IBINALITA ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa sa kanyang Facebook page ang magagandang nangyari sa Senado nitong Lunes, Mayo 6, 2024.
Nakibahagi si Sen. Bato sa isinagawang consultative meeting ng Senate Committee on Justice and Human Rights, sa pangunguna ni Chairman Francis “Tol” Tolentino, para talakayin ang SBN 2646 na inihain ni Sen. Sonny Angara upang mapagkalooban ng Filipino citizenship si Bennie Francois Boatwright 3rd na inaasahang lalong magpapalakas sa Gilas Pilipinas national men’s basketball team.
Kabilang din sa nasabing pagpupulong ay ang mga kinatawan mula sa mga ahensya ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Immigration (BI), Bureau of Investigation (NBI), Philippine Statistics Authority (PSA), Department of Foreign Affairs (DFA) at Office of the Solicitor General (OSG).
Bukod dito, ilang mahahalagang panukala ang ipinasa ng Senado sa ikatlong pagbasa nitong Lunes kabilang na ang pagtatatag ng regional trial courts sa ilang lugar tulad ng Muntinlupa, Cavite, Zamboanga, Bukidnon, Leyte, Los Banos, Laguna at Davao.
Pinag-usapan din sa nasabing sesyon ang kamakailang water cannon attack sa WPS at panawagang imbestigasyon sa ‘di umano’y gentleman’s agreement sa pagitan ng nakaraang administrasyon at ng Tsina, pagtugon sa kawalan ng anti-venom vaccines laban sa kamandag ng kagat ng ahas, ang Blue Economy Act na magsisilbing pamantayan sa lalong pagpapaunlad ng mga likas na yaman sa karagatan at ang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee sa naiulat na sabwatan ng Bell-Kenz Pharma at ilang mga doktor sa pagrereseta ng gamot.