MULING binigyang-diin ng pamahalaan ang mandato nito na tiyakin na pinangangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawa kasunod ng paglagda sa Memorandum of Understanding (MoU) para sa pagtatatag ng rehabilitation center para sa mga manggagawang naaksidente sa lugar-paggawa.
Ang kasunduan ay nilagdaan nina Department of Labor and Employment Secretary Bienvenido Laguesma, Department of Environment and Natural Resources Secretary Ma. Antonia Yulo-Loyzaga, Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr., Department of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan, Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Rizalino Acuzar, at Tanay Mayor Rafael Tanjuatco.
Kapag naitayo na sa Barangay Cuyambay, Tanay, Rizal, ang Workers Rehab Center Complex (WRCC) ang magiging kauna-unahang rehabilitation center na magbibigay ng komprehensibong pamamahala sa rehabilitasyon ng mga manggagawang naaksidente sa trabaho.
Sa kanyang pambungad na pananalita, sinabi ni Labor Undersecretary Benjo Santos Benavidez, na naging saksi sa paglalagada, na tutuparin ng WRCC ang dating plano na mabigyan ang mga manggagawang naaksidente sa trabaho ng bagong pag-asa at oportunidad na maging aktibong tagapag-ambag sa ekonomiya at lipunan.
Para kay Pangulong Marcos Jr., isang tagumpay ang proyekto ng Employees Compensation Commission (ECC) na 50-ektaryang WRCC na “magiging santuwaryo at lugar ng rehabilitasyon para sa ating mga manggagawa at sundalo na naaksidente sa trabaho.”
Kasama sa pasilidad ang mga serbisyo, tulad ng medical rehabilitation, physiotherapy, occupational therapy, sensory therapy, work hardening, industrial rehabilitation, prosthetic at orthotics, neuro-robotics at cybernetics, vocational rehabilitation, reskilling, upskilling, at pangkabuhayan.
Bahagi din ng plano ang pagtatayo ng hostel, transportation hub, sports arena, dispensary, training center, convention hall, at proyektong pabahay sa ilalim ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), agritourism center, pineapple plantation area, botanical garden, at commercial complex.
Ang pasilidad ay pag-aari ng Employees Compensation Commission (ECC), isang ahensya sa ilalim ng DoLE, na ang mandato ay magbigay ng kompensasyon at tulong sa mga PWRD sa publiko at pribadong sektor. IPS