30.2 C
Manila
Linggo, Setyembre 15, 2024

Para sa dasal ni Marcos, baka magpalit ng pinuno

LANGIT AT LUPA

- Advertisement -
- Advertisement -

SA dalangin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. isabanal at ialay ang Pilipinas sa Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria, ano ang kailangan upang matupad ang kahilingang iadya ang bansa sa “bagyong nagsisilakbo sa paligid,” kabilang ang tumitinding tagisan ng China at Estados Unidos (US).

Nagbabala ang presidente sa pagbiyahe sa Australia noong Pebrero, baka maging “bungad ng giyera” ang Pilipinas gaya noong Pangalawang Digmaang Pandaigdig. Noong 1941, sinakop tayo ng Hapon dahil narito ang malaking puwersa ng Amerika sa Asya — at doon tayo patungo ngayon dahil ipinagamit ni Marcos ang siyam na base ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa US.

At lumalaki ang panganib na magkakagiyera ang China at Amerika sa Taiwan, ang isla sa hilaga ng Luzon. Inaangkin ito ng China dahil gobyerno nito ang dating namumuno sa China bago lumikas sa Taiwan pagkatalo sa digmaang sibil noong 1949 laban sa mga komunistang may kapangyarihan sa China mula noon.

Hindi lamang digma ang inihingi ni Marcos ng pag-aadya, kundi mga ideolohiya at pag-uugaling kontra Kristong kumakalat at namamayani sa mundo. Iniulat nitong pitak natin sa Mayo 17 tungkol sa dalangin ng Pangulo:

“Aniya sa Inang Maria, ‘umiihip ang masasamang hangin, nagbubunsod ng mga hiyaw ng pagpaslang laban sa iyong Anak at sat kabihasanang itinatag alinsunod sa mga pangaral Niya. … mga marungis na alon ng lantarang imoralidad na wala na kahit pagkilala sa kasalanan’” (https://tinyurl.com/2kzxe74h).


Palit-pamunuan, hinto-digmaan

Sa nagdaang mga konsagrasyon kay Maria laban sa giyera at salang paniniwala, nagpalit ng mga pinuno.  Bago ang dalangin ni Papa Pio XII noong Oktubre 1942, nagkaroon ng mga bagong heneral ang mga hukbo ng Britanya sa Ehipto at Rusya sa Stalingrad (ang kasalukuyang Kyiv, Ukraina). Matapos ang konsagrasyon, nagwagi ang Britanya sa El Alamein at ang Rusya sa Stalingrad — mga panalong nagsimula ng pagbulusok ng Alemanya at kaalyadong Hapon at Italya.

Matapos ang dalangin ni Pio XII noong 1952, nahinto ang planong paglusob sa Europa ng Rusya dahil namatay ang diktador nitong si Josef Stalin noong Marso 1953. Sa bagong pamunuan, mas humusay ang relasyon ng komunistang Unyong Sobyet (ang ngalan ng Rusya noon) sa alyansiyang pinamumunuan ng Amerika.

At nang ipagkatiwala ni Papa Juan Pablo II ang Simbahan at daigdig sa Kalinis-linisang Puso ni Maria noong 1981, 1982 at 1984, hindi lamang nahinto ang isa pang planong pagdigma sa Europa ng Unyong Sobyet. Nagkaroon pa ito ng pangulong nagsulong ng reporma, si Mikhail Gorbachev. Nauwi ito sa pagbuwag sa Unyong Sobyet at sa alyansiyang komunista hawak nito.

- Advertisement -

Samantala, matapos ang pagsasabanal ng Pilipinas noong 1954 sa dalangin ng pangulo noong si Ramon Magsaysay, nagsimula siyang mas isulong ang pangangailangan ng Pilipinas kaysa sumunod lamang sa US. Nang mamatay siya pagbagsak ng eroplano noong 1957, nagpatuloy sa mga pangulong sumunod ang unti-unting pagkalas ng Pilipinas sa Amerika.

Sa gayon, hindi natupad ang hangad ng US maging tagapagbunsod ang Pilipinas sa Timog Silangang Asya ng alyansiyang itinatag ng Amerika sa Asya noong 1955, ang Southeast Asia Treaty Organization (Seato). Noong 1967, itinatag ng Indonesya, Malaysia, Pilipinas, Singapore and Thailand ang Association of Southeast Asian Nations (Asean). Nabuwag ang Seato noong 1977 at hindi nahati ang rehiyon sa magkatunggaling alyansiya gaya ng Europa.

Bagong banta ng sala at digma

Pero hangad na naman ng US bumuo ng alyansiya sa Asya. Halos lahat ng Asean hindi kumakagat. Ngunit naitulak si Marcos gawin tayong plataporma ng puwersa laban sa China, kung saan papasok at papaligid ang Amerika at mga kaalyado nito.

Samantala, paglakas ng impluwensiya ng US, hindi lamang sa depensa at politika, kundi sa media at pamumuhay, mas lumalaganap ang mga ideolohiya at pamumuhay na taliwas kay Kristo. Kabilang dito ang pagsamba sa armas at yaman, paglalaglag ng sanggol at pag-aasawa ng kapwa lalaki o babae.

Sa dalangin ni Pangulong Marcos laban sa mga bantang ito, magkaroon kaya ng mga bagong pinuno gaya sa mga nagdaang konsagrasyon? Tingnan natin.

- Advertisement -

Sa Amerika may halalan ng Pangulo at Kongreso sa Nobyembre, at bahagyang nangunguna sa mga survey ng botante si dating presidenteng Donald Trump, ang inaasahang lalaban kay Pangulong Joseph Biden.

Kung manalo si Trump, hindi niya nais lumaban ng US kung saan-saan. Mas ibig niyang makipagkasundo para iwasan ang giyera. Kontra rin siya sa mga patakarang pabor sa paglalaglag ng bata at pagsasama ng magkaparehong kasarian.

Sa Pilipinas naman, kung tatanggapin ng gobyerno ang hangad ng US gawing pandigma sa China ang ating bansa at magbunsod ng pamumuhay na kontra sa Kristiyanismo, baka kailangan ding magbago ang pamunuan dito upang matupad ang panalangin ni Pangulong Marcos.

Inihayag ng Mahal na Birhen ng Fatima: “Sa katapusan, magtatagumpay ang aking Kalinis-linisang Puso!” Sabi naman daw niya kay Christina Gallagher, mistikong taga-Irlanda, sa Pilipinas magsisimula ang tagumpay, ayon sa salaysay ng tagapayo ni Gallagher (https://youtu.be/S2pYQjXzYA8?feature=shared).

Itulot nawa ng Diyos na maluklok nga at lumaganap mula sa Pilipinas ang tagumpay ni Maria laban sa giyera at sala. Amen!

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -