27.8 C
Manila
Biyernes, Setyembre 13, 2024

Made in Asia: Pagtatampok ng mga children’s books mula sa Asya

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

LUMAKI tayong lahat na ang binabasa nating mga kuwentong pambata ay galing sa Amerika at Europa. Inaliw tayo ng mga fairy tales na nagtatampok sa mga hari at reyna, prinsipe’t prinsesa. Hindi natin masisisi ang mga manunulat nito sapagkat ganito ang kinalakihan nilang lipunan. Si Hans Christian Andersen, ang kinikilalang Ama ng Modernong Fairy Tales ay mula sa Odense, Denmark, isang bansa sa Scandinavia na may monarchy. Tayo sa Asya ay masugid namang naging tagatangkilik ng kanilang mga aklat, hindi na baleng hindi natin kamukha ang mga bida sa nasabing aklat. Kakaunti lang kasi noon ang nalalathalang aklat pambata sa ating bansa.

Tampok ang mga children’s books mula sa Pilipinas sa Asian Festival of Children’s Content (AFCC) sa Singapore

Pero nag-iba na ang landscape nang paglalathala ng mga aklat pambata. Marami na ring aklat pambata na inilalathala ngayon sa Asya, kasama na tayo rito sa Timog-Silangang Asya (Southeast Asia). Ang Pilipinas ay hindi na nahuhuli sa ibang bansa pagdating sa ani ng mga aklat pambata. Kung may isang dyanra (genre) ng panitikan na nagkaroon ng matinding pag-unlad sa bansa, ito ay ang panitikang pambata.  Kitang-kita naman ito sa dami ng mga lokal na children’s books sa mga bookstores at sa mga idinadaos na book fairs.

Kasama ng kolumnistang ito si Andrea Wang, awtor ng picture book na ‘Watercress’

Masasabi kong mahalaga ang ginawang hakbang ng Singapore Book Council na magpatupad ng taunang Asian Festival of Children’s Content (AFCC) upang magkaroon ng presence ang mga Asian children’s books sa market. Ayon nga kay Claire Chiong, presidente ng Singapore Book Council, dapat ay makita na ring nakasama ang ating mga Asian children’s books sa merkado ng mga trade books o textbooks sa Amerika, Europa, at iba pang dako ng daigdig. “Nababasa natin sila. Pero tayo rito sa Asia, nababasa ba nila?” hamon pa ni Claire Chiong sa mga dumalo sa katatapos na AFCC conference.

Mga children’s books at young adult novels na sinulat ni Andrea Wang

Noong Mayo 23-26, 2024, muling dumayo sa Singapore ang maraming Asyanong manlilikha ng aklat pambata (manunulat, ilustrador, publisher, reading advocates) upang itampok at pag-usapan ang ating mga aklat pambata at nobelang pangkabataan sa rehiyon. Dahil naging ‘Country of Focus’ ang Pilipinas, kay raming children’s books (na pina-hardbound pang lahat) ang binitbit ng National Book Development Board (NBDB) sa Singapore upang mailagay sa exhibit. Bilang awtor, natuwa akong makita na apat sa aking aklat pambata, na nakasama sa exhibit, ay naka-hardbound! Hindi raw kasi papansinin sa abroad ang mga aklat na naka-softbound. Dito sa Pilipinas, bibihira ang mga aklat na naka-hardbound. Lalo kasing magiging mahal ang presyo ng bawat aklat kaya lalong di mabibili.

Si Andrea Wang din ang awtor ng YA book na ‘The Many Meanings of Meilan’

Napakinggan ko roon ang lektura ni Andrea Wang, isang awtor ng mga children’s at young adult books sa Amerika, tungkol sa kanyang identity habang lumalaki siya sa Ohio, USA. Na bagama’t doon na siya ipinanganak sa US ng kanyang magulang na Chinese immigrants, iba pa rin daw ang tingin sa kaniya ng mga kaklaseng Amerikano. Naanyayahan siyang magbigay ng keynote address sa pagbubukas ng kumperensiya. “Ngayon lang ako nakakita ng maraming audience na kamukha ko,” natutuwang sabi niya. “I feel at home!”


