Improvement Club na siyang napiling tumanggap ng First Prize, Josean Gait Cooperative na siyang pangalawang nanalo at ang Barangay Macabenga na pangatlong nanalo.
Sa mensahe nito, pinuri ni VP Duterte ang Bayan ng Dupax del Norte dahil sa pagsasagawa nito ng Lechon Festival bilang bahagi ng pagdiriwang ng piyesta ng bayan.
Ayon kay VP Duterte, mahalaga ang pagsasagawa ng mga festival dahil dito naipapakita at napapanatili ang kultura, pagsasama-sama at pagtutulungan ng mga opisyal at mga mamamayan tungo sa pag-unlad ng bayan.
Nagpasalamat din ito sa taumbayan dahil sa buong suporta ibinigay nila sa pamumuno ni dating Presidente Rodrigo Duterte at sa kanyang pagkapanalo at pagsisilbi bilang vice president at education secretary sa bansa. (OTB/BME/PIA Nueva Vizcaya)