NAIS ni Senador Win Gatchalian na imbestigahan ang dumaraming presensya ng mga dayuhan sa mga upscale gated subdivision na pinaghihinalaang nagtatrabaho para sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), na ngayon ay tinatawag nang Internet Gaming Licensees (IGLs).
“Ito ay isang bagay na hindi dapat ipagsawalang-bahala. Kailangan nating tiyakin na ang anumang malaking pagtitipon ng mga dayuhan ay hindi para sa pagsali sa mga iligal na aktibidad dahil sa tumataas na kriminalidad na iniuugnay sa mga indibidwal na ito na sangkot sa industriya ng POGO,” sabi ni Gatchalian.
Partikular na tinukoy ng chairperson ng Senate Committee on Ways and Means ang mga patuloy na pag-aalala ng mga homeowners sa Multinational Village sa Paranaque City dahil sa dumaraming bilang ng mga dayuhang naninirahan ngayon sa kanilang subdibisyon. Sinasabi ng mga residente na ang isang enclave sa loob ng subdivision na nagtatampok ng mga Chinese restaurants at spa salon ay eksklusibo para sa nasabing mga dayuhan.
“Nakakabahala na maaaring mga pugante na galing sa ibang bansa ang mga nakatira sa mga subdivision na ito. Alam nila kung paano gumalaw at kung sino ang kakausapin dahil pinag-aaralan ng mga sindikatong ito ang galawan dito. Malakas ang loob nila dahil meron silang koneksyon at nakakakuha sila ng proteksyon mula sa mga matataas na opisyal sa bansa,” diin ng senador.
Ayon kay Gatchalian, nakakabahala rin ang isinagawang raid noong Nobyembre 2023 ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang tirahan sa Ayala Alabang Village, na nagresulta sa pagkakaaresto sa 11 na Chinese national dahil sa pagsasagawa umano ng illegal online gambling activities. Nakumpiska sa raid ang isang hindi lisensyadong .45-caliber pistol na may magazine at anim na round, isang 9mm pistol na may magazine, isang switchblade knife, at mga gambling paraphernalia.
Si Gatchalian ay nagsusulong para sa pagpapatalsik sa mga POGO sa bansa, na sinasabi na ang mga social cost sa pagpapahintulot sa kanila na magpatuloy sa mga operasyon sa bansa ay higit na mas malaki kaysa sa anumang kita sa ekonomiya mula sa industriya.