PLANONG magtayo ng Department of Agriculture (DA) ng permanenteng soil testing laboratory sa Palawan sa susunod na taon.
Ito ang inihayag ni DA Undersecretary and Chief of Staff Atty. Alvin John Balagbag sa isinagawang press conference nito lamang Mayo 28, 2024 kaugnay ng isinasagawang Farmers and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) National Cluster Summit sa lungsod.
“Magkakaroon po tayo siguro in the next years, Ang plano po namin is isang permanent soil laboratory, para ‘yong mga magsasaka natin alam kung saan pupunta para magpa-testing ng kanilang soils,” pahayag ni Balagbag.
Ayon sa kanya, makakatulong ang soil testing upang ma-analisa kung anong klase ng mga pataba, pestisidyo at uri ng binhi ang angkop na gamitin sa lupa ng sa gayun ay mapataas ang produksiyon ng mga magsasaka.
Dagdag pa ni Balagbag, si Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. mismo ang may gusto na magkaroon ng mga soil laboratories sa mga rehiyon kung kaya’t ito ngayon ang binibigyang-pansin ng DA.
Inanunsiyo din nito na mayroon nang procurement na isinasagawa ang DA para sa 16 na mobile vehicle soil laboratory na lilibot sa iba’t ibang lugar kasama na ang Palawan.
Sinabi din ni Balagbag na sa pamamagitan ng mga soil laboratory ay magkakaroon na ng agarang data ang mga magsasaka kung ano ang kailangan nila sa kanilang mga lupa at maging tama ang mga farm inputs na gagamitin dito. (OCJ/PIA MIMAROPA/Palawan)