BINIGYAN ng tulong pinansyal ng National Housing Authority (NHA) ang nasa 373 pamilyang nasunugan sa lungsod ng Puerto Princesa kamakailan.
Ang nasabing tulong pinansyal ay sa pamamagitan ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng NHA kung saan ang pagkakaloob nito ay pinangunahan nina House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, NHA regional director Roderick Ibañez, OIC district officer Maximo Cabasal, at si Arianne Tampoy ng opisina ng Palawan.
Sa mensahe ni Ibañez, pinaalalahanan nito ang mga benepisyaryo na gamitin sa maayos na pamamaraan ang biyayang naibigay sa mga ito. Aniya, maliit na halaga man ito ngunit makakatulong ito sa pangangailangan ng mga nabiktima ng sunog.
“Ang bawat isa po sa inyo ay makakatanggap ng P10,000, ito po ay maliit na halaga ngunit makakatulong po ito sa inyong mga pangangailangan. Gamitin po ninyo ang biyayang inyong natanggap sa tamang pamamaraan,” pahayag ni Ibañez.
Dagdag pa ni Ibañez na ang tulong pinansyal na ibinigay ng NHA ay maaaring gamitin ng mga benepisyaryo na pambili ng mga materyales para sa kanilang pagpapatayo o pagsasaayos ng kanilang mga tahanan at kung kanila na itong nagawa at nagkaroon sila ng utang dahil dito ay maaari ring gamiting pambayad ng utang at maging sa anumang pangangailangan.
Ipinaliwanag din ni Ibañez na ang EHAP ay matagal nang ginagawa ng NHA at sa bagong administrasiyon sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr. ay patuloy itong pinaiigting at pinalalakas upang makaserbisyo pa sa mga nangangailangan.
“Nais po naming magpasalamat sa inyong lahat, sapagkat patuloy po naming nagagampanan ang aming tungkulin…ang amin pong mandato na magserbisyo po sa inyong lahat,” panghuling payahag ni Ibañez. (OCJ/PIA MIMAROPA – Palawan)