UMABOT na sa 25,960 katao ang nakinabang sa programa na Tulong Pangkabuhayan sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (Tupad) ng Department of Labor and Employment (DoLE) sa buong Mimaropa.
Sa kabuuang bilang ng Tupad beneficiaries, 2,439 ay mula sa Occidental Mindoro; 6,038 mula sa Oriental Mindoro; 1,528 mula sa Marinduque; 2,704 mula sa Romblon, at 13,251 naman mula sa Palawan.
Maliban sa Tupad, meron ding 569 mga interns ang naging benepisyaryo ng Government Internship Program (GIP) para sa unang kalahati ng 2024. Kabilang dito ang 201 mula sa lalawigan ng Occidental Mindoro, 86 sa Oriental Mindoro, 51 sa Marinduque, Romblon ay 94, Palawan 110 at sa kanilang tanggapan sa rehiyon ay nasa 27.
Ayon kay DoLE Mimaropa Regional Director Naomi Lyn Abellana, nakapamahagi sila ng P138,206,550 sa programang Tupad, kung saan dumaan ang mga benepisyaryo sa oryentasyon upang ipabatid ang mga tungkulin, benepisyo at halaga na matatanggap bago isagawa ang pagsasaayos at paglilinis ng mga lugar sa lansangan.
Samantala, ang mga benepisyaryo naman ng GIP ay nakatanggap ng kabuuang halaga na P4,845,070 para sa mga nagtapos ng senior high school, technical vocation course at tertiary education.
Sa pamamagitan ng GIP, ang DoLE ang nagpupuno ng kakulangan sa mga pangangailangan ng mga benepisyaryo na mag-aaral tulad ng pag-empleyo nila sa mga tanggapan ng pamahalaan upang maranasan ang pagtatrabaho sa pamahalaan.
Ang bawat intern ay tumatanggap ng minimum na sahod na P395 kada araw. Ito ay base sa tinatanggap na sahod sa walong oras na trabaho sa rehiyon ng Mimaropa.
Kasama ni Abellana sa press conference na ginanap kamakailan dito sa Calapan City sina DoLE Assistant Regional Director Nicanor Bon, Oriental Mindoro Provincial Director Roderick Tamacay, mga provincial directors ng Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan na kasama sa pamamagitan ng online video at mga kinatawan mula sa Senior Labor and Employment Office. (DN/PIA MIMAROPA-Oriental Mindoro)