“SASALI ka ba sa Palanca?” Ito ang karaniwang tanong ng isang manunulat sa kanyang kapwa manunulat kapag nalalapit na ang deadline ng literary competition na ito.
Ganito naman ang pabirong tugon ng isa kong masisteng kaibigang manunulat, “Kapag nanalo ako sa Palanca, sumali ako! Kapag hindi ako nanalo, hindi ako sumali.” Kabuntot nito siyempre ang tawanan.
Dati-rati, katapusan ng Abril ang deadline sa pagsali sa taunang Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, ang pinakaprestiyosong paligsahang pampanitikan sa bansa na itinataguyod ng Carlos Palanca Foundation. Inihahalintulad ito sa Pulitzer Prize ng Amerika. Natatandaan ko pa na noong una akong sumali sa contest na ito, nagkukumahog akong matapos ang aking akda (kuwentong pambata man ito o sanaysay) sa gitna ng mainit na panahon. Kailangang matapos agad dahil ipapa-notaryo pa ang entry form at ire-reproduce ng apat na kopya ang lahok na piyesa.
Noon, kapag nalalapit na ang Abril 30, hindi mo na rin mahahagilap ang maraming manunulat. Kasi nga ay pilit na tinatapos nila ang kanilang mga akda upang makahabol sa itinakdang deadline. Sakit na rin ng maraming manunulat na sa pinakahuling araw nagsusumite ng lahok. Dahil dito, ang opisina ng Palanca Awards Foundation sa Makati ay naghahanda pa noon ng kape/tsaa, tinapay, biskuwit, at iba pang pagkain sa huling araw ng Abril dahil dumadagsa ang maraming manunulat na humahabol sa contest. Eksaktong alas-dose ng gabi ng Abril 30 ay nagsasara ang deadline. Nagkikita-kita tuloy noon sa Palanca office ang mga manunulat na nagsa-submit ng entry. Nagkakaalaman na rin kung sino-sino ang mga sumali sa iba’t ibang kategorya. Kung ayaw mong malaman ng iba na sumali ka sa Palanca Awards, iwasang magsumite ng lahok sa pinakahuling araw (deadline). Noon ‘yun na hindi pa nauuso ang online submission ng mga entries. Ngayon ay puro online submission na ang ginagawa.
Pero nitong mga nagdaang taon, nagkaroon na ng bagong deadline ang pagsusumite ng mga lahok sa iba’t ibang kategorya ng naturang awards. Naging katapusan na ito ng Mayo (Mayo 31). Kaya habang papalapit na ang katapusan ng buwang ito, asahan nang abalang-abala ang mga manunulat natin na nais makasungkit ng Palanca sa unang pagkakataon. O kung dati nang tumanggap ng Palanca, ang isang manunulat ay sumasali upang patunayan sa sarili na hindi tsamba ang naunang pananalo.
Taong 1951 nang magsimula ang Palanca Awards. Ito ay itinatag sa alaala ni Don Carlos Palanca Sr, isang negosyante at pilantropo, upang magsilbing incentive sa mga manunulat na lumikha ng mga katangi-tanging akda. Nakabukas lamang ito noon sa kategoryang ‘maikling kuwento’ sa Filipino Division at ‘short story’ sa English Division. Sa paglipas ng mga taon, unti-unting nadagdagan ang mga kategorya. Nagbukas ang kategorya sa dula — sa dulang may isang yugto (one-act play) at sa dulang ganap ang haba (full-length play). Tapos, sa tula/poetry. Noong taong 1989, binuksan na rin ng Palanca ang pinto nito para sa panitikang pambata: maikling kuwentong pambata/short story for children. Lilipas pa ang mga taon at pati ang nobela (novel), dulang pampelikula (screenplay), tulang pambata (poetry written for children), ay mabubuksan na rin. Samantala, may mga kategorya rin dati sa Palanca na binuksan ngunit makalipas ang ilang taon ay tinanggal din – gaya ng teleplay at futuristic fiction. Kung dati-rati ay sa English at Filipino Division lamang nakabukas ang Palanca, nagkaroon na rin ng dibisyon para sa Regional Languages (Cebuano, Ilokano, at Hiligaynon) ngunit ito ay limitado lamang sa kategoryang maikling kuwento.
Hanggang ngayon, marami ang nagsasabing nais nilang sumali sa Palanca. “Kahit isang Palanca lang, kahit third prize pa, okay na ‘yun sa akin.” Ganun ang madalas na nababanggit patungkol sa Palanca. Minsan pa nga ay may magtatanong sa akin kung ‘paano ba manalo sa Palanca’ na para bang alam ko ang pormula nang pananalo sa naturang literary award. Maski ako, noong nagsisimula na akong sumali sa Palanca, ay hindi malay kung may tsansa bang mapansin ng mga hurado ang aking lahok. Siyempre, lahat ng sumasali ay naniniwalang maganda ang kaniyang naisulat na piyesa. Pero ibang usapin ang manalo sa award na ito. Kumbaga, kahit ramdam mong maganda ang naisali mong lahok, mabibigla ka pa rin kapag natanggap mo ang telegrama (opo, telegrama pa noon) mula sa Carlos Palanca Foundation na nagsasabing nanalo ang iyong entry.
Ang kategoryang Nobela/Novel ay ibinubukas lamang tuwing ikalawang taon. Ngayong taong ito (2024), nakabukas ang kategoryang nobela/novel para sa mga nais sumali rito.
Malaya ang kahit sinong manunulat na paksain ang nais niyang tema sa kategoryang balak niyang salihan maliban lamang sa kategoryang Kabataan Essay o Kabataan Sanaysay, kung saan ang paksa ay ibinibigay mismo ng Carlos Palanca Foundation. Ang Palanca Awards ay nakabukas na rin kasi sa mga kabataang manunulat. Ang espesyal na kategoryang ito ay bukas para sa mga sanaysay na personal (o impormal). Maaaring sumali ang mga kabataang manunulat na below 18 years old as of May 31, 2024.
Ngayong taong ito (2024), ang tema ng sanaysay ay ito:
Para sa English division: “Today’s youth are deeply influenced by technological advancements in social media and AI. How can the government and families help the youth harness its transformative potential while mitigating inherent risks as they navigate the digital landscape?”
Para sa Filipino Division: “Lubhang naiimpluwensyahan ang mga kabataan ngayon ng pag-unlad ng teknolohiya ng social media at AI. Paano matutulungan ng pamahalaan at mga pamilya ang mga kabataan na pagyamanin ang kakayahan nitong magdulot ng pagbabago habang nilulupig ang mga kaakibat na panganib ng kanilang pagbabaybay sa digital na mundo?”
Hindi dapat lalampas sa limang pahina ng typewritten pages ang lahok sa kategoryang ito (an entry must be at least four but not more than five typewritten pages) at dapat ay may orihinal na pamagat. Tema lamang ang ibinigay sa sanaysay na susulatin kaya marapat na bigyan ng orihinal na pamagat ang mga lahok.
Maaaring bisitahin ang website ng Palanca Awards para sa contest rules: www.palancaawards.com.ph.