Sa isang session na pinamagatang ‘Writing Watercress,’ ibinahagi ni Andrea Wang ang inspirasyon niya sa paglikha ng kanyang award-winning children’s book na ‘Watercress.’ Isang pagbabalik sa alaala ng kabataan ang nasabing aklat pambata. Noon daw lumalaki siya sa Ohio, laging humihinto ang kanyang magulang sa isang lugar sa Ohio upang mamitas ng watercress (isang uri ng halaman na nakakain at mabilis magparami). Labis daw niyang ikinahihiya ito. Sana raw ay sa grocery na lang sila mamili ng pagkain, gaya ng iba pa niyang kaklase. Nang malaman niya ang kuwento ng kanyang ina tungkol sa kinalakhang pamilya sa China, noon lamang naging malinaw sa batang tauhan kung bakit sila namimitas ng halamang ito.

Kasama ni Dr Gatmaitan sina Dardanelleis Labrador Balisi-Lizaso, isang Pilipinang educator na naninirahan sa Singapore at awtor ng aklat na 'New Wolf on the Block', at si Lawrence Schimel, prolific author and translator ng napakaraming children's books

May ilang pagkakataon na sa pagbabahagi ni Wang ng kuwento ay napapaluha siya. Hindi kasi naging madali para sa kanya ang tapusin ang kuwento sapagkat kailangan niyang balikan ang maraming masasakit na eksena sa kanyang gunita. Hindi kagaya ng karaniwang mga children’s books, ang picture book na ‘Watercress’ ay hinugot mula sa alaala ng pagkabata ni Andrea Wang. Lumalabas na siya rin ang batang bida sa aklat na ito.

Nagsimula raw ang picture book na ito bilang isang personal na sanaysay. Kalaunan, ang naturang sanaysay ay maingat niyang ginawang aklat pambata. Pero maraming taon ang lumipas bago niya ito natapos. Sa tingin ko, marami ang agad makaka-relate sa kuwento ni Wang sapagkat marami tayong salaysay ng immigrant experience. Nakakalat ang mga Pinoy sa iba’t ibang dako ng daigdig.

- Advertisement -
Kasama ng kolumnistang ito sina Bernice Lee, isang Singaporean publisher, at si Joshene Bersales, awtor ng ‘Sakto Lang’ na inilathala ng OMF-Hiyas at kabilang din sa napiling aklat na ineksibit sa AFCC

Sa salaysay ni Wang, naalala kong bigla ang aking pamangkin na si Aryn (Gatmaitan-Bernardo) na doon na ipinanganak sa Amerika. Parehong Pilipino ang magulang niya; kapatid ko ang kanyang ina. Nasa middle grade na siya ngayon sa Concord, New Hampshire, USA. Naikuwento niya na kahit doon na siya nagkaisip at lumaki, dahil Asyano ang kanyang hitsura, nakakatanggap pa rin siya ng discrimination at pambu-bully mula sa mga kaklaseng Amerikano (na mga Caucasians)! Kahit pa US citizen din siya, ang kanyang Asian look ang nagiging batayan ng ilang diskriminasyong natatanggap. Naalala ko si Aryn kasi’y may isang personal essay din siyang sinulat tungkol sa karanasanang ito na ipinabasa niya sa akin.

Ang exhibit area ng AFCC sa National Library Building

Naging mainit daw ang pagtanggap ng mga tao sa naturang libro ni Andrea Wang nang ito’y lumabas. Kaya ayon sa kanyang editor sa naturang publishing house, sundan na niya agad ito ng isa pang aklat na ganoon din ang timpla. Tinanggihan ito ni Wang sapagkat ayon sa kanya, hindi madaling sulatin ang ganitong materyal.

Maraming alaala ng ating pagkabata ang puwedeng maging salukan ng inspirasyon kapag tayo’y nagsusulat. Puwede nating balikan ang ilang childhood moments na nasaktan tayo, natuwa, natakot, nagalit, o napahiya. Sa kaso ni Andrea Wang, binalikan niya sa alaala ang  sa tingin niya ay isang ‘nakakahiyang sandali’ ng kanyang pagkabata. Nagsimula sa personal na sanaysay, ngayo’y isang full-fledged children’s book na. Hindi niya akalaing namakyaw ng award mula sa mga respetadong organisasyon sa Amerika ang kanyang aklat na ‘Watercress.’

Mga kababayan natin sa Singapore na nagpakita ng interes sa panitikang pambata

Ang ating National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ricky Lee ay minsan nang magsabi na ang mga ‘bubog’ ng ating buhay ay puwedeng pagkunan ng mga kuwentong tatatak sa puso.

May lugar ang pagsulat ng memoir sa panitikan, kahit sa panitikang pambata.

Ang mga larawan ay kuha ni Neth Wong, isang Pilipinang photographer na naninirahan sa Singapore. 

- Advertisement -

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -