26.5 C
Manila
Miyerkules, Setyembre 18, 2024

Mga implikasyon ng deficit sa kalakalan

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

SA mga nakaraang linggo inilaan natin ang kolum na ito sa pagsusuri ng iba’t ibang mukha ng mahinang katatagan ng ekonomiya. Isa pa sa mga indek ng kahinaan ng katatagang ekonomiko ay ang malawak na deficit sa kalakalan. Kapag ang halaga ng inaangkat ay mas mataas sa halaga ng iniluluwas ng bansa, ang ekonomiya ay nakararanas deficit sa kalakalan. Noong 2023, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang deficit ng kalakalan (produkto at serbisyo) ay umabot sa halagang $46.69 bilyon.

Anu ano ang implikasyon ng deficit sa kalakalan?  Una, ang inaangkat  ay nag-uugat sa iba’t ibang gugulin sa kabuoang demand na hindi matugunan ng lokal na produksiyon. Ang mga mamimili ay hindi lamang kumukonsumo ng mga produktong gawa sa loob bansa. Maraming produkto at serbisyo na kanilang kinukonsumo tulad ng gamot, pagkain, gatas, at marami pang iba ay inaangkat sa ibang bansa. Ganuon din ang guguling pangangapital; ang mga makinang ginagamit ng mga kompanya at negosyo upang maisagawa ang kanilang operasyon ay inaangkat din. Ang pamahalaan ay bumibili ng napakaraming kompyuter na inaangkat para magamit ng mga kawani ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. Ang iniluluwas ay nangangailangan din ng mga hilaw na materyal na inaangkat. Ang halaga ng mga guguling ito na galing sa ibang bansa ay tinataya sa halagang $150.27 bilyon noong 2023.

Ikalawa, kung ang ekonomiya ay nakararanas ng deficit sa kalakalan nagpapahiwatig ito na ang kabuoang demand ay mas mataas sa kabuoang suplay. Ibig sabihin ay mas mababa ang kita mula sa produksiyon sa loob ng bansa upang tustusan ang iba’t ibang gugulin. Dahil dito, mas mababa ang pag-iimpok upang tustusan ang pangangapital, mas mababa ang kita ng pamahalaan mula sa buwis upang tustusan ang guguling pampamahalaan, at mas mababa ang eksport upang pondohan ang guguling imports. Ang pondong ginagamit sa ibat ibang gugulin ay dapat manggaling sa idinagdag na halaga ng mga produktibong sangkap sa mga nagawang huling produkto at serbisyo sa loob ng bansa upang maging matatag ang ekonomiya. Ngunit ang pagkonsumo ng mga mamimili ay hindi lamang galing sa kita sa loob ng bansa ngunit sa iba pang pinagkukunan tulad ng padalang salapi.  Nagpapahiwatig ito na ang pambansang kita o kabuoang suplay ay mababa sa kabuoang gugulin o demand. Nagkukulang ang produksiyon sa loob ng bansa upang tugunan ang kabuoang demand. Kinakailangang mag-angkat upang masugpo ang nagbabantang inflation bunga ng labis na kabuoang demand.

Ikatlo, kung limitado ang kabuoang suplay sa kabuoang demand, ang deficit sa kalakalan ay nagpapahiwatig ng pangangailangan ng karagdagang pondo upang tustusan ang sobrang gugulin. Makukuha ng karagdagang pondo sa pamamagitan ng pangungutang sa labas ng bansa, pagbabawas ng reserba o laan ng mga dayuhang salapi o ang paghihikayat ng pagpasok ng dagdag na dayuhang capital sa bansa.

Ang problema sa pangungutang sa ibang bansa ay ang pagbabayad. Ang pagbabayad ng utang sa hinaharap ay maaaring mauwi sa paglawak ng fiscal deficit na tinalakay natin noong nakaraang linggo.  Dahil mahirap itaas ang buwis ng mga mamamayan at negosyo mapipilian ang pamahalaan na lalo pang mangutang upang bayaran ang mga naunang utang.


Maaari ding bawasan ang reserba o laan ng mga dayuhang salapi ng bansa upang pondohan ang labis ng imports. Kaya lang, ang malaking pagbabawas sa reserba ng mga dayuhang salapi ay may kaakibat na panganib. Ang kakayahan ng bansa na tustusan ang labis na inaangkat sa hinaraharap ay nanganganib kung malaking bahagi ng reserba ay nababawasan.

Ang problema naman sa pagpasok ng dayuhang capital ay ang inaasahang pagdaloy ng pondo palabas. Ang mga dayuhang kompanya ay naglalaan sa kanilang budget ng kabayaran sa paggamit ng dayuhang capital sa proseso ng produksiyon. Halimbawa, dapat bayaran ang management fee ng mga namamahala ng dayuhang negosyo. Kailangan ding magbayad ng royalty kung may dayuhang teknolohiyang ginamit. Ang tubo ng dayuhang kompanya ay maaari ding dumaloy palabas ng bansa.

Kung mabibigat ang mga sakripisyo sa paghahanap ng pondo upang tustusan ang labis na gugulin ng ekonomiya maaari din namang bawasan ang gugulin sa pamamagitan ng depresasyon ng piso, pagpapataas ng buwis, at pagpapataas ng interest rate. Sa ganitong paraan, ang gugulin ng ekonomiya ay papantay sa pambansang kitang nakukuha sa loob ng bansa. Ngunit ang mga alternatibong ito ay may kakabit na mga sakripisyo din.

Sa depresasyon ng piso, ang inaangkat ay nababawasan dahil nagiging mahal ang presyo nito. Ang depresasyon ng piso ay nagbabadya din ng pagtaas ng inflation rate. Sa pagbaba ng inaangkat magbababaan din ng mga gugulin na maaaring makapagpabagal sa paglaki ng ekonomiya. Ang pagpapataw ng dagdag na buwis ay makapagbabawas din ng iba’t ibang gugulin na maaaring magpabagal sa paglaking ekonomiko. Kung ipapatupad naman ang mahigpit na patakarang pananalapi, ang pagtaas ng interest rate ay magpapababa sa pagkonsumo at pangangapital  at magpapabagal sa paglaki ng ekonomiya.

- Advertisement -

Samakatuwid, anuman ang ating gawin upang tugunan ang deficit sa kalakalan may mga kaakibat na mga sakripisyo ang mga ito. Tugma ito sa mahalagang prinsipyo sa ekonomiks na bunga ng kakapusan ng yaman, may papasanin tayong sakripisyo upang ipatupad ang anumang gawain.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -