NAGKAROON ng bagong pag-asa ang mahigit 1,000 Bulakeñong tinamaan ng matinding baha nang dumating ang napapanahong tulong sa kanilang lugar.
“Sa pandaragat ko po, hindi naman po araw-araw ang kita. Minsan tatlo o apat na beses sa isang linggo lang ang huli,” wika ni Hermano Santos, isang mangingisda na biktima ng insidente.
“May mga estudyante ako, kailangan talaga magsipag. Ngunit salamat kina Senator Alan Peter at Pia Cayetano, magagamit po ito [livelihood assistance] sa pangkabuhayan. Dagdag pambaon din po ito ng bunso ko,” dagdag pa niya.
Noong April 23, 2024, bumisita ang mga tanggapan nina Senador Alan Peter at Pia Cayetano sa Hagonoy, Bulacan para magbigay ng tulong sa mga residente na magagamit nila upang makabangon sa baha.
Ibinahagi ni Michelle Perez Santos, isang labandera, ang mga hamon na kanyang kinahaharap sa pang-araw araw na buhay.
“Sa paglalabandera, mahirap po, ang sakit sa balakang. Tapos, minsan kapos, gawa po na mahal ang bilihin. Sapat lang po talaga, minsan nga po hindi pa,” wika niya.
“Kaya salamat po talaga sa biyayang ibinigay,” dagdag niya.
Upang matiyak na makakarating ang tulong sa mga Bulakeño, nakipagtulungan ang magkapatid na senador sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Layunin ng AICS na magbigay ng kinakailangang tulong sa mga indibidwal na nahaharap sa mahihirap na sitwasyon, tulad ng nakapipinsalang baha, upang mas mapibilis ang kanilang pagbangon.
Naging matagumpay ang pag-aabot ng tulong dahil sa aktibong suporta at partisipasyon nila Vice Mayor Ma. Rosario Sy-Alvarado at Councilor Dalisay Baby Ople-San Juan.
Bukod sa 1,000 natulungan, may karagdagang 500 katao ang nakatakdang tumanggap ng tulong mula sa mga opisina ng magkapatid na senador.
Muling nagkakaroon ng pagpapaabot ng napapanahong suporta sa mga Bulakeño na ginawa nitong April 19, 2024 upang makabangon ang komunidad sa nagdaang baha.