29.5 C
Manila
Lunes, Setyembre 16, 2024

Gatchalian nanawagan na maging alerto laban sa mga insidente ng sunog sa gitna ng mainit na panahon

- Advertisement -
- Advertisement -

NANAWAGAN si Senador Win Gatchalian sa mga local government units at kanilang mga komunidad na maging mapagmatyag at laging handa upang maiwasan ang mga insidente ng sunog sa gitna ng mainit na kondisyon ng panahon dahil sa El Niño phenomenon.

Larawan kuha ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

Ginawa ng senador ang pahayag sa gitna ng relief operations ngayong araw sa apat na komunidad sa Metro Manila na naapektuhan kamakailan ng sunog.

“Kailangan nating bigyan ng lahat ng klase ng suporta ang ating mga komunidad at LGUs upang maging mas mapagmatyag sila at alerto para sa kanilang proteksyon mula sa mga insidente ng sunog at maiwasan ang pinsala sa kanilang mga ari-arian. Ang mga LGU ay may kritikal na papel sa kampanyang ito,” sabi ni Gatchalian.

Binigyang-diin niya na hindi dapat ipagsawalang bahala ng publiko ang babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa posibilidad ng mas mainit na panahon ngayong buwan.

“Hindi dapat tayo maging kampante. Dapat tuloy-tuloy ang ating paghahanda para maiwasan ang mga sunog sa ating lugar,” aniya.

Namahagi si Gatchaluan ng sako-sakong bigas sa Isla F. Manalo, Barangay Batis, San Juan, kung saan 194 na pamilya ang nawalan ng tirahan dahil sa sunog na sumiklab noong Abril 16.

Namahagi din siya ng bigas sa 662 pamilya sa Barangay 105, Tondo, Maynila na naapektuhan ng sunog noong Marso 22, na tumupok sa humigit-kumulang 140 na bahay. Sa kalapit na Barangay 107, sa Tondo din, namahagi si Gatchalian ng bigas sa humigit-kumulang 66 na pamilyang naapektuhan ng isa pang sunog dalawang araw lamang matapos ang sunog sa Barangay 105 noong Marso 24.

Isang hiwalay na relief operation ang pinangunahan din ni Gatchalian sa Barangay Elias Adarna sa Las Piñas City para sa 200 pamilyang naapektuhan ng insidente ng sunog noong Marso 5.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -